Janella Ejercito appeals for public sympathy for dad Senator Jinggoy Estrada: “Huwag muna sana silang magsalita.”

by Arniel C. Serato
Sep 29, 2013
Janella Ejercito (upper left) on the accusations hurled at her dad Senator Jinggoy Estrada: “Ang sagot ko lang po diyan na, parang, huwag muna sana silang magsalita, na wala naman po talaga silang alam, na yung pinapakinggan lang po nila, yung mga hearsay lang sa mga tao.”

Noong Miyerkoles, Setyembre 25, nagbigay na ng kanyang privilege speech sa senado si Senator Jinggoy Estrada tungkol sa pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa pork-barrel scam.

Sanhi ito ng diumano’y paglaan niya ng bahagi ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) sa mga diumano’y maanomalyang non-governmental organizations (NGOs) ni Janet Lim-Napoles.

Dahil na rin dito, sinampahan ng National Bureau Of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) sina Senators Jinggoy, Bong Revilla, Juan Ponce Enrile, iba pang mambabatas, at ang mga staff nila ng kasong plunder sa Sandiganbayan.

ELDEST DAUGHTER JANELLA. Ngayong gabi, Setyembre 28, nakapanayam ng Showbiz Police ng TV5 ang panganay na anak ni Senator Jinggoy, na si San Juan City Councilor Janella Ejercito-Estrada.

Naging emosyonal si Janella sa pinagdaraanan ng kanilang pamilya, sa interbyu ni Cristy Fermin sa segment na "Cornered By Cristy."

Bilang panganay na anak ng senador at isa na ring government official ngayon, pumasok na kaya sa kanyang kalooban ang mga isyung ibinabato sa ama? Paano niya ito kinakaya?

Continue reading below ↓

Tugon ni Janella, “Nung una pong nagkaroon ng isyu, na nakulong yung lolo [Mayor Joseph Estrada] at daddy ko po, sa school po, lagi po akong binu-bully.

“Di ko po ito sinasabi sa parents ko, ako lang talaga yung humaharap sa kanila. Grade school pa lang ako nun, e.

“Yun yung time na hindi pa ako marunong lumaban. Everytime na papasok ako ng school, tahimik lang ako.

“Minsan, kapag breaktime namin, magla-lunch kami, yung lunch box ko nasa harap ko. Nagtatago ako dun habang kumakain, kasi lahat ng taong dumadaan, ang daming sinasabi. Ganito raw ang tatay ko, ganito raw ang lolo ko, ganoon.

“Tapos, meron pang instance na, breaktime, tapos bumababa ako ng hagdanan. Yung isang upper batch sa akin, ginanu'n ang paa. [parang tinitisod] Opo, dinapa po ako sa stairs.”

BULLYING ON SOCIAL MEDIA. Mas lumala pa raw ang pambu-bully sa kanilang magkakapatid ngayon, dahil sa malaganap na social media.

Continue reading below ↓

Kuwento pa niya, “Sa Instagram po 'to, sabi po, ‘Paglaki mo, para ka ring tatay mo, corrupt ka din,’ ganun. Kasi nga po, di ba, since public servant na rin po ako, parang sa akin na po 'binabato ang lahat.”

Dagdag niya, pati ang kanilang bunsong kapatid na si Jill, pitong taong gulang, ay hindi rin nakaligtas sa pambu-bully.

Lahad ni Janella, “May nag-post po sa Facebook. Si Jill nga daw po, dinadala ang phone sa school. Tapos, sabi nga daw po ng mga classmates niya, kung puwede daw po ng mga classmates niya hiramin yung phone. Pera rin naman daw nila yun, sa pera daw po nila nanggaling yun."

Saad ni Cristy, “Pera raw ng taumbayan ang pinambili, parang ganun?”

Sagot ni Janella, “Opo. Pero po nung time po na lumabas yung isyu na yun, tinanong po ni Mommy si Jill. Sabi po ni Jill, hindi po niya dinadala [yung phone], at nasa kotse lang daw po.”

Continue reading below ↓

Dagdag pang tanong sa kanya, kung nakita niya ba ang ama na talagang malungkot, naiiyak, dahil sa problemang ito.

Maluha-luhang kuwento ni Janella, “Sabi po niya, pumunta po siya sa kuwarto ko, niyakap niya 'ko, sabi po niya na pagod na daw po siya. Naiiyak ako, sorry.”

Patuloy pa ng pinakamatandang anak ni Senator Jinggoy, “Pagod na siya sa mga isyung naririnig niya—na hindi naman talaga totoo, na masyado na po silang sinisira, lalo na po ng social media.”

JANET NAPOLES IS A FAMILY FRIEND. Sa ikalawang bahagi ng panayam kay Janella, ipinakita ni Cristy sa kanya ang larawan ni Janet Napoles na kasama ang kanyang mga magulang at iba pang kaibigan.

Tanong ng Showbiz Police host, “Mayroon akong hawak dito sa iPad, na kuha ata ito sa birthday ng mommy mo, at gusto ko lang itanong sa 'yo kung kilala mo sila at kung alam mo ba na kaibigan ng pamilya ninyo ang mga Napoles, lalo na si Miss Janet Napoles.

Continue reading below ↓

“Kilala mo siya, kung nasaan siya dito?

Pag-amin nito, “Opo.”

Dugtong ni Cristy, “Ito ang gusto kong ipakuwento sa 'yo. Si Miss Janet Napoles ay kaibigan?”

Sabat ni Janella, “Kaibigan po ng mommy ko.”

Ani Cristy, “At ngayon na nasangkot ang daddy mo sa isyu na ikinakapit kay Miss Napoles, magkaibigan pa rin ba sila, ang turing ng mommy mo kay Janet?”

Pahayag niya, “Oo naman po.”

Ayon sa ulat ng Showbiz Police, matagal na raw magkaibigan ang pamilyang Estrada at Napoles, ayon mismo sa misis ni Senator Jinggoy na si Precy Ejercito.

Nagkakilala daw sina Precy at Janet sa pamamagitan ng ina ni Precy, at hindi raw totoong naging magkaibigan sila dahil sa kani-kanilang mga anak.

Tanong ni Cristy, “Ilang beses mo nang nakikita si Janet Napoles sa mga party ninyo sa pamilya?”

Tugon ni Janella, “Sa mga parties po namin, sa mga birthday po nila mommy, ganun. Nandoon naman po sila, pumupunta po sila.”

Continue reading below ↓

Noong pumutok ang isyu ng mga kinukuwestiyong NGOs ni Janet, naisip ba niyang sana ay hindi na lang nila naging kaibigan si Janet?

Tugon niya, “Uhm, hindi naman po. Hindi po.”

DON’T JUDGE MY DAD. Tanong ni Cristy, “Ang mga sigawan ngayon na ipakukulong sila, ipakukulong ulit ang daddy mo, kakayanin pa ba ninyo?

"Kayong mag-iina, kakayanin niyo pa ba ang isa pa ulit na paghamon na ganito sa daddy niyo?”

Tugon ni Janella, “Sa totoo lang po, mahirap po talagang… Mahirap po para sa amin kung mangyari po ulit yun, pero siguro naman po lalabas at lalabas rin naman po yung katotohanan.

“Kaya ngayon po, nagdadasal na lang po kami, na sana po hindi na mangyari yung nangyari po sa amin dati. Kasi po, napakahirap po sa pamilya namin na pagdaan po ulit yun.”

Ano kaya ang maisasagot niya sa mga taong hinuhusgahan na ang ama niya?

Saad ni Janella, “Ang sagot ko lang po diyan na, parang, huwag muna sana silang magsalita, na wala naman po talaga silang alam, na yung pinapakinggan lang po nila, yung mga hearsay lang sa mga tao.”

Continue reading below ↓

Mensahe niya sa ama, “Dad, alam ko kayang-kaya mo ito. Alam ko na malalampasan mo lahat, dahil alam ko naman na you’re not guilty of anything.

“Andito lang ako, andito lang kami ng mga kapatid ko, lalo na si Mommy.”

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Janella Ejercito (upper left) on the accusations hurled at her dad Senator Jinggoy Estrada: “Ang sagot ko lang po diyan na, parang, huwag muna sana silang magsalita, na wala naman po talaga silang alam, na yung pinapakinggan lang po nila, yung mga hearsay lang sa mga tao.”
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results