Kylie Padilla on befriending Aljur Abrenica’s loveteam partner, Kris Bernal: "God knows I tried, pero mahirap talaga."

Sa unang pagkakataon ay magbibida na sa primetime si Kylie Padilla, sa pamamagitan ng fantaseryeng Adarna. Sabi niya, “Mabigat ang pressure! Pero handa naman ako.”


Napabuntung-hininga si Kylie Padilla nang naitanong kung hindi na nag-aaway ang mga fans nila ni Kris Bernal.

Si Kris ang ka-loveteam ng boyfriend ni Kylie na si Aljur Abrenica.

“Hindi na titigil ‘yan,” sabi ni Kylie sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Ayon pa sa 20-year-old actress, gumawa naman siya ng hakbang upang mahinto ito.

“Yung fans ko, sinabihan ko na. Sumunod po sila.”

Nakausap ng PEP si Kylie noong Miyerkules, October 16, sa Fleur de Lys restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Sa tanong naman kung sumunod ba ang mga fans ni Kris na itigil na ang awayan, natawa lamang si Kylie.

Ayon naman sa kampo ni Kris, ang mga fans diumano ni Kylie ang problema.

Pero idiniin ni Kylie na sila ni Kris ay walang problema.

“Okay naman kami.”

Hindi ba sila nagpaplastikan lang ni Kris kapag nagkikita?

Sagot ni Kylie, “Ako, hindi ako plastic.

“Pag hindi ako okay, hindi na lang ako… nawawala na lang ako.

“Kasi hindi ko talaga kayang makipagplastikan, e.”

Hindi raw sila nagkakausap ni Kris.

“Kasi, hindi ko rin maintindihan, e.”



BEFRIENDING KRIS. Bakit hindi sila naging matalik na magkaibigan ni Kris, lalo pa nga’t ka-loveteam ng huli ang boyfriend ni Kylie?

“I tried! God knows I tried, pero mahirap talaga,” sabi ni Kylie.

Dahil?

“I don’t know, I don’t know…

“Kasi, parang sa akin, okay lang.

“Kaming dalawa, pag nagkikita kami, okay lang.

“Pero yung sinasabi ng mga fans, iba. Iba yung fans po.

“Naiilang din ako kay Kris, kasi hindi ko alam kung saan ba talaga ako.

“Natatakot ako, masakit silang magsalita, e.

“Tsaka, siyempre, may relationship [friendship] na sila ni AJ, ayokong… alam mo yun? Mahirap.”

Hindi naman daw maiwasan na magpaapekto sila sa mga fans.

Paliwanag ni Kylie, “Kasi, close namin ang mga fans, e. Parang mga kaibigan namin, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaibigan ko yung mga fans ko, kaibigan niya yung mga fans niya.”



ADARNA. Samantala, excited na si Kylie sa pagbibidahan niyang primetime series sa GMA, ang Adarna.

“Kinakabahan din,” pag-amin niya.

Magpapaka-action star daw si Kylie sa kanyang bagong show.

“Pag naging ibon na siya. Kasi pag una, tao pa lang, e, na kuba, kasi nakatago yung mga pakpak.”

Sanay na raw si Kylie sa harness dahil nag-e-airdance siya.

“Oo nga, e. Kaya masaya, excited ako.

“Nakapag-harness workshop na kami, nagawa ko naman lahat ng ipinagawa.”

Noong nasa GMA pa ang rights ng Darna, nagpakita ng excitement si Kylie nang matanong kung papayag siya, sakaling ibigay sa kanya ang naturang proyekto.

Ngayon ay nasa ABS-CBN na ang rights ng Darna.

Natuwa ba siya na hindi man naibigay sa kanya ang Darna ay ibinigay naman sa kanya ang Adarna?

“Kahit po ibigay sa akin yung Darna, mapipilitan silang palitan yung costume,” sagot ng Kapuso young actress.

Bilang isang Muslim ay bawal kay Kylie ang magsuot ng mga seksing damit, tulad ng costume ni Darna.

“That’s it, e, hindi na puwedeng palitan yun. So, okay lang sa akin na itong Adarna ang ibinigay sa akin.”



MIKAEL DAEZ. Si Mikael Daez ang leading man ni Kylie sa Adarna. Ito ang unang pagtatambal ng dalawang Kapuso stars.

Sabi ni Kylie tungkol kay Mikael, “Marunong! And I’m happy, kasi ang gusto ko talaga, yung mga leading man ko, bibigyan ako, tapos magbibigay din ako.”

Biniro namin si Kylie na ipapakita ni Mikael ang kanyang abs sa Adarna, dahil laging nakahubad dito ang aktor bilang isang taong-ibon.

“E, siyempre, mandirigma siya dito, kaya kailangan, e!” natawang reaksiyon ni Kylie.

Lalong tumawa ang young actress nang sabihin namin na tatapatan ni Mikael ang abs ng boyfriend ni Kylie na si Aljur Abrenica.

“Meron naman na yata, e!” ang tumatawa pa ring pagtukoy niya sa abs ni Mikael.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



PRIMETIME. Ang huling drama series ni Kylie sa GMA, ang Unforgettable, ay sa hapon ipinalabas.

Ngayon, pang-primetime naman ang Adarna.

Ano ang mas gusto niya—sa afternoon slot o sa primetime?

“Mas nasanay po ako sa afternoon, pero pangarap ko talaga ang mag-primetime,” pag-amin ng anak ni Robin Padilla.

Ito rin ang unang pagbibida ni Kylie sa primetime ng Kapuso network.

May pressure ba siyang nararamdaman?

“Mabigat ang pressure!” sabay-tawa niya. “Pero handa naman ako.”

Minsan nang binansagan si Kylie bilang “Afternoon Prime Princess.” Ngayong nasa primetime na siya, hindi kaya mabago na rin ang kanyang titulo?

Aniya, “Nahihiya ako sa mga ganyan, kailangan muna talagang patunayan bago ka matawag ng ganun.

“Kapag pakiramdam kong hindi ko pa napatunayan, ayokong binibigyan ako ng title.”

Pero agree raw siya sa titulo nina Aljur at Kris Bernal na “Royal Couple of Drama” ng GMA.

“E, totoo naman. Ang taas ng mga rating nila,” sabi niya.

Tanggap daw niya ito at suportado niya ang tandem ng dalawa, kahit sa kasalukuyang umeereng Prinsesa Ng Buhay Ko.



BUSINESS-MINDED COUPLE. Sa hiwalay na panayam ng PEP kay Aljur, sinabi nitong pangarap niyang magkaroon ng branch ng Jollibee.

Si Kylie ay gusto ring magkaroon ng sarili niyang negosyo.

Aniya, “Actually, pinag-iisipan ko pa yun, e.

“Ang hilig ko kasi, more on fashion, boutique. Yung mga galing Japan, yung only in Japan.

“Tapos pupuntahan talaga ng mga tao kasi ang daming cute, e.”

Bakit hindi pa niya ginagawa?

“Wala kasi akong kilala, e.”

Pero may pera na raw siyang pang-negosyo. At gusto rin daw niya ang negosyong beauty parlor.

Natawa naman si Kylie nang banggitin namin na maganda kung magkatabi ang boutique niya at ang Jollibee branch ni Aljur.

Game niyang dagdag, “Dun na sila kakain pagkatapos nilang mag-shopping!”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN