Dennis Trillo not happy with two-week extension of My Husband’s Lover: "Gusto ko, mas matagal pa."

Bagamat nabigyan sila ng two-week extension, nalulungkot pa rin daw si Dennis Trillo sa nalalapit na pagtatapos ng kanilang teleserye na My Husband’s Lover. Aniya, “Iba rin yung epekto ng show sa akin. Parang minahal ulit ako ng mga tao dahil sa MHL. Malaki ang utang na loob ko dun, kaya nalulungkot ako na magtatapos na siya.”


Hindi raw masaya si Dennis Trillo sa two-week extension ng kinabibilangang primetime series sa GMA-7, ang My Husband’s Lover.

Sabi ng Kapuso actor, “Gusto ko, mas matagal pa. Nalulungkot ako ngayon pa lang.”

Aminado si Dennis na nagkaroon na siya ng attachment sa kanyang karakter sa soap bilang si Eric.

Dagdag niya, “Hindi lang yun, e, yung show mismo, talagang minahal ko na.

“Iba rin yung epekto ng show sa akin. Parang minahal ulit ako ng mga tao dahil sa MHL.

“Malaki ang utang na loob ko dun, kaya nalulungkot ako na magtatapos na siya.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dennis sa press conference ng Cosmo Bachelor Bash sa 55 Events Place, Tomas Morato, Quezon City, kahapon, September 10.

Halos lahat ay sumasang-ayon sa pagsasabing mahusay si Dennis sa kanyang pagganap bilang Eric sa My Husband’s Lover. Namamangha pa rin ba siya kung paano minamahal ng manonood, hindi lang ang kanilang teleserye kundi maging sila mismong gumaganap dito?

“Oo naman, oo naman,” pagsang-ayon ni Dennis.

“Wala nang ibang masarap na pakiramdam na nararamdaman ng isang artista…

“Yun talaga yung pinapangarap ng bawat isang entertainer—na minamahal ang trabahong ginagawa nila.”



THE ENDING. Palaisipan sa marami kung ano ang magiging pagtatapos ng kuwento ng My Husband’s Lover.

Kung kanino ba mapupunta si Vincent, na ginagampanan ni Tom Rodriguez: Sa true love ba nitong si Eric o sa asawa niyang si Lally, na ginagampanan ni Carla Abellana?

Kung si Dennis ang tatanungin, paano niya ito gugustuhing magtapos?

Tugon ng aktor, “Gusto kong mag-ending siya na buo pa rin ang pamilya.

“Ayoko ng may masisirang pamilya dahil para sa akin, napakaimportante… siguro punta na lang ulit si Eric sa ibang bansa.”

Kaso, ayaw ng ibang manonood. Parang ang gusto nila magkatuluyan sina Eric at Vincent.

Nangiti si Dennis at sinabing, “Parang marami rin ang magagalit kung magkakatuluyan kami. Mas maraming magre-react.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, doon na lang tayo sa pinaka-safe na ending.”

Ayaw niyang magkatuluyan sina Eric at Vincent?

“Hati, e, hati talaga.

“Hindi lang naman mga bading ang nanonood ng MHL. Kailangan pagbigyan natin ang lahat ng gusto nila.

“Puwedeng magkaroon ng alternate ending, di ba?”

Pero gaya ng kasabihang “you cannot please everybody,” kung marami ang natutuwa sa kanya bilang si Eric, marami rin ang nagagalit at napagsasabihan pa siyang “homewrecker.”

Sabi ni Dennis trungkol dito, “Homewrecker ba? Well, kanya-kanya ‘yan, e.

“Siguro, may ibang ang dating homewrecker, pero na kay Vince naman lahat ‘yan. Nasa kanya naman ‘yan kung pababayaan niya ang pamilya niya.

“Ganoon talaga. Nakakatuwa na iba-iba ang reaksiyon ng mga tao sa mga nagiging eksena sa My Husband’s Lover.”

Dahil malapit nang magtapos ang pinag-uusapang serye nila, may nakahanda na bang susunod niyang proyekto sa GMA-7?

Ayon kay Dennis, “Hindi ko pa alam kung may naka-ready na, pero alam ko, mas magiging mahirap kung anuman yung susunod na role na gagawin ko.

“Pero siyempre, bilang artista, kailangang pagbutihin mo lang palagi. Kahit anumang role.”

Naiisip niya ba kung anong klase pang karakter ang puwede niyang gawin para mahigitan ang pagganap niya bilang bading sa My Husband’s Lover?

Sabi ni Dennis, “Kailangan isang napakatinding role ulit.

“Hindi ko alam kung kaya ko pang pantayan ang iiwan ng My Husband’s Lover or yung impact na iiwan ng My Husband’s Lover sa mga viewers.

“Kaya, tingnan na lang natin kung anuman yun.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN