Gelli de Belen denies that Amy Perez rejected Face The People because of her

Ayon kay Gelli de Belen, isa raw advantage ng Face The People, ang bagong talk show nila ni Tintin Bersola-Babao, ay ang naiibang tema nito kumpara sa kasabayang afternoon soaps. "Kasi, I believe na parang yung ganitong tema, medyo kamado ng TV5. Kamado ng grupong katrabaho ko ngayon," sabi pa ni Gelli.


"May choice ba ako? Aarte-arte pa ako?"

Ito ang natatawang sabi ni Gelli de Belen tungkol sa pagtatapat ng bagong programa nila ni Tintin Bersola-Babao sa TV5, ang Face The People, at ng mga panghapong teleserye ng ABS-CBN at GMA.

Dagdag pa ni Gelli, “Well, I think more than anything, yung iba kami is a plus more than a minus.

"Kasi, I believe na parang yung ganitong tema, medyo kamado ng TV5. Kamado ng grupong katrabaho ko ngayon.

“Yung teleserye, alam naman natin na naghahari diyan ang GMA at ABS-CBN sa hapon or right now.

"So, I think, since it is an option for viewers, kung ayaw mong masyadong mamroblema sa kuwento ng buhay from the teleserye, eto na lang, makinig ka na lang.

"Baka may matutunan ka sa problema nitong mga taong ito, na maaaring regular nating nakakasalamuha, o maaaring baka tayo mismo, pinagdadaanan natin.”

Sa Face The People, na napapanood mula Lunes hanggang Biyernes, 4:30 p.m., may mga guest silang may suliranin.

Sa pamamagitan ng show, at sa tulong ng audience at iba pang espesyal na panauhin, ay matutulungan ang may problema.

Mas gusto ba ni Gelli ang format ng Face The People kaysa sa Face To Face?

Pansamantalang humalili noon si Gelli sa host ng programa na si Amy Perez nang nabuntis at nanganak ang huli.

“Mas gusto ko ba? Hindi ko nga alam. Masaya rin yung may batuhan, kaya lang masakit pag natatamaan ka, e!” natawang sabi ni Gelli.

Natamaan na raw kasi siya noon sa ilang episodes ng Face To Face, kung saan nagbatuhan ng silya ang mga nag-aaway na guests.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Gelli sa presscon ng Face The People noong Biyernes, October 11, sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

AMY PEREZ. Speaking of Amy Perez, handa na ba si Gelli na maikumpara dito?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot ng actress-TV host, “Ay, ikinumpara na ako noon kay Amy, sa Face To Face.”

Sabi pa ni Gelli, “Which actually should not… which all the more I should not be compared to her because she did not start this, and she’s not part of this now.

"So there is no reason for me to be compared.

"Kung kailangan talagang ikumpara, e, di pati si Tintin, ikukumpara.

“E, hindi lang naman si Tintin at saka si Amy ang host sa Pilipinas, di ba?”

Nilinaw rin ni Gelli ang isyung kaya tinanggihan ni Amy na makasama sa Face The People ay dahil na-insecure daw ito sa kanya.

Ani Gelli, “Okay, to begin with, naloloka ako diyan, ha!

"Wala kaming problema ni Amy. In fact, we’re as good as we are twenty years ago. Wala kaming problema.

“The thing is, dapat kasama talaga siya sa show, she was originally part of Face The People.

"Kaming dalawa, hindi siya lang, hindi ako lang—kaming dalawa.”

Na-insecure nga ba si Amy sa kanya?

“Hindi, hindi, it’s not because of me, it really isn’t. At, in fact, nag-usap na kami, nag-text.”

Ano ang tunay na rason kung bakit hindi tinanggap ni Amy ang show?

“Due to unavoidable circumstances… TV5 na lang ang magkukuwento nun,” sagot ni Gelli.

May napabalita ring hindi raw nakasundo ni Amy ang staff ng kanilang show. Si Gelli ba ay walang anumang bad experience sa staff ng show?

“Wala at all, wala at all.

“Hindi ko naman alam kung iyon, basta hindi ko alam kung ano talaga ang puno’t dulo ng lahat.”

Aware ba si Gelli sa isyu na may nakaaway raw na staff si Amy, at hindi raw nito kasundo ang buong production staff ng show?

“Hindi… ay naku, I am not at liberty to say anything. I have nothing to do with that, so ayoko na lang mag-ano,” iwas niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang sinabi sa kanya ni Amy bago ito umalis sa TV5?

“Bye!” sabay-tawa ni Gelli. “Moving on."

Pagseseryoso nito, “Hindi, ano siya, wala, ikinuwento lang niya yung mga saloobin niya, naintindihan ko naman.”

Ano ang pinaka-tumatak sa kanya sa ikinuwentong saloobin ni Amy?

“I don’t think I am at liberty naman to share.”

Ano ang advice niya kay Amy?

“Kung saan ka masaya. Kung ano ang ikaliligaya mo, e, di go!”

Sa tingin ba niya ay maaapektuhan ang friendship nila ni Amy ng mga pangyayari?

“Hindi naman. Hindi, e. Wala kaming problema talaga.

“Kaya lang, because of all of these, parang it seems like there is a rivalry going on between us. But, really, wala.”

MARRIAGE LIFE. Isa sa pinakamatibay na relasyon sa showbiz ang mag-asawang Gelli at Ariel Rivera. Labing-anim na taon na silang kasal.

Kumpara sa ibang showbiz couples na hindi nagtatagal o naghihiwalay, ano ang sikreto nina Gelli at Ariel at nananatiling matatag ang kanilang samahan?

Ani Gelli, “Siguro, respeto and, you know…”

Hindi sila napabalitang nag-away o naghiwalay.

Paglilinaw ni Gelli, “Nag-aaway din kami, pero hindi kami nag-uumbagan o nagbubulyawan.

"Kasi alam mo, after sixteen years, parang… papunta pa lang si Ariel sa magagalit na siya, nararamdaman ko na, titigil na ako.

“Or, alam naman niya kung ano yung ayaw ko, hindi na niya gagawin. Hindi kami nagsasalubong.”

At taliwas daw sa image niya na masalita at madaldal bilang host, “As a matter of fact, pag sa bahay, hindi ako ganito kadaldal.

“Madaldal din, pero minus twenty percent.

"In short, submissive wife ako.

"Ayaw ninyo mang maniwala, pero siya [Ariel] talaga ang may last say sa buhay namin.

“Pag major decisions, kanya. Siya naman ang lalaki, e.”

Aminado si Gelli na selosa siya.

“Selosa ako, e, kahit hindi dapat pagselosan. Pero hindi lang ako vocal sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"At saka yung selos ko, hindi yung babae lang, ha? Oras, golf, inuman... yung mga ganyan, ganyan ako.

“Pero hindi naman ako matalak, kinakalma ko ang sarili ko.

"Kahit nararamdaman ko na meron akong pagseselos, hindi niya nalalaman.”

Nabanggit din ni Gelli na ang mga anak nila ni Ariel ay mag-aaral sa Canada.

“They’ll be studying there, and then we’ll be there on and off.”

Wala raw hilig mag-artista ang kanilang mga anak.

“Ayaw naman nila, e, wala silang interes.”

SISTER JANICE. Sa kabila rin ng mga napapabalitang pag-aaway ng magkakapatid na parehong nasa showbiz, sina Gelli at Janice de Belen ay tila napaka-ideal ng relasyon bilang magkapatid.

Ano ang sikreto nila?

“Siguro kasi, parang accepted namin ang isa’t isa.

“Alam mo, ang feeling ko, ang pinakaano diyan… kasi baka may masagasaan ako pag sinabi ko ito, e, sana lang, pasintabi lang, ayoko lang may masagasaan.

“Basta ito lang yung sa amin sa bahay namin, sa pamilya namin, ayoko lang may masaktan o may maano, masagasaan.

“Basta ang feeling ko, para sa amin, nasa pagpapalaki ng magulang namin sa amin iyon. Kaya ganun kami.

"Iyon lang, pero ayokong… Sorry, opinyon ko lang.”

Noong bata raw sila ni Janice ay nag-aaway rin daw sila, pero tungkol lamang sa maliliit na bagay.

“Oo, dyusko! Sigawan nung bata kami, buhusan, kurutan...

“Pero ngayon, hindi na kami nag-aaway ni Janice.

“Nung teenagers kami, kung anu-ano, mga damit, yung mga katsipan.”

Sino ang sumusuko?

“Kung sino ang may kasalanan.”

Ano ang sinasabi ng mga magulang nila kapag nag-aaway sila noon?

“’Aba’y ayusin ninyong dalawa yan!’ Ganun, walang kinakampihan.

“Nung bata kami, kapag nag-away kami, pareho kaming punished. Que kasalanan niya, que kasalanan ko.”

Pinapayuhan ba niya si Janice, na tila hindi pa rin masuwerte sa buhay-pag-ibig hanggang ngayon?

“Ayaw niyang papayo! Echos! Hindi naman siya nakikinig, e,” tawa ni Gelli.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN