Julie Anne San Jose says it’s up to Elmo Magalona if he’s willing to do another project with her

Bagamat matagal nang hindi napapanood sa anumang proyekto sina Julie Anne San Jose at Elmo Magalona, nananatili pa rin ang suporta sa kanila ng kanilang mga tagahanga. Nagpapasalamat naman si Julie Anne sa pagiging loyal ng kanilang fans, ngunit nang tanungin kung magkakaroon ba silang muli ng proyekto ni Elmo, sabi niya, “It’s up naman to him kung ano ang gusto niyang gawin.”


Isang bagong album at isang bagong primetime series ang dalawang projects na aabangan kay Julie Anne San Jose ng kanyang mga tagahanga.

Excited namana na rito ang Kapuso singer-actress, lalo na sa bagong teleseryeng gagawin niya kahit wala pang sinasabing detalye sa kanya ang management ng GMA-7.

Sabi niya, “Still ongoing pa po yung screening ng magiging leading man ko—iyon pa lang po ang alam ko.”

Ito ang nabanggit ni Julie Anne nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Linggo, September 1, pagkatapos ng Sunday All Stars (SAS).

Hindi kaya si Elmo Magalona, na naging ka-loveteam niya sa mga nagawa niyang projects before, ang magiging kapareha niya ulit?

Sagot ni Julie Anne, “Hindi ko pa po alam, e, hindi ko pa po sure.

“Sana po ano… if ever naman po, open pa rin naman po ako to work with Elmo.

“And open din po ako sa kung sinuman yung iba na makakatambal ko.”

Pero marami pa ring followers sila ni Elmo na nagwi-wish na mapanood ulit sila together. May gusto ba siyang sabihin para sa hindi pa rin nawawalang JuliElmo fans?

“Well, ano po… siyempre parang wala naman po kaming magagawa doon, kung meron pa rin pong fans na nagsusuporta sa amin.

“I’m really, really thankful po talaga na may sumusuporta pa rin sa aming dalawa.

“And si Elmo naman po, it’s up naman po to him kung ano ang gusto niyang gawin.”



LOVETEAM BREAKUP. Nakaapekto ba sa loveteam nila ni Elmo ang sinasabing relasyon sa totoong buhay ng young actor-singer kay Lauren Young?

Tugon ni Julie Anne, “Hindi naman po.

“Hindi naman po, kasi we’re working professionally.

“And ako naman, bilang artista ng GMA, I need to be professional at all times, so nakatatak na po sa isip ko yun na work lang po talaga lahat.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Papayag ba si Julie Anne na magkaroon ng project na magkakasama silang tatlo nina Elmo at Lauren?

Sagot niya, “Why not, di ba? Okay lang po.

“Depende pa rin naman po ‘yan sa management ng GMA, e, kung magkakaroon kami ng project together.”



PRIMETIME TELESERYE. Nailatag na ba sa kanya kung ano ang tema ng bagong soap na gagawin niya?

“Before po kasi, ang plano ay kasama ako sa Dormitoryo,” pagtukoy ni Julie Anne sa isa pang bagong show na suspense series ng GMA-7.

“Pero according to the management’s decision, hindi natuloy, and hindi ko po alam kung ano ang naging dahilan, e.

“Siguro po, meron pang ibang project na nakahanda for me, and ito nga siguro po yung bagong primetime series na gagawin ko.

“Kaya nagpapasalamat po talaga ako sa GMA.

“Yung tema po nito, sa pagkakaalam ko, may relationship po sa music yung story, pero hindi pa po kami nag-i-story conference, e.

“Light lang po siguro ito, hindi yung usual na primetime series na heavy drama.”



NO SUITORS. Nangiti naman si Julie Anne nang mausisa ang estado ng kanyang lovelife ngayon.

“Wala po, e. Kahit manliligaw, wala,” sabi niya.

May mga nagsasabi na si Julie Anne ang "next Sarah Geronimo."

Ito ay dahil, tulad ng Pop Princess, hindi pa raw siya pupuwedeng ma-in love at nananatiling bawal makipag-boyfriend.

Tuluyang natawa si Julie Anne bago nakapagbigay ng reaksiyon.

Aniya, “Hindi naman po sa bawal, pero not this time... not this time.

“Kasi marami pa po akong iniisip talaga, at saka marami pa po akong kailangang gawin.

“And of course, para maging successful ka nga naman, kailangan mong mag-focus sa ginagawa mo, sa career mo, at pati sa school na rin.

“At saka yung love naman, puwede mo namang ibaling iyon sa family, e, di ba?

“Kaya nga huwag muna ‘yon! Huwag muna!”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayaw rin daw naman niyang ma-in love agad-agad kung masasaktan din lang naman pala siya.

Natatawang sabi ni Julie Anne, “Oo. Huwag muna yun! Huwag muna! Oo, ayoko muna!”



NON-ISSUE. May mga naghihinayang sa naudlot na closeness nila ni Alden Richards. Inakala pa nga ng marami na sa ligawan na mauuwi ang nabuong friendship nilang dalawa.

Ang duda ng iba, baka pinagsabihan sila ng management ng GMA-7 tungkol dito.

“Hindi ko po alam, e. I’d rather not talk about that na lang po,” iwas ni Julie Anne nang tanungin tungkol dito.

“At saka tapos na rin naman po yung issue, e, so let’s all move on.

“Trabaho at pag-aaral muna po ang focus ko ngayon. Itong bago kong album at saka yung bagong soap na gagawin ko.”

Magiging sobrang abala na naman si Julie Anne dahil sa bukod sa bagong soap, tinatapos din niyang i-record ang kanyang bagong album.

Nabanggit na niya dati na gusto rin niyang matapos agad ang kursong Communication Arts sa Angelicum College, paano na ang kanyang pag-aaral?

Sabi niya, “Tuloy lang naman po ang pag-aaral ko, time management lang naman ‘yan, e.

“Kaya yun, hina-handle ko pa ring mabuti yung oras ko, kasi sabay ang pag-aaral ko at saka yung trabaho ko. Kaya naman po.”

Magkakaroon din ba siya ng bagong concert?

“Hopefully po, next year, sana big concert na talaga.”

A Valentine concert?

“Hopefully... let’s see,” nangiting sabi ni Julie Anne.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN