Pinoys spend holiday in Luneta to support anti-pork barrel rally

Jim Paredes (left), a staunch supporter of PNoy, joined the anti-pork barrel rally held earlier, August 26, in Luneta.


Daang libong katao ang dumalo sa Million People March sa Luneta kanina, Agosto 26, bilang protesta sa pork barrel scam.

Hindi naabot ng rally ang target na isang milyong katao, gayunman, nagawa naman nito na maiparating sa buong bansa ang pangunahing mensahe ng mga galit na Pilipino— ibasura ang pork barrel.

“Makibaka, huwag mambaboy,” ang nagkakaisang sigaw ng iba’t ibang pangkat na dumalo sa rally.

May mga nagsuot pa ng maskara ng baboy, gumamit ng piggy bank bilang headdress, nagdala ng totoong baboy, at kung anu-ano pang gimik para lang maiparating ang hinaing sa gobyerno.

Tungkol sa bilang ng mga dumalo, 60,000 ang tantiya ng pulisya, habang 300,000 naman ang sinabi ng mga taga-National Parks Development Committee.

ORGANIZED THROUGH SOCIAL MEDIA. Ang malaking pagtitipon ng mga Pilipino ay inorganisa sa pamamagitan ng social media.

Ayon sa GMA News, ang panawagan ay nagsimula sa social networking accounts ni Ito Rapadas—vocalist ng Neocolours, sikat na singing group noong late ’80s.

Ang nagtalaga ng date at venue ay si Peachy Rallonza Bretaña, creative director sa isang advertising agency. Convenient choice daw ang Luneta dahil ito ay isang "public park." Sakto ring gawin ito sa Araw ng mga Bayani dahil "bayani tayong lahat bilang taxpayers paying in full and on time."



Kumalat ang kanyang mensahe sa mga email, Twitter, text messages, at natuloy ang rally nang walang iisang malakihang organisasyon o asosasyon na nag-organisa.



MASSIVE PICNIC. Naging parang isang malaking piknik ang rally na ginanap sa malawak na damuhan sa harap ng Luneta grandstand at dinaluhan ng iba’t ibang grupo—mga pamilya, barkada, kaibigan, kaklase, kabilang na ang religious groups at ang mga organisasyon na kinabibilangan ng mga militante.

Wala nga lang baong pagkain ang mga dumalo, sa halip, kanya-kanya sila nang dala ng plakard at tarpaulin na may iba’t ibang mensahe.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tulad ng napagkasunduan, nakasuot ng puti ang karamihan, sa gitna ng napakaputik na damuhan sa paligid ng grandstand.

May grupo ng mga hasykul na galing sa Don Bosco, may grupo ng Ateneans against the pork barrel na nagtayo ng sariling entablado.

May sarili namang entablado ang Radyo Veritas na nagsagawa pa ng misa at pagrorosaryo.

Ayon kay Sister Mary John Mananzan na nagsalita sa harap ng isang pangkat, “umigting ang konsensiya ng bayan na tutol sa PDAF (Priority Development Assistance Fund) at pork barrel.”

Kabilang sa ilang religious groups na dumalo sa rally ang Daughters of Charity ng Parañaque, Praise Christ Fellowship Purok 7, at St. Vincent School of Theology.

Ilang estudyante ng Assumption College ang nag-check in pa umano sa Manila Hotel para kinaumagahan ay deretso na sila sa rally. Maaga pa lang, marami na ang mga sasama sa rally na nagsipag-almusal sa hotel.

Maging si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona at Archbishop Oscar Cruz ay sa Manila Hotel galing bago tumungo sa Luneta.

Nakaputi rin ng kamiseta si Corona na nagtangkang sumama sa rally, pero nasigawan ito ng mga tao ng “epal” at “magnanakaw.”

Sa pangkat ng mga militanteng grupo, may sariling tent ang Gabriela; nasa rally din ang Rebolusyonaryong Alyansang Makabayan (RAM) at maging ang Bayan.

May dalang mga bandila ang isang hanay ng mga kasapi ng RAM na nagmartsang umikot sa lugar.

Ayon naman kay Renato Reyes, secretary general ng Bayan, “sagad na ang pasensiya ng mga tao.”

At sa mga plakard na dala ng ilan, ipinahayag ng mga nag-rally ang kanilang galit—“Laki ng kaltas ko [sa buwis], galit na ako. Tama na, sobra na, litsunin na. Fork the pork."

Kanta naman ng isang rapper, “Baboy ang gobyerno, baboy ang pangulo, itapon sa kumukulong asero.”

Nauna nang ipinahayag ng Pangulong Noynoy Aquino noong Biyernes, Agosto 23, bago ang rally, na bubuwagin niya ang PDAF, pero hindi ito naging dahilan para hindi matuloy ang rally.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kabilang naman sa mga celebrity na namataan sa rally ay sina Willie Revillame, Gloria Diaz, Belle Daza, Georgina Wilson, Raymond Gutierrez, Bianca Gonzalez, Arnel Ignacio, Jim Paredes, Rajo Laurel, Maila Gumila, Juana Change, at marami pang iba.

Sa kabila ng galit na ipinahayag ng mga nag-rally laban sa katiwalian sa gobyerno, naging mapayapa at walang nangyaring anumang kaguluhan sa rally.

Nilisan din nila ang Luneta bitbit ang kani-kanilang basura, kaya ayon sa mga namamahala ng park, mistulang walang malaking rally na naganap dahil sa linis ng lugar.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN