Eula Valdes finds TV work financially rewarding: “Ito ang buhay mo, e.”

Nakaka-relate si Eula Valdes sa istorya ng Kahit Nasaan Ka Man dahil may anak siyang binata na halos kasing edad ng co-star niyang si Kristoffer Martin, na mahilig ding sumayaw. Kuwento ni Eula, “Kaya medyo naka-identify din ako, kasi si Miguel, mahilig magsayaw, mahilig mag-gymnastics.”


Pagkatapos ng tatlong taon, balik-Kapuso si Eula Valdes para gawin ang Kahit Nasaan Ka Man.

Huling ginawa ni Eula sa GMA-7 ang Koreana, na pinagbidahan noon nina Kris Bernal, Rocco Nacino, at Steven Silva.

Sa pictorial ng Kahit Nasaan Ka Man, nakausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Biyernes, September 13, sa Studio ng GMA Network Center.

Nagbibirong umpisa ni Eula tungkol sa paglipat niya ng network, “Oo, tumatawid-tawid lang, parang nag-i-skyway, parang ganoon.”


NON-EXCLUSIVE. Ang Kahit Nasaan Ka Man ay ang upcoming GMA-7 drama series na pagbibidahan nina Julie Anne San Jose at Kristoffer Martin.

Sa TV5 naman, may natitira pang isang show na dapat tapusin ni Eula, matapos ang very recent na Cassandra.

“Isa pa, pero non-exclusive po kasi ang kontrata ko doon,” paliwanag ni Eula.

Nagpapaalam daw siya sa TV5 para makagawa ng projects sa ibang istasyon.

“Siyempre naman, alangan namang hindi,” at natawa ang aktres.

“Kahit naman noong lumipat ako from Dos [ABS-CBN] to [TV] 5, nagpaalam ako.

“Siyempre, respe-respeto lang,” paliwanag pa niya.

Bakit niya tinanggap ang Kahit Nasaan Ka Man?

Aniya, “Dapat hindi ako tatanggap, kasi meron akong Addams Family na musical play na magra-run ng November to December, so magre-rehearse na kami agad early next month.

Gaganap si Eula sa local theater version ng Addams Family bilang si Morticia Addams. Ito ang role ni Anjelica Huston sa Hollywood film of the same title.

“Malapit na kaming mag-rehearse, e. Di ba, pag rehearsals sa stage, araw-araw?

“Binigay yung schedule, tinanong muna sa Atlantis [producer ng Addams Family] kung puwedeng mag-taping, pinayagan naman nila ako.

“So bale, pag nag-start na kaming mag-rehearse sa Addams Family.

“Bale, instead of three times a week akong magte-taping [for Kahit Nasaan Ka Man], twice a week na lang. Tapos, the rest of the days ng week, sa rehearsal mauuwi.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


SERIOUS CO-ACTORS. Nagsimula si Eula sa taping ng Kahit Nasaan Ka Man, na eere na sa September 23, nitong Huwebes.

Kaeksena niya rito sina Kristoffer at si Tessie Tomas.

“Okay naman siya, parang hindi baguhan,” pagtukoy ni Eula kay Kristoffer.

“Kumportable naman siya, kumportable sa kamera.

“Although, siyempre, meron silang mga acting coach, di ba?

“Pero, unlike yung ibang nakatrabaho ko na mga batang artista na talagang sobrang tutok [ang acting coach], ito, parang kumportable siya, parang matagal na siyang artista.”

Kumusta katrabaho naman si Miss Tessie?

“Pangalawang beses na naming magkatrabaho, kaya walang adjustment, tsikahan nga ng tsikahan, e.”

Saan mas nag-e-enjoy o mas komportable magtrabaho si Eula—sa pelikula, TV series, o stage plays?

Sabi niya, “Depende siyempre sa mga kasama mo. Kung masaya silang kasama, siyempre ma-e-enjoy mo.

“Yung sa Bingoleras, na-enjoy ko, puro kami babae, iba-ibang karakter,” banggit ni Eula sa latest indie movie niya.

“Hindi doon sa character ng trabaho, e, hindi doon sa role, e, yung character mismo ng pagkatao, yung personalidad, iba-iba.

“Pero masayang lahat katrabaho, iyon na-enjoy ko din yun. Sa stage, na-e-enjoy ko yun, e.”


ACTING ON STAGE. Ang plays ay live, at walang take two, puro take one, hindi ba siya ninenerbiyos?

“Siyempre, ninenerbiyos! Ang kapal naman ng mukha ko kung sobrang kampante na ako ano?

“E, isa ngang incident, yung first na ginawa ko sa Atlantis, yung Nine, e, walang alisan sa stage! Lahat nakapako kami doon sa kanya-kanyang upuan namin.

“E, gitna pa naman ako. E meron kaming sayaw doon na may boa, may feathers, merong pumasok sa bibig ko!

“E, kakanta pa ako, tapos nasa gitna pa ako.”

Naluluha na raw siya at nagdasal na lamang na huwag niyang malunok ang mga balahibo at huwag ubuhin habang kumakanta. Naitawid naman raw niya ang karanasang iyon.

Nakakanta siya, pero nalunok niya ang feather.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natatawang kuwento ni Eula, “Ang kati at ang sakit sa lalamunan.”


DIFFERENCES. Ano naman ang kaibahan sa pagganap sa telebisyon?

Tugon niya, “Ito ang buhay mo, e.”

At ang TV raw ang pinaka-financially rewarding.

Saang TV network naman siya pinaka-nag-e-enjoy magtrabaho?

Panimula niyang sabi, “Iba-ibang ano ‘yan, e.

“Siyempre, nag-start ako sa ABS, ang tagal-tagal ko doon. So kilala ko na halos lahat ng tao doon, except yung mga bago sa staff.

“Ito sa GMA, mababait ang mga tao, sobrang bait!

“Sabi ko nga noong storycon namin, siyempre titingnan mo lahat ng katrabaho mo, di ba?

“Yung pinapakiramdaman mo kung magiging happy ka ba o ano, may mga ganoon-ganoon ako, e.

“Positive naman yung pakiramdam ko.

“Sa TV5, okay naman pero hindi ko… parang nangangapa, tsaka noong pa-ending na lang kami naging magkakasama noong mga bata.

“So wala akong masasabi masyado,” sabay-tawa ni Eula.


SERYE PLOT. Sa Kahit Nasaan Ka Man, gaganap si Eula bilang adoptive mother ni Kristoffer. Ayaw nito sa ambisyon ng anak na maging isang musician.

“Pero ano naman yun, alam mo yung may good intention naman?

“Hindi yung gusto mo lang maging kontrabida sa buhay ng inampon mo, di ba?

“Yung sa akin, may basehan naman, kasi noong dumating siya sa buhay ko ay galing siya sa kalye, tapos, ako naman, nawalan ng anak at asawa.

“Inampon ko siya kasi magpapakamatay siya, ako pa yung makakabunggo, almost mabubunggo.

“So, siyempre, parang sinasabi ko na ‘Hindi ako magso-sorry sa iyo, kasi may kasalanan ka rin.’

“Parang, ‘Bakit mo ginawa yun?’

“Tapos, sabi niya, wala na raw meaning yung life niya.

“Tapos, parang doon pa lang na na-separate siya sa mother niya at namatay ang tatay niya.

“Naka-identify ako agad, so magaan yung loob ko.

“So napamahal na siya sa akin, siya na yung naging anak ko.

“Siyempre, ang unang gagawin mo kapag nag-ampon ka, doon mo ibubuhos lahat yung atensyon at pagmamahal mo, dahil nawalan ka nga ng anak at asawa, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So iyon lang yung sa akin, hindi naman sa kontrabida ka sa pangarap noong bata, pero gusto mong masiguro na hindi siya mauuwi ulit sa wala.”


REAL-LIFE. Nakaka-relate si Eula sa kanyang papel dahil may anak siyang binata sa tunay na buhay.

Ang anak niyang si Miguel ay kasing-edad din ng karakter ni Kristoffer sa drama series.

Sabi niya, “Kaya medyo naka-identify din ako kasi si Miguel, mahilig magsayaw, mahilig mag-gymnastics.

“Proud ako sa kanya kasi kapag wala siyang ginagawa, nagtuturo siya ng sayaw, pati sa mga kaklase sa school niya dati sa San Beda.

“Tapos, gusto raw niyang kurso is about yung may koneksyon sa dancing.

“E, siyempre iisipin ko, may time limit ‘yan, e, di ba?

“Pag bata ka, okay, sige, matitigas ang buto mo, pero pag andoon ka na sa edad na wala na, di ba, na hindi mo na kaya?

“Okay, magtuturo ka pero gaano ba kalaki ang kikitain mo diyan?

“Siyempre, in-express ko lang na, ‘Baka puwedeng mag-business [course] ka na lang, di ba?’

“Tapos, sabi niya, iyon daw yung gusto niya, iyon daw yung passion niya.

“E, di ako, ano ba’ng gagawin ko as nanay? Suportahan mo na lang.”

Pero sa huli, Digital Film sa St. Benilde ang kursong kinuha ng anak ni Eula, na mas ikinatuwa ng aktres.

“Hindi ko naman sinabing mas natuwa ako, sabi ko lang, ‘Good!’

“Sabi ko pa, pag kailangan niyang mag-OJT o ano, sabihin niya lang sa akin.

“Siyempre, makikusap tayo sa mga TV networks kapag kailangan niyang mag-OJT,” ang nanay na nanay na kuwento pa ni Eula.

Gumawa na rin ng isang pelikula si Miguel bilang project, at si Eula ang gumanap bilang artista sa project ng kanyang anak.

Proud na proud raw si Eula sa kanyang anak habang idinidirek siya nito.

“Nagsasayaw pa rin siya, pero mas naka-focus na siya sa filmmaking,” ayon pa sa aktres.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN