PNoy temporarily suspends use of pork-barrel funds; not keen on abolishing PDAF

Iminungkahi ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na magkaroon na lamang ng mas istriktong batas sa paggamit ng pork-barrel funds kaysa sa abolisyon nito dahil malaki umano ang tulong na maidudulot nito sa mga mamamayan.


Pansamantala munang sinuspinde ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang paglalabas ng pork-barrel funds o Priority Development Assistance Fund (PDAF) hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon sa P2-billion scam na kinasasangkutan ni Janet Lim-Napoles, ayon sa ulat ng GMA News Online.

Bukod sa naibubulsa lamang daw ito ng ilang mambabatas, napupunta rin ang malaking bahagi nito sa mga bogus non-government organizations (NGOs) at hindi sa totoong pinaglalaanang proyekto para sa mga mahihirap.

Sabi ni PNoy sa exclusive interview sa kanya ng GMA News, “Ang statement ni Secretary [of Department of Budget and Management Florencio] Abad, walang ni-release [na PDAF] for the second half.

“Tapusin muna ang imbestigasyon and check kung meron pa ngang loopholes na dapat maisara.”

Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos ianunsiyo ng pinsan niyang si Senator Bam Aquino na hindi muna niya gagamitin ang kanyang pork-barrel fund "until charges were filed."

Ang mga kasong ito ay posible umanong isampa laban sa kanyang mga kapwa senador, kung saan marami sa kanila ay nadidiin sa scam na kinasasangkutan ni Napoles, na ngayon ay nagtatago matapos maisyuhan ng warrant of arrest.

Kabilang sa mga senador na nadidiin sa diumano’y anomalya sa pork-barrel fund ay sina Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. at Ramon "Bong" Revilla Jr.

Labinwalong senador mula sa Senate majority bloc ang nagkasundo na huwag munang gamitin ang kanilang pork-barrel funds hanggang sa maipatupad ang mas istriktong guidelines para sa nasabing pondo, ani Senate President Franklin Drilon noong Martes, Agosto 20.

Pahayag ni Drilon, ang desisyon ay gagawing pormal sa susunod na session sa resolusyon "expressing the sense of the Senate to cease from availing, accessing, and utilizing their pork barrel funds."

Dagdag pa niya, “The majority senators’ decision to adopt the resolution is a manifestation of their interest in making the use of the PDAF more transparent and open for scrutiny of the public that will help prevent the abuses and inadequacies which were observed in the Commission on Audit (COA) report.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sumang-ayon din sa pagsusupindi ng pork-barrel fund sina Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano, Senators Juan Edgardo Angara, Pia Cayetano, Francis Escudero, Lito Lapid, at Loren Legarda

Gayundin ang kabilang sa Senate majority na sina Sergio Osmeña III, Grace Poe, Aquilino Pimentel III, Miriam Defensor-Santiago, Antonio Trillanes IV, at Cynthia Villar.

NOT TO BE ABOLISHED. Gayunpaman, tila malabo na mangyari ang panawagan ng marami para sa abolisyon ng pork barrel.

Ang iminungkahi na lang ng Pangulo ay ang pagkakaroon ng mas istriktong batas para sa paglalabas ng pork barrel funds at malimitahan sa mga mambabatas na may "acceptable ratings" na base sa "certain performance indicators."

Sabi ni PNoy, "Simpleng bagay lang: May paglalaanan? Ano ang resulta?

“Yung budget releases nila [mga mambabatas] are based on their performance."

Dagdag pa ng Pangulo, kailangan ay magkaroon ng "time limit" sa paggamit ng PDAF funds sa pinaglaanan dito. Kung hindi magagamit ang pondo sa "certain period of time" ay ibabalik ito sa pondo ng government savings.

"And savings will realign with those departments that are ready to utilize the said funds," sabi ni PNoy.

Ayon pa sa Pangulo, may mabuting naidudulot ang pork-barrel funds.

"Huwag naman madamay yung mahusay at matino dun sa taong mapagsamantala.

"’Yang PDAF, lalo na sa hard aspect, nakakatulong matugon nang mas mabilis yung pangangailangan ng komunidad."

Ayon sa ulat ng COA kamakailan, 74 mambabatas, kabilang na ang mga kongresista na kapartido ng Pangulo, ay nakatanggap ng mas higit pang pork-barrel funds na nakatakda mula 2007 hanggang 2009.

Dagdag pa ng COA report, tinatayang P6.156-billion pork-barrel mula sa halos 200 mambabatas ay napunta sa karamihan ay dubious 82 NGOs mula 2007 hanggang 2009, at sampu sa mga ito ay pinamahalaan umano ni Napoles.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN