Raymart Santiago careful not to violate gag order

Matipid pa rin ang mga salita ni Raymart Santiago kaugnay ng mga kasong kinasasangkutan nila ng asawang si Claudine Barretto. Pero sinabi niyang hangga’t kaya niyang protektahan ang aktres, dahil ina pa rin ito ng kanyang mga anak, ay gagawin niya. Ngunit kung hindi raw maiiwasan, mapipilitan daw siyang maglabas ng ebidensiya.


Nakaakyat na si Claudine Barretto sa Marikina Regional Trial Court Hall of Justice nang dumating ang estranged husband nitong si Raymart Santiago.

Ito ay para sa hearing ng petition for Permanent Protection Order (PPO), na isinampa ng aktres laban sa aktor noong September 11.

Matapos ang halos dalawa at kalahating oras ay natapos na ang pagdinig. Unang bumaba si Claudine, pero si Raymart ay nagpalipas muna ng halos sampung minuto bago bumaba.

Dito siya nakapanayam sandali ng media.

Una munang inusisa ng Showbiz Police: Intriga Under Arrest ng TV5 at iba pang TV crew ang tungkol sa pagkakasakit ng mga anak nila ni Claudine na sina Sabina at Santino.

Nakadalaw ba siya sa mga ito?

Tugon niya, “Bawal magsalita tungkol diyan, e. Basta tungkol sa mga bata, sorry.”

Hindi raw makapagbigay ng mga pahayag si Raymart dahil sa gag order na ipinatupad ng korte.

Bago pa man matapos ang hearing, umugong ang balitang nakatakda diumanong magsalita sa isang talk show si Raymart upang idepensa ang kanyang sarili. Totoo ba ito?

Tugon niya, “Pinag-uusapan pa. Basta hindi pa ako puwede magsalita, e. Baka mapahamak tayo diyan.

"Ang pagkakaalam ko, baka magkamali ka ng sasabihin, baka ano pa ang mangyari.”

Noong Sabado, September 14, ang sinasabing araw ng diumano’y pagpapa-interview ni Raymart, ngunit hindi ito natuloy.



"MAY IPINAGLALABAN." Napapagod ba siya sa dami ng court hearings na kanyang pinupuntahan?

Sagot ni Raymart, “Pag meron kang ipinaglalaban, hindi naman nakakapagod, e.”

Mahirap ba?

Sagot niya, “Siyempre, mahirap din, pero matatapos at matatapos din naman ito.”

Ayon sa abogado ni Raymart, naii-stress na nang husto ang kanyang kliyente. Paano ito nilalabanan ng aktor?

Sagot ni Raymart, “Andiyan yung mga kaibigan ko, yung mga matagal ko nang kaibigan na sumusuporta, yung pamilya ko...

"Kumpleto kami na sumusuporta sa akin. Yun, masaya, masaya.”

Masaya rin si Raymart sa pagtatanggol sa kanya ng kanyang mga kapatid. Sabi nito, “Siyempre, ganun naman ang magkakapatid.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano naman ang reaksiyon niya na nadadamay ang kanyang mga Kuya Randy at Rowell sa isyu nila ni Claudine?

Inakusahan ni Claudine ang mga ito ng pambu-"bully" diumano sa kanya.

Pahayag ni Raymart, “Sa tingin ko, wala namang sinabing masama yung mga kapatid ko, pinoprotektahan lang naman ako.

"Hindi ko alam kung anong bully dun sa sinabi nila.”



ON GRETCHEN BARRETTO. Sa isang Instagram post naman ng kapatid ni Claudine na si Gretchen Barretto, ipinagtanggol ni Gretchen si Raymart.

Sinabi nitong dasal niyang mapunta ang kustodiya ng mga anak nila ni Claudine kay Raymart.

Ano ang masasabi niya dito?

Sagot ni Raymart, “Well, nagpapasalamat ako. ’Yan ang mga luma kong mga kaibigan, pati sila Gretchen.

"Actually, una ko silang nakilala kaysa kay Claudine.”

Nagkasama sina Raymart at Gretchen sa pelikulang Ikaw Lamang, Wala Ng Iba (2000).

Ikinasal naman sina Raymart at Claudine noong 2006 sa isang magarbong seremonya sa pribadong Tagaytay Highlands.

Isang reporter ang nagtanong kay Raymart kung maituturing ba siyang "battered husband."

Natatawang tugon niya, “Wala pang ebidensiya!”

May lalabas bang ebidensiya? Ipinagtatanggol pa rin ba niya si Claudine hanggang ngayon kaya hindi niya inilalabas ang ganung ebidensiya?

Ani Raymart, “Kahit papa’no, e, ano siya... nanay siya ng mga anak ko.

"As much as possible, kung maiiwasan, di ba? Pero kung kailangan…

“Hanggang dun na lang, hanggang dun na lang.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN