Angel Locsin shrugs off bad press, negative comments in social media

Walang kaso kay Angel Locsin na tumagal ng tatlong taon bago siya nabigyan uli ng bagong teleserye sa ABS-CBN. Sabi niya: "Ako kasi, kung ano ang ibigay sa akin, matuloy man, okay. Kapag hindi, sayang. Sayang naman talaga. Pero, parang ayoko naman kasing mangulit."


Sa live interview ni Angel Locsin sa The Buzz noong Linggo, October 13, napag-usapan ang paghu-host ngayon ni Angel sa noontime show ng ABS-CBN na It’s Showtime.

Natutuwa raw si Toni Gonzaga, host ng The Buzz, sa bagong development na ito sa career ni Angel.

Sabi ni Angel kay Toni, “Kaya kita tinatanong noon, hindi ko kaya ang ginagawa mo. Ang galing, live!

"E, ako, may pagka-mahiyain po talaga ako sa personal. Mas gusto ko yung sa camera lang.

"Yung hindi masyadong maraming tao. Nahihiya talaga ako.

“Paano kung hindi ako swak? Hindi naman ako Inglisera, hindi ako ganyan.

"Nagpapasalamat na lang akong talaga, kasi ang babait ng mga tao sa Showtime and ang staff.

"At siguro, yung nakakahawa na gusto mong makapagpasaya ng mga tao. Kaya nag-e-enjoy po ako sa Showtime."

Marami namang positive feedback sa hosting ni Angel. Posible kayang ituluy-tuloy na niya ang paghu-host?

Sabi niya, “Nakakatuwa na ganoon ang tingin ng tao. Siguro, nasanay lang ang mga tao na nakikita ako sa mga roles ko.

"Salamat, nagkaroon ako ng time na maipakita yung sarili ko sa Showtime talaga.

"Pero, hindi ko alam kung yun ba talaga ang para sa akin. Sa ngayon, nag-e-enjoy akong magpasaya ng mga tao at gagawin ko yun para sa mga tao.”

NEW PRIMETIME SOAP. Samantala, noong Biyernes, October 11, ay nag-look test na raw si Angel para sa kanyang bagong primetime soap sa ABS-CBN.

Makakasama niya rito sina Jericho Rosales at Maja Salvador.

Noong 2010 pa ang huling teleserye ni Angel, ang Imortal. Sinadya ba niya ito o namimili lang talaga siya ng proyekto?

Ayon kay Angel, “Hindi naman sa namili ako ng project, di ba? Pero, may mga project siguro na hindi natutuloy.

"Ako kasi, kung ano ang ibigay sa akin, matuloy man, okay. Kapag hindi, sayang. Sayang naman talaga.

"Pero, parang ayoko naman kasing mangulit.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Parang ako, ayoko namang mag-demand na, ‘Eto, ibigay niyo sa akin. Kung hindi, magtatampo ako.’

"Ako kasi, naniniwala ako na okay naman lahat ng projects na ibinigay sa akin.

“At nagpapasalamat ako na hindi ako nag-demand. Itong project na ‘to, napakaganda.”

Kakaiba raw ang bago niyang teleserye.

“Iba siya. Iba siyang talaga. Mature yung atake, pero iba, e. Magta-try tayong mag-experiment ng bagong atake sa teleserye. At yung camera na gagamitin, C3. C3 talaga siya. So, ang ganda.

“Kinukunan na nila ang pilot. I think, next week yata papasok na kami ni Jericho.”

Bago matapos ang 2013 ipalalabas ang teleserye nila.

EARLY STRUGGLE. Sa The Buzz interview, napag-usapan rin ang mga pinagdaanan ni Angel patungo sa kanyang success bilang artista.

Nagsimula si Angel sa pamamagitan ng pag-o-audition sa TV commercials.

Dapat ay naging bahagi siya ng Star Circle Batch 9 ng Star Magic, ngunit hindi siya nakapirma ng kontrata dahil na rin sa pagtutol ng kanyang ama na si Mr. Angel Colmenares.

Noong 2002 ay naging contract star siya ng GMA Network, at isinali siya sa youth-oriented series na Click.

Noong 2004 ay binigyan siya ng malaking break ng Kapuso network sa pamamagitan ng fantaseryeng Mulawin, katambal si Richard Gutierrez.

Noong 2005 ay inilunsad siya bilang solo star sa pamamagitan ng Darna, na naging isang malaking hit.

Pagkatapos nito ay sunud-sunod na ang malalaking proyekto niya sa TV (Majika at Asian Treasures) at pelikula (Mano Po 2, Sigaw, Mano Po III, Let The Love Begin, Mulawin: The Movie, I Will Always Love You, Mano Po 5: Gua Ai Di, at The Promise).

Ngunit noong 2007 ay ginawa ni Angel ang pinakamalaking hakbang sa kanyang career nang lumipat siya sa rival network ng GMA, ang ABS-CBN.

Sa bakuran ng Kapamilya network ay ginawa niya ang mga teleseryeng Lobo (2008), Only You (2009) at Imortal (2010).

Sa film arm naman ng ABS-CBN, ang Star Cinema, ay ginawa ni Angel ang mga sumusunod na pelikula: Love Me Again (2009), In The Name of Love (2011), Unofficially Yours (2012), One More Try (2012) at Four Sisters And A Wedding (2013).

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkamit siya ng Best Actress awards para sa In The Name of Love (PMPC Star Awards for Movies) at One More Try (FAMAS, FAP, PMPC Star Awards for Movies).

FOR HER FAMILY. Tanong ng host na si Toni Gonzaga kay Angel: Bakit hindi siya sumuko sa kabila ng mga pinagdaanan niya?

Sagot ng 28-year-old Kapamilya actress, “Well, hindi ako sumuko because hindi lang naman dahil sa pangarap ko.

"Kasi, ang pangarap ko, para naman sa pamilya ko. Lahat gagawin ko para sa family ko.

"Hindi ko nga alam kung pag-aartista ba ang pinasok ko.

“Para sa akin, kahit ano na lang, kahit anong raket na lang na pumasok sa buhay ko. Basta makatulong ako sa family ko, gagawin ko.

"And I’m very blessed na ganitong klaseng trabaho pa yung nabigay sa akin ng Diyos.

“At maraming-marami po sa inyong lahat. Utang ko po sa inyong lahat kung ano ang estado ng buhay namin at ng pamilya ko.”

Sa puntong ito ay nagsimula nang maging emosyunal si Angel.

Patuloy niya, “Iba-iba naman kasi. Siguro, I don’t know kung nakaka-relate lahat...

"Pero ako, naniniwala talaga na ang Filipino, ang priority, pamilya. Tama ho ba?

“Bukod sa sarili kong pangarap, sila talaga ang motivation ko.

"Kahit siyempre, medyo mahirap, nandiyan yung mga rejection sa umpisa.

"Medyo may mga nakakahiya tayo sa umpisa, lahat tinitiis natin para sa kanila.”

NEGATIVE PEOPLE. Bilang aktibo rin si Angel sa mga social media, gaya ng Twitter at Instagram, paano niya iniiwasan ang mga negatibong komento mula sa ilang bashers?

Sagot ng aktres, “Bakit tayo magwe-waste ng time sa nega kung ang dami-dami namang positive na dapat nating isipin? So, doon na lang ako.

"At hindi ko naman kontrolado kung sisiraan nila ako or magagalit sila sa akin.

"Buhay nila yun, opinyon naman nila yun. So, rerespetuhin ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Para hindi ako magalit, hindi ko naman sila kilala, so bahala na lang. Mas masasaktan siguro ako kung kakilala ko at may sinabing masama sa akin.

"Kung hindi ko naman kakilala, okay lang po. Buhay niyo ‘yan.”

Naaapektuhan lang daw si Angel kapag pamilya na niya ang idinadamay.

Saad niya, “Mahirap po talaga para sa akin kapag family ko na, pero natutunan ko na rin na huwag na lang sumagot.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN