Dennis Trillo on Cosmo Bachelor Bash experience: "What a moment!"

Nagpakita ng kanyang naughty side ang aktor na si Dennis Trillo nang rumampa siya sa Cosmo Bachelor Bash noong September 24. Paliwanag niya, “Siyempre, paminsan-minsan, kailangan din na magpakita ka ng konti na hindi alam ng mga tao. Para maging interesado sila. Para hindi sila ma-bore na yun at yun lang ang nakikita sa ‘yo.”


Kahit busy sa taping ng primetime series na My Husband’s Lover, naglaan pa rin ng panahon si Dennis Trillo para sa pagrampa niya sa Cosmo Bachelor Bash 2013, na ginanap sa World Trade Center noong September 24.

Biro pa nga ng Kapuso actor, “pagpapakagutom” ang ginawa niyang paghahanda para rito.

Saad niya, “Kumain ng healthy. Siyempre, nagdyi-gym every day.

"Aminado ako, noong nag-pictorial kami para sa centerfolds ng magazine, very late notice talaga yun. Yun ang time na nagpabaya ako.

"So, after nun, talagang pinaghirapan ko.

“Every day akong nasa gym, kahit puyat ako pagkatapos ng taping. Para hindi naman nakakahiya kapag rumampa na kami.”

SECOND TIME. Ito ang ikalawang beses na rumampa sa Cosmo Bachelor Bash si Dennis. Pero hindi na raw niya maalala kung kailan ang unang beses na nakasama siya.

“Sa sobrang tagal, hindi ko na matandaan. Eight years, five years... hindi ko na matandaan,” nakangiting sabi niya.

Sa kaalaman ng lahat, noong 2005 unang napasama sa Top 10 Centerfolds ng Cosmopolitan magazine si Dennis. Kaya lumalabas na walong taon na ang nakalipas bago siya rumampa muli.

Ayon sa mga nakapanood ng show ngayong taon, si Dennis at ang co-star niya sa My Husband’s Lover na si Tom Rodriguez ang nakatanggap ng pinakamalakas na hiyawan at palakpakan mula sa audience.

Ano ang naramdaman ni Dennis nang marinig ang nakabibinging tilian ng mga tao sa loob ng World Trade Center nang lumabas siya sa entablado?

“What a moment!" bulalas niya.

"Yun nga ang nasabi ko, na parang gustung-gusto ka ng mga tao ulit, mahal na mahal ka nila.

"Sa tingin ko, yun ang isa sa pinakamasarap na pakiramdam bilang artista, na minamahal ka ng mga manonood.”

Sariling ideya raw ni Dennis ang pagdadala niya ng water gun sa stage at pagbabasa sa mga nasa audience

“Idea ko talaga yun, pero hindi ko naman sila binasang directly. Kasi, masakit yung water gun ko, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Bumenta naman. Nagustuhan naman nila kaya tuwang-tuwa naman ako.”

Tila na-enjoy nga ni Dennis ang kanyang pagrampa at naging malaya siyang ilabas ang “naughty side” niya.

“Siyempre, paminsan-minsan, kailangan din na magpakita ka ng konti na hindi alam ng mga tao.

"Para maging interesado sila. Para hindi sila ma-bore na yun at yun lang ang nakikita sa ‘yo,” paliwanag niya.

Sa palagay ba ni Dennis ay nakadagdag sa karisma niya sa babae at maging sa gays ang pagganap niya bilang gay lover ni Tom sa My Husband’s Lover?

Sagot niya, “Aminado ako na sa career ko, medyo nakaramdam ako ng pagka-plateau.

"Noong nangyari yung MHL, parang nanumbalik yung sigla.

"Kaya siguro, maganda ang ginagawa namin, natutuwa sila.”

MY HUSBAND’S LOVER. Natuwa naman si Dennis nang makita sa audience ng Cosmo Bachelor Bash ang co-star niya sa My Husband’s Lover na si Carla Abellana, na naroon upang mag-cheer sa kanilang dalawa ni Tom.

“Tuwang-tuwa ako nang makita ko siya.

"Kasi, noong unang rampa ko, hindi ko sila nakita. Noong finale ko lang sila nakita.

"At thank you kay Carla. Sobrang supportive niya sa amin ni Tom.”

Ayon kay Dennis, ilang araw na lang ang natitirang taping days nila para sa My Husband’s Lover.

Tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dennis kung nalululungkot ba siya sa nalalapit na pagtatapos ng kanilang teleserye. Sa palagay ba niya ay makakaramdam siya ng separation anxiety kapag hindi na sila nagte-taping?

“Kahit papaano, meron.

"Hindi ko siya akalain na ganoon kabilis matatapos. And, personally, ako, ayoko pa siyang matapos.

"Pero siyempre, lahat ng bagay, may pagtatapos, at tama lang din na mangyari yun.

"And abangan na lang nila kung ano pa ang susunod na mangyayari. Ano pa ang mangyayari kay TomDen.”

Pero kahit matatapos na ang My Husband’s Lover sa second week ng October, ayon kay Dennis, tuluy-tuloy pa rin silang mapapanood ng mga tao sa mga live shows.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukod pa rito ang concert nila sa Araneta Coliseum sa October 12.

“Marami kaming gagawing shows sa Amerika. Lilibutin namin ang mga nakaka-appreciate sa programa namin doon.

"Excited kami. Kahit magtatapos na ang show, marami pa rin mangyayari.

“Magkakaroon ng concert ang MHL.”

Sa ngayon, wala pa raw ideya si Dennis kung ano ang kasunod niyang teleserye pagkatapos ng My Husband’s Lover.

Pero sabi niya, “Sana hindi naman matagalan, di ba?”

May ginawa ring pelikula si Dennis na idinirek ni Brillante Mendoza, ang Sapi.

Ipalalabas pa lang daw ito sa Pilipinas sa November 6, pero naipalabas na ito sa Toronto International Film Festival.

“At sana, makapunta pa siya sa iba’t ibang bansa dahil yun din ang gusto ni Direk,” asam din ni Dennis.

DENNIS IS SINGLE. Kung blooming ang career ngayon ni Dennis, ayaw namang sabihin ng aktor na pagdating sa kanyang lovelife ay boring ito ngayon.

“Hindi naman boring, pero na-miss ko rin ang maging single. Matagal din akong hindi nababakante.

"Hindi ko nae-enjoy ang single life nang husto kaya ngayon ko nagagawa.”

Matatagalan pa kaya ang pagiging single niya?

“So far, so good,” nakangiting sabi niya.

“Tingnan natin kung hanggang kailan. Pero sa ngayon, masaya ako.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN