Sarah Geronimo wins her third Female Recording Artist of the Year trophy from Star Awards for Music

Itinuturing ni Sarah Geronimo na magandang regalo para sa kanyang ika-sampung anibersaryo sa showbiz ang pagkapanalo niya ng Female Recording Artist of the Year sa 5th Star Awards for Music.


“Wow! Maraming-maraming salamat po sa PMPC Star Awards for Music para po sa recognition na ito," bulalas ni Sarah Geronimo sa kanyang speech matapos itong matanghal na Female Recording Artist of the Year, pangatlong beses sa limang taon ng Star Awards for Music

Naganap ito sa 5thStar Awards for Music ng Philippine Movie Press Club (PMPC) nitong Linggo, Oktubre 13, sa Solaire Resort and Casino sa Parañaque City.

Naunang nabingwit ni Sarah ang Female Recording Artist of the Year award noong 2010 at 2011.

Ang pangatlong pagkapanalo niya ay itinuturing ni Sarah Geronimo na magandang regalo para sa kanyang ika-sampung anibersaryo sa showbiz ngayong taon.

"Nagpapasalamat ako sa Panginoong Diyos dahil umabot po ako ng sampung taon dito sa industriya natin.

“Lagi ko pong sinasabi na ang musika po talaga ang first love ko. Mawala na ang lahat, huwag lang ang musika sa aking puso.

"Kaya nagpapasalamat po ako na pinapahalagahan at naa-appreciate pa po ninyo ang aking boses.

“Sa mga sumusuporta po sa akin na Popsters, marami pong salamat!

"Sa lahat po ng kumuha ng albums na nire-release ko, maraming-marami pong salamat.

"Of course, sa lahat po ng aking co-nominated artists, fellow nominees ko, para sa atin po ang award na ito.

"I’d like to share this award to all of you. Maraming salamat sa inspirasyon.

"Maraming salamat po!”

Tinalo ng Popstar Princess para sa naturang award sina Angeline Quinto, Jessa Zaragoza, Juris, Lani Misalucha, Nina at Yeng Constantino.

Todo ang hiyawan ng fans ni Sarah hindi lang during her speech kundi maging sa production number niya bago siya parangalan.


FINALE AWARD. Pagkatapos ng awards night ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Sarah.

Tinanong namin siya kung ano ang pakiramdam na siya ang nakakuha ng finale award nung gabing iyon.

Sagot niya, “Siyempre po, yung maimbitahan lang po ako na maibahagi yung talento ko, nag-perform po ako tonight, at maging nominated ka lang, talagang panalo na po ako doon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At saka masarap po sa pakiramdam na bahagi pa rin ako ng music industry."

Nominated din si Sarah sa mga kategoryang Concert of the Year para sa kanyang 24/SG, Female Concert Performer of the Year, at Female Pop Artist of the Year.

Okay lang daw sa kanya kahit hindi siya nanalo sa mga kategoryang ito.

“Ay, opo naman, okay lang po. Natutuwa po ako para sa mga nanalo, especially kay Miss Reg [Regine Velasquez].

"Ako, hindi naman po nagma-matter sa akin kung major ba siya o minor award. Basta yung maparangalan ka at maging bahagi ka ng ganitong klaseng awards night, honored po ako doon.”

Si Regine ang nanalo sa kategoryang Female Concert of the Year, habang si Jessa Zaragoza naman ang itinanghal na Female Pop Artist of the Year.

Ang Foursome concert nina Regine, Ogie Alcasid, Pops Fernandez at Martin Nievera ang nagwagi sa Concert of the Year.

Sa dami na ng awards na natanggap ni Sarah, nae-excite pa rin ba siya na makatanggap ng award?

“Siyempre po, siyempre po. Siyempre isa po ito sa mga dahilan kung bakit nagpapatuloy po ako sa career ko sa pagkanta.

"Masarap sa pakiramdam yung nabibigyan ng recognition yung hard work ko.”

Samantala, naghahanda na si Sarah para sa kanyang 10th anniversary concert, Perfect 10: Sarah Geronimo Live!, na gaganapin sa Smart Araneta Coliseum sa November 15.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN