Kim Rodriguez on possible romance with Enzo Pineda: "Hindi pa po ako ready na magka-lovelife."

Ipinagdiwang ni Kim Rodriguez ang kanyang 19th birthday sa Ark Avilon Zoo sa Frontera Verde Ortigas Avenue, Pasig City kahapon ng umaga, Agosto 13. Ngayong araw, August 14, ang actual birthday niya.


Kakaiba ang naging selebrasyon ng 19thbirthday ng Kakambal ni Eliana star at GMA Artist Center (GMAAC) talent na si Kim Rodriguez, kasama ang ilan sa kanyang fans, dahil ginawa ito sa piling ng mga hayop sa Ark Avilon Zoo sa Frontera Verde Ortigas Avenue, Pasig City kahapon ng umaga, Agosto 13.

Sabi ni Kim sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “First time ko pong mag-birthday sa zoo.

"Actually, hindi ko po alam ito. Ang alam ko po ngayon, pocket interview, sabi nila [staff ng GMAAC].

"Nagtataka nga po ako kung bakit sa zoo. Tapos nagulat po ako nung pagpasok ko at sinurprise po ako ng mga fans ko.

"Hindi ko po talaga in-expect na dito ako magbi-birthday. Masaya po ako at na-appreciate ko naman po ang ginawa nila.

"Kaya nagpapasalamat po ako sa Artist Center at sa mga fans ko dahil ginawa nilang kakaiba at espesyal ang birthday ko.”

Marami raw siyang natutunan sa ginawa nilang tour sa zoo na may kasamang animal lectures mula sa staff ng Ark Avilon.

“Mas lalo ko pong nakilala yung iba’t ibang klase ng hayop hindi lang puro ahas na kasama ko sa Kakambal ni Eliana.”

ANIMAL LOVER. Dahil nga raw sa serye niya ay nawala ang takot niya sa ibang hayop at tila naging close siya sa mga ito.

Nakita nga ng PEP kung paano siya makipaglaro at hawakan ang iba’t ibang hayop gaya ng bearcat, white breasted eagle, at ng 10-foot 16-kilo albino Burmese python, na makikita sa larawan.

Nagpakain din siya ng mga malalaking Arapaima, na isa sa mga largest freshwater fish sa mundo.

“Siguro po dati takot po ako, pero ngayon po nawala na yung takot ko lalung-lalo na sa malaking ahas kung nakita n’yo po. Hindi na ako takot.

"Sobrang laking tulong po ng Kakambal ni Eliana dahil nawala yung takot ko po sa ibang mga hayop lalo na sa ahas.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung mabibigyan nga raw siya ng pagkakataon ay gusto niyang magkaroon ng alagang ahas.

“Okay lang po sa akin na magkaroon ng pet na ahas kasi napamahal na po ako sa ahas lalo na kay Naja. Mami-miss ko po talaga si Naja lalo na ngayong matatapos na ang Kakambal ni Eliana.”

Naja ang pangalan ng ahas na kakambal ni Kim sa kanyang paghapong serye sa GMA-7.

WISH AND GIFT FOR HERSELF. Ngayong araw, Agosto 14, talaga ang birthday ni Kim. Pero may trabaho siya kaya raw siguro naisip na gawin ng GMAAC at fans niya ang kanyang celebration.

Ngayong 19 na siya, ano naman ang birthday wish niya?

Sabi ni Kim, “Ang birthday wish ko po sana makasama ko po yung Papa ko sa mismong araw ng birthday ko bukas o kahit pag nag-celebrate kami sa family.”

Wish niya rin daw na makatrabaho ang iba pang top Kapuso leading men.

“Si Kuya Dennis [Trillo] po kasi nakatrabaho ko na. Sana po makatrabaho ko si Kuya Richard [Gutierrez] at saka si Kuya Dingdong [Dantes].”

Natutuwa naman si Kim na nakabili siya ng bagong sasakyan bilang regalo sa sarili niya.

“Montero po kulay white. Matagal ko na po kasing gusto ng bagong sasakyan.

"Bunga po iyon ng Eliana pati ng iba pang ginawa ko before.”

WORKING BIRTHDAY GIRL. Magtatrabaho nga raw si Kim ngayong birthday niya dahil pupunta siya ng Davao para mag-taping ng kanyang kauna-unahang episode sa drama anthology ng GMA-7, ang Magpakailanman.

“Istorya po yun ni Gloria Galido. Yung mga anak po niya kapag dumating sa age na 20 o 21, malalampa, magkakaroon ng kapansanan po. Isa po ako sa mga anak niya.”

Nakakaramdam nga raw ng pressure si Kim.

“Siyempre kasi first time ko pong mag-Magpakailanman.

"Hindi maiwasan yung pressure kasi yung Magpakailanman, drama po iyan, e. Lalo na po si Direk Gina Alajar ang direktor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero since nasanay naman po ako sa Eliana na puro drama, iyakan, sa tingin ko magiging masaya yung taping ng Magpakailanman.”

Three days daw silang mag-i-stay sa Davao. Bukod sa taping ay dadalo rin daw siya sa Kadayawan Festival doon.

MORE PROJECTS. Feeling blessed nga si Kim dahil bukod sa big break niya sa Kakambal ni Eliana at unang Magpakailanman episode niya ay meron pa siyang dalawang indie movies.

“Yung isa, ang title Pangarap kay Direk Joey Reyes na mapapanood sa September. Ako po doon yung batang Rustica Carpio.

"Yung isa po yung Chasing Boulevards directed by Alessandra Dalmas. Isa po siyang coming-of-age road trip movie.

"Kasama ko po sina Teejay Marquez at Kiko Estrada.”

Dahil matatapos na nga ang Kakambal ni Eliana, may kasunod na ba siyang proyekto sa GMA-7?

“Pinag-uusapan pa po ng Artist Center. Pero meron na raw po.”

Pang-primetime naman kaya ito?

“Hindi ko po alam, e, pero sana. First time ko pong mag-primetime kung sakali kaya ibibigay ko po ang bonggang-bonggang best ko.

"Pero kahit naman po panghapon ulit okay lang sa akin kasi trabaho po iyon, e,” pahayag ni Kim.

ENZO PINEDA. Isa si Kim, along with Steven Silva and Julian Trono, sa surprise guests ni Enzo Pineda noong magkaroon ang young actor ng feeding program para sa birthday nito sa Alabang Elementary School noong Agosto 11.

Isa si Enzo sa leading men ni Kim sa Kakambal ni Eliana along with Kristofer Martin.

Napansin naman ng PEP ang pagiging malapit ni Kim sa Mommy Macy ni Enzo kahit first time pa lang nilang mag-meet.

Ayon kay Kim, “Mabait po talaga yung mommy niya sa akin. Parang anak din po yung turing niya sa akin.

"Yun po yung unang meet namin pero naging sobrang close po kami agad.”

Totoo ba na diumano’y mas pabor sa kanya si Mommy Macy para kay Enzo kaysa sa dating girlfriend nito na si Louise delos Reyes?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Na-speechless naman po ako sa tanong n’yo. Hindi ko po alam kay Tita!” natatawang sagot niya.

Pero may posibilidad ba na magkaroon ng love angle sa pagitan nila ni Enzo in real life, hindi lang sa pinagsasamahan nilang serye?

“Sa akin… posible pero hindi ko naman po iniisip yun kasi hindi pa po ako ready na magka-lovelife.

"Alam ko si Enzo naka-focus din sa work ngayon.”

Pero ano ang nagustuhan niya kay Enzo bilang leading man?

“Mabait po siya, gentleman, at maalaga sa set. Masaya po lagi kami sa set kasama sina Kristofer, Lexi.

"Kung mabibigyan po ng chance, gusto kong makatrabaho siya ulit.”

Nagbigayan na ba sila ng regalo ni Enzo para sa birthday nila?

Sabi ni Kim, “Hindi pa po kasi ang pinag-uusapan namin e lalabas kami. Sabay naming ise-celebrate yung birthday namin kasama yung friends po namin.

"Wala pa pong napag-uusapan kung saan. Siguro po dinner kasama yung mga friends.”

Dapat nga raw ay magkasama sila ni Enzo sa indie movie niyang pangarap. Pero conflict daw sa schedule ni Enzo ang shooting kaya napalitan siya ni Alwyn Uytingco.

KIKO ESTRADA. Gaano katotoo na hindi naman daw si Enzo ang talagang crush ni Kim kundi si Kiko Estrada, na dati nilang nakasama sa Tween Hearts pero lumipat na sa ABS-CBN?

Sagot ni Kim, “Hindi po, magkaibigan lang po kami.

"Dati ko po siyang kasama sa Tween Hearts tapos kasama ko siya ngayon sa indie film na Chasing Boulevards. Siya po yung loveteam ko doon.”

May ibinibida nga raw surprise si Kiko at ang mga kasama niya sa Chasing Boulevards para sa birthday niya.

“Hindi ko nga po alam, e, kasi ayaw nilang sabihin sa akin. Basta maloloka daw ako. Ewan ko ba kung ano yun.”

Noong lumipat ba ng network si Kiko ay may komunikasyon pa rin sila?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Opo.”

Nanligaw ba si Kiko sa kanya?

“Ay, hindi po,” tanggi ni Kim.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN