Angelu de Leon on Claudine Barretto: "I’m really praying for her."

Hindi raw pipilitin ni Angelu de Leon na sumabak sa pag-aartista ang mga anak niya. Paliwanag ng aktres, "Kaya kapag tinatanong ako kung gusto ko ba silang pag-artistahin, kapag gusto na nila. I can’t feed them what they don’t want. Baka mamaya, sige, try namin, tapos ayaw nila. E, di, parang kasiraan pa yun, di ba?”


Nagkataong birthday mismo ni Angelu de Leon nang ginanap ang press conference para sa bagong afternoon soap ng GMA-7 na Pyra: Ang Babaeng Apoy noong August 22.
Natatawang biro ng aktres, ipinaghanda pa raw siya ng Kapuso network sa birthday niya. Pero nagpa-lechon pa rin si Angelu sa presscon.
Sa ngayon, kuntento at masaya raw si Angelu sa kanyang buhay kaya wala raw siyang mahihilang pa ngayong kaarawan niya.
Sabi niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Alam ninyo, wala na talaga, e. I mean, masaya ako kung ano ang meron ako ngayon.
"So, kung meron man siguro akong birthday wish, good health para sa akin, sa pamilya ko. Yun lang.
“I mean, kahit anong mangyari sa akin ngayon, hindi man kasing-pantay ng kasikatan ng sinuman, I still do what I love to do.
"I’m still acting. I mean, people still want to see me on TV.
"Masyado na akong sakim kapag humingi pa ako na gusto ko ng sariling show, gusto ko ng sariling movie.
“Parang hindi na yata. I have the taste of it.”
Isa si Angelu sa pinakasikat na teen actresses noong ’90s.
Wala rin daw siyang regrets sa anumang pinagdaanan niya noon.
“I have no ’what ifs’ especially when I see my kids. Pero kung na-abort sila, siguro yun ang may what ifs ako.
"Pero hindi ko naisip yun, e. Takot ako sa Diyos. Mas takot ako sa Diyos kesa sa takot ako sa tao.”
May tatlong anak si Angelu—ang panganay niyang si Nicole, 14, mula sa aktor na si Joko Diaz; si Louise, 12, mula sa businessman na si Jojo Manlongat; at ang bunso niyang lalaki na anak naman niya sa asawang si Wowie Rivera.
THEA & JERIC. Kasama ni Angelu sa Pyra ang Protégé winners na sina Thea Tolentino at Jeric Gonzales.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nakatrabaho niya ang dalawa dahil nagkasama na sila sa defunct youth-oriented series na Teen Gen.
Ayon kay Angelu, mababait naman ang dalawang baguhang Kapuso stars.
“I guess, sabi ko sa kanila, buti na lang nga, ang dalawang ito, mabait. Marunong kumilala at rumespeto.
"Maybe because nanggaling sila sa Protégé. So, you know, nakapagkilala na sila ng isang Direk Gina Alajar, who’s who, bago sila nabigyan ng ganitong proyekto.”
Naniniwala si Angelu na dapat ngang bigyan ng launching soap sina Thea at Jeric. Ito ay kahit na sa Teen Gen, ang gumanap na mga anak nila ni Bobby Andrews ay sina Juancho Triviño at Diane Hernandez.
Sabi ni Angelu, “Kasi sila, deserving naman sila kasi they won Protégé.
"Sina Juancho at Diane naman, ni-launch na sila sa Teen Gen and given the chance, fresh pa rin sila.
"And for seniority, they are deserving naman.”
Naniniwala si Angelu na ibang-iba na ang grupo ng teen stars ngayon kung ikukumpara sa kanila noong panahon ng T.G.I.S.
“No, kasi everything is in social media. Good or bad, nandoon na talaga.
"E, kami, o, di ba, ang tagal ninyong nalaman?” natatawang sabi nito tungkol sa pagbubuntis niya noon sa panganay na anak.
Nasa peak ng kanyang career noon si Angelu ngunit nagulat ang lahat nang kumpirmahin niyang buntis siya sa anak nila ng boyfriend niya noong si Joko Diaz.
Dugtong pa ni Angelu, “It’s easy now. So, mas mahirap ang sa kanila. Konting kibot...
"At saka dati kasi, ang concern lang namin, ang makasira sa amin, mga press.
"Pero sila, kahit sinong ordinaryong tao, pakitaan lang sila ng pangit, i-spread lang sa social media, sira na sila.”
Natawa nang husto si Angelu nang tanungin kung nai-imagine niya ang sarili noong kabataan niya at may social media na.
“Mabait talaga ang Diyos sa akin!” tawa niya.
“Hindi ko talaga ma-imagine. Hindi ko talaga ma-imagine!"
Posible kayang napigilan siya sa mga ginawa niya noon?
“Siguro, mas may kaba ka sa lahat ng gagawin mo. Pero minsan, hindi na rin.
"Kasi, kahit naman ngayon, tingnan mo ang Twitter, sex video... hindi rin naman.
"Pero, I mean, depende talaga sa tao yun. Pero ngayon, siguro rin on how they look at it also.”
LOVETEAM WITH BOBBY. Sa Teen Gen, ang pagpapatuloy ng loveteam nina Angelu at Bobby Andrews ang na-highlight sa kuwento.
Nakangiting sabi ng aktres, “Kaya nga… I guess tinapos na nila ang kuwento nina Joaqui at Peachy.
"Actually, nagulat kami na hanggang ngayon, may sumusuporta pa rin kay Peachy at Joaquin, which is good.
“At the age of social media, akala mo, madali lang kalimutan ang nakaraan. Pero imadyinin mo ang mga old films ngayon na nire-remake.”
Pero may ilan namang nagsasabi na kaya raw siguro hindi nagtagal ang Teen Gen dahil hindi sa mga bagets na ni-launch ng Kapuso network nag-focus ang kuwento kundi sa loveteam nina Angelu at Bobby.
Sabi naman ni Angelu, “I guess tinapos nila.
"Pero fortunate na kami kasi our contract is only for one season. Parang may extension ng one season.
"So, blessed na kami dun. Thankful na kami na umabot kami ng two seasons. Dapat one season lang.”
ANGELU’S CHILDREN. Ang panganay ni Angelu na si Nicole ay 14 years old na. Nakikita ba niya ang kanyang sarili sa anak noong ganung edad at ano ang mga payo na ibinibigay niya rito?
Natawa si Angelu at saka sinabing, “I’m very fortunate na... hindi, iba sila. I guess, nakuha sila sa dasal.
"Pero noong 14 naman, mabait pa ako.
“Mga 17, 18, ayan na… pero ako naman, nagugulat ako na gusto nilang mag-aral. Nae-enjoy nila.
"Kasi ako dati, I gave up my studies just for acting.
"Kasi noon, gusto ko talagang mag-artista. Yun talaga ang gusto kong gawin.
“And that’s the difference.
"Kaya kapag tinatanong ako kung gusto ko ba silang pag-artistahin, kapag gusto na nila. I can’t feed them what they don’t want.
"Baka mamaya, sige, try namin, tapos ayaw nila.
“E, di, parang kasiraan pa yun, di ba?”
Hindi niya nakikitaan ng hilig sa pag-aartista ang dalawang niyang anak na babae?
“Hindi pa 100 percent. Minsan gusto nila, minsan gusto nilang humarap sa TV, gustong kumanta, sumayaw.
"Pero hindi pa yung ’Ma, gusto ko talaga.’”
Hindi naman niya ine-encourage sina Nicole at Louise?
Sabi ni Angelu, “E, kasi, para sa akin, hindi naman ako in-encourage ng parents ko.
"So, kung gusto nilang talaga, kahit naman hindi mo sila ine-encourage, wala kang magagawa.
"So, sabi ko, if show business is really for them, show business will wait for them.”
ANGELU’S HUSBAND. Ang mister naman daw ni Angelu na si Wowie Rivera ay suportado siya sa kanyang showbiz career. Wala raw problema rito na patuloy pa rin siya sa pag-arte.
Ayon kay Angelu, “Alam niya kasi na mahal ko ang trabaho ko. Pero kapag sinabi naman niyang tigil, tigil.”
May pagkakataon na bang pinatigil siya ng kanyang mister?
“Hindi, kasi actually noon, tumigil lang naman ako dahil nabuntis ako. Kasi nga, medyo naging delikado ang pregnancy ko.
"Pero for us, okay na. Wala nang ano... alam niya. Naiintindihan niya
"Even kapag puyat akong dumarating sa bahay at gustong maglaro ng mga anak ko, kahit naalimpungatan ako, naririnig ko siyang ’Mommy’s sleeping.’”
CLAUDINE BARRETTO. Kapanabayan noon ni Angelu sa Ang TV si Claudine Barretto. May panahon din na ipinagtapat sila dahil sa kanilang kasikatan.
Kaya naitanong namin kay Angelu kung ano ang reaksiyon niya sa mga pinagdadaanan ngayon ng Claudine
Sabi ni Angelu, “I feel bad. I feel bad for what’s happening.
"Wala naman sigurong matutuwa sa nangyayari sa kanya.
"Sana maayos nila. Sana hindi ganoon ang mangyari.
"There’s always two sides of the story and parang hindi mo alam kasi... parang naiintindihan ko rin.
“Parang hindi mo alam ang nangyayari sa loob ng bahay. Mahirap mag-advice. Mahirap magsalita.
"Naaano lang ako, I’m really praying for her.
"Pero sabi nga, hindi ka bibigyan ng pagsubok ng Diyos na hindi mo kaya.
“People are praying for her. I want her to know that people are praying for her and for her family.”
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN