Kris Bernal on romantic relationship with Carl Guevara: “Wala talaga.”

Kris Bernal on what many perceive to be a special romantic relationship with Carl Guevara: “Nasasabing gano’n kasi, yun lang siguro ang nakikita o nalalaman nila, e. Pero… kung alam talaga nila kung paano yung relationship namin ni Carl as friends… wala. Wala talaga.”


Matagal-tagal ding nagpahinga si Kris Bernal mula sa showbiz.

Kaya kumbaga, fully-charged siya bago muling sumabak sa taping ng bagong serye ng GMA-7 na Prinsesa Ng Buhay Ko kung saan balik-tambalan sila ni Aljur Abrenica.

“Sa September 23 na ang start ng airing niya,” masiglang pahayag ni Kris nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Sunday All Stars kanina, Linggo, September 8.

“Six months din ang lumipas after nung Coffee Prince na huling ginawa kong soap. So ang ginawa ko, um-attend ako ng mga acting workshops. Nagkaroon din ako ng voice lessons.

“Kumbaga, naghanap ako ng mga puwede kong gawin na makakatulong din sa trabaho ko.

“Ito namang Prinsesa Ng Buhay Ko, bago ako magsimula, sinigurado ko na ma-refresh yung alam ko tungkol sa acting para naman ma-apply ko.

“And since… bago kasi ito. Drama na comedy. So… kinakapa ko ngayon yung comedy!” sabang ngiti ni Kris.

Worth naman daw ang matagal niyang ipinaghintay. Dahil isang nakaka-excite na project na naman daw ito para sa kanila ni Aljur.

“Maganda yung kuwento nito. Something different for me.

“Isang Avon sales representative ang role ko rito. Tapos dahil dito, unti-unti kong makukuha yung mga pangarap ko.

“Nakaka-touch ang story nito kasi isa akong ampon na hinahanap ko kung nasaan ang mga magulang ko. Iniwan lang nila ako.

“Comedy-drama siya na talagang makikita ninyo na iba sa mga ginawa ko dati,” dagdag pa niyang kuwento.

NEW AVON ENDORSER. Si Kris ang bagong endorser ng Avon. This October, lalabas na raw ang catalog nito na siya ang nasa cover.

“Very thankful ako sa Avon dahil… sa dinami-rami din naman talaga ng artists dito, ako yung napili nila.

“At saka hinintay din talaga nila na mapunta sa akin itong Prinsesa Ng Buhay Ko at… mapunta po ako sa Avon.

“Nagkaroon din ako ng workshop sa mga Avon representatives. Inaral ko kung paano magbenta. Kung paano sila kumita.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kung paano sila yumaman. Kung paano sila umasenso dahil sa Avon,” patuloy niya.

ON CARL GUEVARA. Dahil magiging busy na naman sa kanyang career, maisasantabi na naman daw muna ulit ang special friendship nila ni Carl Guevara.

“Siyempre trabaho pa rin ang priority ko. At pagdating sa trabaho, kanya-kanya kami.

“Siyempre may kailangan akong tutukan. Kailangan kong mag-focus.

“Kasi ito yung gusto ko. Ito yung dream ko.

“So hindi naman puwedeng mawala yung drive ko dahil kay Carl. Siyempre do’n pa rin ako sa trabaho,” giit niya.

Sa tingin ng marami, bagay nga sila ni Carl. Marami ang naku-cute-an sa kanila when they’re being seen together.

“Maraming may gusto, maraming happy para sa amin. Pero… hindi naman kasi kami,” muling nangiting sabi ni Kris.

“Kasi kung kami naman, bakit ko idi-deny?

“I mean… Aljur has Kylie [Padilla]. At kung meron ako, puwede rin ako.

“Kasi kahit magka-loveteam kami ni Aljur, puwede namang sabihin na may ibang karelasyon kami sa totoong buhay.

“Nagsabi si Aljur na meron siyang Kylie. Tanggap naman ng fans namin.

“Wala namang naging problema. Okay naman. So bakit idi-deny ko kung kami ni Carl?” balik-tanong ni Kris.

Pero sila ni Carl, parang mag-on na nga kung papansinin the way they treat each other. Lalo yung mga special things na ginagawa ng binata para sa kanya.

“Nasasabing gano’n kasi, yun lang siguro ang nakikita o nalalaman nila, e. Pero… kung alam talaga nila kung paano yung relationship namin ni Carl as friends… wala.

“Wala talaga,” paglinaw niya tungkol sa kanilang relasyon.

Pero mukhang may special feelings o romantic love naman sila for each other?

“Meron!” sandaling pinag-isipan bago ito nasabi ni Kris.

“Meron naman. Meron.

“Pero not to the point na boyfriend-girlfriend. Kasi, sabi ko nga… ayoko ng relationship ngayon dahil lalo na may soap nga ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Gusto kong mag-focus sa trabaho. Ayoko na kasi yung nahahati ang atensiyon ko, e.

“So naiintindihan ni Carl yun. At saka siya rin naman, hindi ko siya pinipilit o hindi ko siya pinipigilan na… gawin yung mga ginagawa niya sa akin.

“E gano’n talaga siya ka-showy. Gano’n niya ipinapakita yung pagkagusto niya sa akin. Yung love niya sa akin.

“So… tinatanggap ko lang, di ba? Ayoko rin namang makasakit. Pero hindi ibig sabihin no’n, pinapaasa ko rin siya.

“Kasi in fairness naman sa akin… puwede kung may libreng oras, labas tayo. Pero hindi pa ganung kalalim, e.

“Sinasabi naman niya, he’s willing to wait. Pero siguro ngayon, mas nagla-lie low yung pagsasama namin. Kasi ang dami kong schedule,” pag-amin niya.

Parang gano’n naman siya palagi kapag may mga projects na pinagkakaabalahan… isinasaisantabi muna ang romantic side ng buhay niya.

“Sa totoo lang. Kasi… priority ko nga ang trabaho ko,” muli niyang idiniin.

Ini-encourage ba niya si Carl na manligaw din ng iba?

“Oo!” bahagyang natawang pag-amin ni Kris. “Sinasabi ko rin iyon sa kanya.

“Na… sorry, wala akong time. At natatanggihan ko yung mga pagyayaya niya sa akin na lumabas kami kasi yung pagpu-focus sa trabaho talaga ang gusto ko.

“Sinasabi ko sa kanya… kung may gusto siyang ibang ligawan, maiintindihan ko naman. Kasi hindi pa nga ako ready for another relationship.”

Pero kung suitors ang pag-uusapan, si Carl ang nangunguna sa list na pupuwede ngang sunod na maging boyfriend niya dahil nga kahit papano ay may understanding na sila?

“Siguro.

“Kasi sa mga manliligaw naman, I only entertain one person. I don’t let them na… sige yes, ligawan n’yo ako… regaluhan n’yo ako o yayain ninyo akong lumabas.

“Hindi. Hindi ako gano’ng babae.

“Kung may manliligaw, kahit dalawa silang guwapo, dalawa silang gusto ko… isa lang talaga ang ii-entertain ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi, ang pangit naman kapag may mga pinapaasa kang tao.”

So… ang haba talaga ng buhok niya?

“Yessss!” sabay tawa ni Kris bilang pangwakas sa aming panayam.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN