Ogie Alcasid gets star-studded support and greetings in anniversary concert

Kabilang ang teen heartthrob na si Daniel Padilla sa mga bigating guests ni Ogie Alcasid sa kanyang I Write The Songs: The 25th Anniversary Concert na ginawa sa SM Mall of Asia Arena, kagabi, Agosto 16.


Star-studded at sobra pa sa 25 guests ang dumating at nag-perform kasama ang singer-songwriter na si Ogie Alcasid sa kanyang I Write The Songs: The 25th Anniversary Concert kagabi, August 16, sa SM Mall of Asia Arena.

Nakaanunsiyo kasi sa posters at tickets ng show na 25 guests ang mapapanood sa concert na ito ni Ogie. Patunay tuloy na marami talagang lokal na mang-aawit at celebrities na gustong magpakita ng kanilang pagsuporta at pagbati sa OPM hitmaker at award-winning singer-songwriter.

January 15, 1988 ang aktuwal na petsa kung kailan nag-umpisa si Ogie sa local showbiz, pero ngayong Agosto nga lang niya naisakatuparan ang selebrasyon ng kanyang dalawampu’t limang taon bilang singer-songwriter sa pamamagitan nga ng concert niyang ito.

Ang asawa niyang si Regine Velasquez ang nag-umpisa ng concert sa pamamagitan ng pagkanta ng ilang linya ng “I Write The Songs” na pinasikat ng American singer na si Barry Manilow noong 1976.

Sa hagdan na nasa stage kumanta si Regine, pero sa gitna naman ng audience nanggaling si Ogie nang ipakilala na ni Regine.

Kinakanta ni Ogie ang “Kailangan Kita” habang naglalakad ito papuntang stage at binabati ang mga taong nadadaanan sa VIP audience seats.

IDOL AND BATCHMATES. Unang guest ni Ogie ang ipinakilala niyang isa sa kanyang mga idolo—si Rico J. Puno. Kinanta nila pareho ang mga pinasikat ni Rico na “Kapalaran,” “Buhat” at “May Bukas Pa.”

Matapos na magpasalamat sa tinaguriang “The Total Entertainer,” nagbiro pa si Ogie habang paalis na si Rico sa stage.

“Buti na lang hindi nagbiro ng bastos. Kinakabahan ako dun, e,” ani Ogie. Kilala kasi si Rico sa mga “green jokes” o mga malisyoso’t pilyong biro nito.

Bago ipakilala ang susunod na mga guest niya, ikinuwento muna ni Ogie na nung nagsisimula siya ay nag-aalala siya na baka hindi siya sumikat dahil kulang siya sa height.

Aniya, “Nakita ko, kailangan matangkad ka... guwapo. Yung guwapo lang ang meron ako.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero nung makita raw niya na nagsimulang sumikat na ang mga katulad nina Janno Gibbs, Manilyn Reynes at Dingdong Avanzado na katulad niya ay kulang din sa tangkad, nasabi niya sa sarili na, “Puwede pala ako.”

Matapos nito’y nagsimula nang kumanta si Ogie ng aniya’y mga awiting sumikat nung nagsisimula pa lang siya.

Kinanta niya muna ang “Hindi Magbabago” na pinagduwetuhan nila ilang sandali pa ng original singer nito na si Randy Santiago.

Sumunod ay kinanta niya ang “Pangarap Ka Na Lang Ba?” kasama ang singer nito na si Jamie Rivera.

Sinamahan na rin si Ogie ni Rachel Alejandro nang kantahin niya ang hit song nitong “Paalam Na.”

Ang Siquijor vice-governor na si Dingdong Avanzado naman ang nakasama ni Ogie nang kantahin niya ang “Basta’t Kasama Kita.”

Ang orihinal na kaduweto naman ni Ogie sa “Pangako” na si Manilyn Reynes ang sumunod na nakasama niya sa stage.

Pawang mga ka-batch ni Ogie sina Randy, Jamie, Rachel, Dingdong, at Manilyn sa pagpasok niya sa local music scene.

THANKING GMA-7. Kahit na kabilang sa mga nanood sa concert ang TV5 owner na si Manuel V. Pangilinan, TV5 president and CEO Noel Lorenzana, at TV5 Entertainment Division head Wilma Galvante, nagpasalamat pa rin si Ogie sa dating istasyon na kinabibilangan niya na GMA-7.

Nagpasalamat siya sa 18 taon ng pakikipagtrabaho at pag-aalaga sa kanya ng Kapuso Station.

SCREAMS AND CHEERS. Ilang beses na napuno nang husto ng tilihan ang concert ni Ogie.

Ang una rito ay nang makipag-duet sa kanya ang guest na si Daniel Padilla. Kinanta nila ang mashup ng 1989 hit ni Ogie na “Dito sa Puso Ko” at ang hit song ni Daniel na “Nasa Iyo Na Ang Lahat.”

Todo rin ang tilihan nang kumanta na sa stage ang tandem na “TomDen” nina Tom Rodriguez at Dennis Trillo.

Kinanta ng dalawa ang theme song ng top-rating show nilang My Husband’s Lover na “One More Try.” Naaliw ang mga tao sa pagwu-“walling” ni Ogie sa background habang nakikikanta kina Tom at Dennis. Sumingit pa si Ogie sa pagitan nina Dennis at Tom habang animo nakikipaglampungan sa dalawa nang matapos na nila ang kanta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Halata namang marami ang natutuwa at sumusuporta sa pangarap ni Anne Curtis na makilala na talaga bilang seryosong singer nang mag-duet sila ni Ogie sa kantang “Kailangan Ko’y Ikaw.”

Animo musmos na batang nagtatalon sa tuwa at nagtitili si Anne sa gitna ng live nitong makikipagbiritan kay Ogie. Nakitili at nag-cheer pa ang audience kay Anne dahil hindi ito sumabit sa matataas na tono ng kanta.

Tumitili, tumatalon, at kumakandirit pa itong nag-exit sa stage matapos ang duet nila ni Ogie.

WORTH IT. Napuno rin ng palakpakan at hiyawan nang samahan sa stage si Ogie ng ilan pang bigatin niyang guests.

Pakiramdam ng audience ay sulit na sulit sila sa kanilang ibinayad sa panonood ng concert nang makipagbiritan kay Ogie sina Zsa Zsa Padilla, Regine, Kuh Ledesma, Martin Nievera, at Gary Valenciano.

Matapos ang pakikipag-duet ni Ogie sa mga ito, pinasalamatan pa ni Gary ang Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM) president. Anito, malaki ang kinalaman ni Ogie sa career nilang mga mang-aawit. Puro paghanga naman ang mga sinabi ni Kuh tungkol sa singer-songwriter.

Nagkaroon pa ng “awkward moment” nang biglang isingit ni Regine ang pagpu-promote ng anniversary concert din ni Martin na Martin Nievera: 3D (Tatlong Dekada). Nadidiyahe si Martin na i-promote ito dahil sa “kabila” raw ang venue ng kanyang concert. Sina Regine at Ogie na lang ang nag-promote para kay Martin.

Matapos ang number ni Ogie kasama sina Zsa Zsa, Kuh, Martin, at Gary, naiwan si Regine sa stage at kinanta nila ang bagong awiting ginawa raw ni Ogie habang minamasdan ang pagluluto ni Regine at paglalaro naman ng kanilang anak na si Nate.

“The Lord Is Our Savior” ang titulo ng kanta—isang “praise song” o awit-pasasalamat sa Panginoon. Inawit nina Ogie at Regine ang kanilang pasasalamat para sa magandang buhay at pagmamahalan nila sa kanilang pamilya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

GREETINGS FROM FAMILY. Nabanggit na rin lang ang pamilya’t anak, binati si Ogie ng kanyang mga anak na babae na sina Leila at Sarah sa pamamagitan ng isang video greeting.

Naka-base sa Australia ang mga anak na ito ni Ogie mula sa una niyang marriage sa Australian beauty queen at erstwhile actress na si Michelle Van Eimeren.

Nakipagkantahan din kay Ogie ang mga magulang na sina Herminia at Herminio Alcasid, Sr. Kinanta nila ang kundiman ni Ogie na “Ikaw Lamang.”

THE SONGWRITER. Bukod sa bagong kantang ginawa ni Ogie na na-inspire ng kanyang asawa’t anak, pinarinig din niya ang apat pang kantang bagong gawa niya.

Isa rito ay ginawa ni Ogie on the spot at ang isa’y ginawa niya para lang concert na iyon.

Sa tulong ng guest niyang si Ryan Cayabyab—na kilala rin bilang isang mahusay na kompositor—ginawan nila ng kanta ang isang magkasintahan mula sa audience, base sa mga impormasyon na ibinigay ng mga ito kay Ogie.

Sa pasasalamat naman ni Ogie sa kanyang sponsors, gumawa siya ng kanta para sa mga ito. Aniya, kung hindi raw dahil sa mga ito, walang concert na mangyayari. Wala pa raw artist o concert na gumawa ng awit para sa mga sponsor kaya sinimulan na niya’t gumawa siya ng kanta para sa mga ito. Ang title ng kanta ay “Kung Walang Sponsors (Wala Lahat).”

Nasa audience din nung gabing iyon ang Smart Gilas coach na si Chot Reyes at ilang miyembro ng nabanggit na Philippine basketball team na pumuwesto ng second place sa FIBA (Federation Internationale de Basketball) Asian Championships.

Inihandog ni Ogie ang ginawa niyang awitin na “Ang Galing ng Pinoy” para sa kahanga-hangang performance ng team sa katatapos lang na international basketball tournament.

Bilang ambassador ng World Vision, nanawagan si Ogie sa audience na sumuporta sa international non-profit organization na nabanggit para makatulong sa mga kapus-palad na kabataan. Sinamahan niya ang pananawagan ng kantang ginawa niya para sa organisasyon, ang “Give A Little Love.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasama niyang umawit ang mga Hail Mary The Queen Children’s Choir.

THE “I” IN “I WRITE THE SONGS.” Ilan pa sa guests ni Ogie sa kanyang anniversary concert ay sina Jaya, Janno Gibbs, Pops Fernandez, Noel Cabangon, Down To Mars, Kyla, Julie Anne San Jose, La Diva, Abra, Ebe Dancel, Gloc9, at ang musical director na si Archie Castillo na nakasama pa ni Ogie sa pagkanta niya ng finale song niyang “I Write The Songs.”

Bago kantahin ni Ogie ang 1976 hit song ni Barry Manilow, ikinuwento niya sa audience na sa palagay niya, hindi tungkol sa songwriter ang “I Write The Songs” kundi tungkol sa mismong Dakilang Manlilikha—ang Panginoong Diyos.

Nang kantahin nga ito ni Ogie, nagsingit pa siya ng Tagalog lyrics na pumupuri sa Panginoon.

Tama naman si Ogie sa palagay niyang ito, dahil ayon sa kompositor ng kanta na si Bruce Johnston sa isang interview, ang “I” sa “I Write The Songs” ay ang Panginoon mismo.

Bilang encore, kinanta ni Ogie ang aniya’y “the song that started it all,” ang “Nandito Ako.”

Niyaya niya namang sumayaw ang audience nang kantahin niya ang “It’s More Fun In The Philippines” kasama ang rap-R&B group na Q-York, at ang Boyfriends revival niya noon na “Sumayaw, Sumunod” na may dubstep treatment, kasama ang Maneouvres bilang backup dancers niya.

Sinamahan din siya sa stage nina Solenn Heussaff at Lovi Poe na nakisayaw habang nakasuot ng Brazilian Carnivale-inspired sexy-bikini costumes.

Kabilang sa mga namataan sa audience sina Annabelle Rama, Dra. Vicki Belo, Cristalle Henares, Jessa Zaragoza-Avanzado at anak na si Jayda, Richard at Congresswoman Lucy Torres-Gomez, Jasmine Curtis Smith, Marjorie Barretto, Dennis Padilla, Gian Magdangal, K-La Rivera, at Karla Estrada.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN