Angelica Panganiban first to know about Melai Cantiveros’s pregnancy

Nag-alala raw si Angelica Panganiban nang sabihin ni Melai Cantiveros na buntis ito sa anak nila ni Jason Francisco. Paliwanag ni Angelica, “Parang nasa ibang level na sila, nandoon ang takot ko na baka naman... ‘Kakayanin ninyo ba? Kakayanin ninyo ba ang ganyan kalaking responsibilidad na?’ Pero, in-assure naman ni Melai.”


Si Angelica Panganiban ang unang pinagsabihan ni Melai Cantiveros tungkol sa kanyang pagbubuntis.

Magkasama ang dalawa sa gag show ng ABS-CBN na Banana Split.

Kuwento ni Angelica sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Noong una naman yun sinabi, talaga namang natuwa ako.

“Actually, tawa ako nang tawa, ganyan, tapos kasi akala ko talaga joke siya.

“E, di ba, si Melai, sobrang inosente na aliw lang?”

Paano sinabi sa kanya ni Melai na buntis ito?

“May good news daw siya. Sabi ko, ‘Ano? Bilisan mo kasi nasa Singapore ako. Long-distance. Ano ba yun?’

“Tapos, sabi niya, ‘Twinny [tawag sa kanya ni Melai], buntis ako, nagdadalantao ako.’

“Natawa ako. Sabi ko, ‘Nasaan ka ba?’

“’Nasa bahay ako, Twinny.’

“Tapos sabi ko, ‘Anong punchline mo?’ Talagang akala ko, joke siya.

“Tapos noong sinabi niya yun, ‘O, paano, ano’ng mangyayari sa iyo, buntis ka?’

“’E, magte-taping pa rin naman ako...’ Pero hindi muna raw siya sasayaw-sayaw.

“So, sabi ko, ‘Sige, magkita na lang tayo pag-uwi ko.’ Kasi pag-uwi ko, didiretso ako ng taping.”

Sa taping ng Banana Split sa Studio 5 ng ABS-CBN kagabi, September 17, nakausap ng PEP si Angelica.

Hindi naman itinanggi ni Angelica na noong nag-sink in na sa kanya ang kalagayan ni Melai ay naiyak siya.

“Pagbaba ko ng phone, doon nag-sink in sa akin.

"Kasi para kong kapatid yun, pinoprotektahan ko yun over my dead body.

“So, noong nag-sink siya, para akong, ‘Paano na si Melai?’

"Siyempre, kung ano ang mga pangarap niya para sa pamilya niya. Kung ano ang mga gusto niyang itayong business, alam ko yun, di ba?”

May takot si Angelica na baka hindi maituloy ni Melai ang mga pangarap niya.

“Alam ko naman na maitutuloy niya, pero siyempre magkakaroon na siya ng ibang prayoridad, di ba?

“Siyempre, ang focus niya nandoon. Kung magtatrabaho siya, ang focus niya, doon muna mapupunta, kasi breadwinner siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Alam naman natin yun at ako, proud ako na talagang nagpupundar siya para sa pamilya niya.”



JASON FRANCISCO. Biro namin si Angelica na baka siya naiyak dahil si Jason Francisco ang ama ng ipinagbubuntis ni Melai.

Natatawang sagot naman niya, “Actually, iniiwasan ko ang topic at iniiwasan kong itanong ninyo!”

Pero sabi ni Angelica, “Actually, sa akin naman, kaya ako nag-aalala lang, kasi parang sinasabi niya na kung yung mommy nga raw niya, okay lang.

“Sabi ko, ‘Kasi ako, nakita kita kung paano ka noong naghiwalay kayo [ni Jason]. Kumbaga, araw-araw kang umiiyak.’

“So, nakita ko, nakita ko ang pain kung paano siya nakapag-move on. Natulungan ko siya doon.

“So ngayon, parang nasa ibang level na sila.

"Nandoon ang takot ko na baka naman, ‘Kakayanin ninyo ba? Kakayanin ninyo ba ang ganyan kalaking responsibilidad na?’

"Pero in-assure naman ni Melai.

“Siyempre, si Jason, hindi pa namin nakakausap, pero noong napanood ko naman ang interview nila, mukha namang happy silang dalawa.

“Kasi, simula nang mabalitaan namin, hindi na namin sila nakita, e.”



BOYFRIEND JOHN LLOYD CRUZ. Si Angelica ay masaya naman ang lovelife ngayon sa piling ng kanyang boyfriend na si John Lloyd Cruz.

Kaya hirit namin sa kanya: Hindi ba siya naiinggit na si Melai ay malapit nang maging mommy?

Natatawang biro naman niya, “Actually, kaya ako umiyak! Na may matres ka pala talaga!”

Nasabi niya bang, “Buti pa si Melai, magiging nanay na?”

“Ay, di ko pa naman nasabi sa sarili ko na buti pa siya,” sagot niya.

“Kasi, di ba, malaking responsibilidad yun?

“And I think, yung mga ganoong klaseng bagay, pinaghahandaan, pinag-iisipan, pinagpaplanuhan.

“So, mas gusto ko naman na nasa tamang plano yung pagkakaroon ko ng additional sa aking buhay.”

Kumusta sila ni John Lloyd ngayon?

“Happy! Busy siya, busy ako,” nakangiting tugon niya.



FIRST ANNIVERSARY. Umabot na raw ng isang taon ang relasyon nina Angelica at John Lloyd.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paano sila nag-celebrate ng kanilang first anniversary?

“Kumain lang kami sa labas,” nakangiti niyang sabi.

Perfect Sunday?

“Nagkataon naman kasing ano… palagi namang perfect every day.

“Kumain lang kami, kasama ang family niya, family ko.”

Ano ang anniversary gift ni John Lloyd sa kanya?

“Wala, wala pa nga… masingil nga!” biro ni Angelica.

“Pero ngayon naman kasi, hindi na uso yun, di ba?

"Mag-celebrate lang, may time kayo together.

“Maging thankful lang sa ibinibigay na pagkakataon, maging masaya kayo sa isang taon ninyo.”

Paano niya ilalarawan ang unang taon nila ni John Lloyd bilang magkasintahan?

“Okay," sambit ni Angelica.

"E, kasi, okay na okay kami kaya yung mga intriga, hindi naman siya nag-matter talaga.

“Hindi nga namin napansin na may mga taong ayaw sa amin kasi hindi naman nila ipinaramdam.

“Kaya hindi naman namin naramdaman na ayaw sa amin ng mga taong nakaharap sa amin unless plastic sila, di ba?

"Pero, naging masaya siya."

Dagdag ng Kapamilya actress, “Actually, noong pinag-uusapan nga namin...

"Kasi nagpapasalamat siya kasi yung celebration, kasama ang buong pamilya niya. Ganoon talaga.

“Parang kung sino ang naging mahalaga sa atin, di ba? Yung nakatulong sa atin na makaabot na ganito?

“So, I think part sila ng isang taon natin.

“So, huwag nating ipagdamot ang celebration na tayong dalawa lang.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN