Kim Chiu promises to be open about her next relationship

Inamin ni Kim Chiu na exclusively dating na sila ng kanyang ka-loveteam na si Xian Lim, pero hindi naman daw ito nangangahulugan na isinasara na niya ang pintuan niya sa ibang nais manligaw sa kanya. Sabi ni Kim, “Wala naman pong problema. Hindi naman po ako nagsasara ng pinto.”


Ikinasisiya ni Kim Chiu ang sunud-sunod na projects niya na pawang romantic-comedy ang genre.
Nauna na ang pelikula niya with Xian Lim na Bakit Hindi Ka Crush Ng Crush Mo, na isang certified box-office hit.
Susundan ito ng month-long episode ng weekly fantasy series ng ABS-CBN na Wansapanataym na may pamagat na "My Fairy Kasambahay."
Ayon sa young actress, natataon na ganito ang mga trabahong ibinibigay sa kanya ngayon ng kanyang home network.
“Kasi before, more on drama, heavy drama, iyakan. Di ba, yun ang mga movies ko?
"And then ngayon, medyo nag-light na siya, nagpapatawa.
“Gusto ko rin naman, at least iba naman ang acting experience yung tinatahak ko ngayon.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media si Kim sa presscon ng Wansapanataym episode niya noong Martes, August 27, sa ABS-CBN compound.
Ngayong nagawa na niya ang drama at comedy, ano pang genre ang gusto niyang subukang gawin?
Sabi ni Kim, “Siguro fantasy or action na konti lang.
"Gusto ko yung role na gano’n na makakapagpatawa ka ng mga tao at saka makakapagpa-inspire ka ng tao.”
Hindi kaya dahil masaya siya ngayon kaya nagagampanan niya nang maayos ang role niya sa pelikula at telebisyon?
Sagot niya, “Siguro isa rin po sa factor na masaya... masaya po ako ngayon sa mga nangyayari sa buhay ko. And ini-embrace ko lang po siya.
“And natutuwa ako na nakikita siya ng mga tao.”
IT WILL COME. Sinabi ni Kim na kuntento siya sa estado ng kanyang career at pamilya kaya wala na raw siyang mahihiling pa.
Pero ang tanong ng PEP: Kailan naman siya magkakaroon ng lovelife para malubos at makumpleto ang kanyang buhay?
Nakangiting sagot ni Kim, “Darating din po tayo diyan. Malalaman at malalaman n’yo rin.”
Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami ang pagiging malapit ni Kim sa ka-loveteam niyang si Xian Lim. Pero, may iba pa bang nanliligaw o nagpaparamdam sa kanya?
“Wala po. Wala pa naman po,” sabi ni Kim.
Okay lang ba sa kanya na wala siyang manliligaw?
“Siyempre, iba pa rin yung pakiramdam ng babaeng naliligawan. Nakakahaba ng hair. So, yun.”
Ang huling naging boyfriend ni Kim, sa pagkakaalama ng publiko, ay si Gerald Anderson. Nami-miss na ba niyang magkaroon ng boyfriend?
“Oo naman,” mabilis niyang sagot.
“And it takes time to know one para humaba yung relationship.
"Pag mabilisan, ganun din, mabilisan din. Parang nagpalit ka lang ng damit, ’Ay, ayoko na dito.’”
Handa na ba siyang ma-in love muli?
“Opo naman po. Sa edad ko naman po ito,” sabi ng 23-year-old actress.
Hindi kaya na-trauma siya sa last relationship niya?
“Hindi, hindi,” agad niyang sagot.
EXCLUSIVELY DATING. Sa presscon proper ay nagpahatid ng mensahe ng pasasalamat si Kim para kay Xian.
Paliwanag ng young actress dito, “Kasi po lagi po siyang nandiyan para sa akin.”
Si Xian ba ang dahilan kaya hindi makaporma ang iba sa kanya?
Sabi ni Kim, “Hindi naman po. Hindi ko alam... wala naman pong bakuran effect kaya walang nanliligaw.”
Biro pa niya, “Pinagpapawisan na ako!”
Bukas ba ang kanyang pintuan sa iba pang gustong manligaw?
Sagot ng dalaga, “Wala naman pong problema. Hindi naman po ako nagsasara ng pinto.”
Pero inamin ni Kim sa presscon proper na si Xian ang nagpapasaya sa kanya ngayon.
Nangangahulugan bang exclusively dating na sila ng young actor?
“Siguro... yun din ang sinabi namin sa Kris TV, ganun. Yeah, parang ganun na rin siguro,” sagot niya.
Ibig sabihin, konti na lang ang kulang para maging official ang kanilang relasyon?
“Pinagpapawisan na yung kilikili ko guys, o!" natatawang pag-iwas ni Kim.
Pero inulit namin ang tanong.
Sagot niya, "Ano, darating tayo diyan. Hindi naman kailangang sapilitan.
“Kusa ninyo rin pong malalaman kung sino yung nagpapatibok ng puso ko.”
Hindi na ba niya itatago sa pagkakatong ito?
Sabi ni Kim, “Hindi naman po. Saka nasa tamang edad na po ako, ayun.”
FAIRY GODMOTHER. Isang buong buwan mapapanood si Kim sa Wansapanatym. Papel ng isang kasambahay ang gagampanan niya na gagabayan ng isang fairy godmother (John "Sweet" Lapus).
Kung totoong may fairy godmother siya, ano ang wish ni Kim para sa kanyang lovelife?
Sagot niya, “Huwag mo nang i-wish. Kasi minsan yung wish mo, mali, e. Hayaan mo na yung destiny ang magsabi about love.”
Pakiramdam ba ni Kim ay may nagsisilbing fairy godmother sa kanya na umaakay sa kanya sa career at personal na buhay niya?
“Hindi naman siguro fairy godmother... guardian angel.
"Isang angel ang nagga-guide sa lahat ng mga decisions ko sa buhay. Siguro sa akin ngayon, yung mommy ko.”
Ang tinutukoy ni Kim ay kanyang ina na si Louella Chiu-Yap, na sumakabilang buhay noong lamang June 23.
Ginunita ba nila ang ika-40 araw na kamatayan nito?
“Opo, tapos na po.
"Nagkita-kita kami. Mga relatives ng mama ko, relatives ng papa ko. Nagkonting salu-salo.
“Medyo natanggap na po ng lahat. Siyempre, hindi naman po sobrang tanggap na tanggap but it’s different na than the first one.”
Nagpaparamdam ba sa kanya ang ina?
“Hindi po. Siguro kasi alam niya pong takot ako. Hindi po sa aming magkakapatid, e.
“Pero alam kong nandiyan lang siya. Sa mga nangyayari sa akin ngayon, feeling ko isa siya sa mga nagga-guide.”
Ano sa palagay ni Kim ang ipinagmamalaki sa kanya ng yumao niyang ina?
“Siguro sa lahat ng mga nangyayari sa amin ngayon, achievements. Kung saan kami ngayon,” sagot ng Kapamilya star.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN