Dennis Trillo says deleted scenes of My Husband’s Lover will be shown at the concert

"Ang My Husband’s Lover, hindi lang siya nagbukas ng bagong ideas para sa bagong ipapalabas sa TV. Ano rin, nag-break siya ng barriers. Kumbaga, hindi lang yung mga Kapuso yung nanonood. May taga-ibang network din na nanonood nito," pahayag ni Dennis Trillo tungkol sa kahalagahan ng pinagbibidahang teleserye.


Hindi mahulugang-karayom sa dami ng tao ang dumagsa sa meet-and-greet event ng buong cast ng My Husband’s Lover, sa pangunguna nina Dennis Trillo, Carla Abellana, at Tom Rodriguez.

Ginanap ito sa activity center ng Farmer’s Plaza, sa Cubao, Quezon City, kahapon, Sunday, October 6.

Nakabibingi ang tilian ng mga tao at talagang marami ang pumila para magpa-picture at magpa-sign ng autograph.

Pahayag ni Dennis sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media, “Mula nung simula hanggang ngayon, hindi pa rin sila bumibitaw. Kaya nakakatuwa na kahit magtatapos na ang My Husband’s Lover, patuloy pa rin ang suporta nila.

“Sana lahat ng taong narito, manood din ng concert. Dahil ilang araw na lang, concert na namin.”

THE CONCERT. Ang tinutukoy ni Dennis ay ang One More Try: My Husband’s Lover The Concert, na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa Sabado, October 12.

Ayon sa aktor, marami ring nakaka-excite na aabangan dito.

“May mga inihanda kami na siguradong ikagugulat ng mga manonood. Ayokong idetalye para hindi mawala yung element of surprise.

“Basta may mga gagawin kami na… yung hindi puwedeng ipakita o ipalabas sa TV, mapapanood nila dito sa concert.

“Dahil merong mga eksenang hindi puwede talagang ipalabas sa TV. At dun sa mga manonood ng concert, may chance silang makita yung mga eksenang ‘yon.”

Nakatakda rin daw silang magkaroon ng show o concert tour sa U.S. kaugnay pa rin ng My Husband’s Lover.

“Hindi ko pa lang po alam kung saan. Mga six cities po yata sa U.S. yung pupuntahan namin.

“Kaya sa mga kababayan natin sa U.S., magkikita-kita po tayo dahil pupunta diyan ang cast ng My Husband’s Lover. Siguradong magiging masaya po ang pagkikita-kita natin,” nangiting sabi ni Dennis.

EXTENDED. Dapat ay magtatapos na ang My Husband’s Lover ngayong linggong ito, pero na-extend ulit ito ng isang linggo pa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nakakatuwa na nadagdagan pa ng mga araw na mapapanood ito ng mga faithful na mga tagasubaybay.

“At hindi sila mabibitin, dahil meron ngang additional one week pa na eere.

“Sa final week, magkakaalaman na kung sino ang magkakatuluyan.

"Kung mabubuo pa ba ang pamilya nina Vincent at Lally, at kung ano ang mangyayari kay Eric at kay Vincent.

“Napaka-interesting ng mga mangyayari sa mga episodes na ipapalabas sa mga susunod na mga araw.

"Kaya sana, huwag nilang kakaligtaang panoorin.”

MEMORABLE ROLE. Hindi na bago kay Dennis ang gumanap ng isang gay role. Pero memorable daw talaga para sa kanya ang character niya sa My Husband’s Lover bilang si Eric, na kaagaw ni Lally (Carla Abellana) kay Vincent (Tom Rodriguez).

“Nung ipinortray ko yung role, mas naunawaan ko yung pinagdadaanan ng mga ganung klaseng tao. At yung mga relasyon ng lalaki sa lalaki.

“Mas lumiwanag ang pag-iisip ko diyan. Mas naintindihan ko kung bakit nangyayari yung relasyon na ‘yon. Na talagang nangyayari ‘yon sa totoong buhay.

“Yung pag-portray ko as Eric, pakiramdam ko ano, e… dun sa ipinapakita ko as Eric, parang minahal ako ulit ng mga tao.

“Sobra ang pagmamahal nila dun sa character na ipinu-portray ko.

"Pati ako as… yung sa personal kong pagkatao, minahal nila ulit. Kaya napakasarap ng pakiramdam.

“Ang My Husband’s Lover, hindi lang siya nagbukas ng bagong ideas para sa bagong ipapalabas sa TV. Ano rin, nag-break siya ng barriers.

“Kumbaga, hindi lang yung mga Kapuso yung nanonood. May taga-ibang network din na nanonood nito.

“Nakakatuwa talaga.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN