Janine Gutierrez tags Lovi Poe as her acting peg

Janine Gutierrez on her admiration for Lovi Poe: “Gusto ko po si Lovi Poe, pero minus the sexy side. Kasi si Lovi kilala bilang magaling na artista talaga. Yung magaling siyang mag-mainstream, ’tsaka pati rin po sa indie films.”


Tuloy pa rin si Janine Gutierrez bilang isa sa mga hosts ng Sunday All Stars, kahit na may launching drama series na siya sa Kapuso network, ang Villa Quintana, kung saan makakatambal niya si Elmo Magalona.

Bilang preparasyon dito ay sumailalim si Janine sa acting workshops.

“Dati po kay Tita Bev [Beverly Vergel], tapos ito nga po recently kay Direk Gina [Alajar].

“Tapos, nakapag-workshop din po ako kay Direk Maryo delos Reyes, pero sandali lang po,” kuwento ni Janine sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.

Si Direk Gina Alajar ang direktor ng Villa Quintana.

Ano ang mga natutunan ni Janine mula sa mga workshops na ito?

Ayon kay Janine, “Madami po talaga akong natutunan, na parang how you should act for TV, parang kung anong method ang gagawin mo para maalala mo or ma–bring mo kung anumang emotion yung kailangan sa eksena. Mga ganun po.”

Napapakinabangan daw ni Janine ang mga acting lessons na natutunan niya.

“Opo, naging useful po talaga yung mga workshops,” giit niya.

Tinanong naman ng PEP si Janine kung magkakaroon sila ni Elmo ng kissing scene sa Villa Quintana.

Sagot niya, “Hindi ko po alam.”

Papayag ba siya kung sakaling mayroon?

Tumawa muna si Janine bago sinabing, “Opo, parte po iyon ng trabaho.”

Bagamat inamin niyang maari siyang pumayag sa mga kissing scenes, iginiit niyang wala raw siyang planong magpaseksi.

ACTING IDOLS. Bilang artista, peg daw ni Janine si Lovi Poe.

“Gusto ko po si Lovi Poe, pero minus the sexy side.

“Kasi si Lovi kilala bilang magaling na artista talaga. Yung magaling siyang mag-mainstream, ’tsaka pati rin po sa indie films,” pagpuri niya sa morena actress.

Bilang apo si Janine ng batikang award-winning actress na si Nora Aunor, itinanong din namin kung hindi kasama sa mga peg niya ang Superstar. O di kaya’y ang ina niyang si Lotlot de Leon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi, siyempre given na po ’yon,” sabay tawa ni Janine.

“Given na po yun na, siyempre, sa kanila po ako yung pinaka-na-inspire na mag-artista.”

Pangarap nga raw ni Janine na makasama sa isang proyekto ang Superstar at si Lotlot.

“Si Papa kasi, nakasama ko na po, e,” pagtukoy ni Janine sa ama niyang si Ramon Christopher na nakatrabaho niya dati sa Makapiling Kang Muli, na pinagbidahan nina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati.

Sa foreign artists naman, paborito ni Janine si Natalie Portman.

“Kasi ano po siya, award-winning. Ang galing niya, tapos walang issue, tapos graduate siya ng college. Ang galing niya,” bukambibig na paghanga niya sa Hollywood actress.

Si Janine ay degree holder ng kursong European Studies sa Ateneo de Manila University.

PREPARATIONS. Ang papel ni Janine bilang Lynette sa Villa Quintana ang maituturing na pinaka-challenging niyang proyekto simula noong pumasok siya sa showbiz.

Ani Janine, “Siguro, yung character ko po kasi, talagang pinaglalaban niya po yung paninindigan niya kay Isagani [Elmo], ganun. So, siguro challenging na talagang kaya mong talikuran ang lahat para sa pag-ibig.”

Matagal ang naging pagitan ng Makapiling Kang Muli at ng Villa Quintana, na ipapalabas na sa November 4.

Ano ang ginawa niya habang wala pa siyang teleserye, bukod sa hosting stint niya sa SAS?

“Nagdasal,” sabay tawa ni Janine.

“Ano po, nag-workshop. Tapos, iyon, mostly nag-workshop po, ’tsaka talagang doon ko naramdaman na gusto ko pang matuto kung paano maging mabuting artista.”

WORKING WITH ELMO. Hindi ba nape-pressure si Janine na maikumpara ang tandem nila ni Elmo sa tandem nina Julie Anne San Jose at Kristoffer Martin sa Kahit Nasaan Ka Man?

Sina Elmo at Julie Anne ang original loveteam.

“Hindi naman po. Alam ko Julie has her own show din, so siguro it’s a new beginning for both of us, or sa aming apat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“’Tsaka nagpapasalamat ako kay Elmo kasi wala siyang ipinaparamdam na hindi niya ako gustong kapareha.

“Maayos po ang working relationship namin ni Elmo, magaan po siyang katrabaho,” pagpuri ni Janine kay Elmo.

At masaya si Janine na ang Villa Quintana ang ibinigay sa kanya bilang launching project..

“Nagpapasalamat po ako talaga, I really feel lucky na pinagkatiwalaan po ako sa ganitong project,” pag-amin niya.

Hindi na sumailalim si Janine sa audition para sa Villa Quintana. Siya na mismo ang pinili ng GMA para maging bidang babae sa teleserye.

“Sinabi po nila na bagay talaga sa akin ang role,” kuwento pa niya.

May mga nagsabi pa nga na may pagkakahawig si Janine kay Donna Cruz, na unang gumanap bilang Lynette sa original Villa Quintana series, kung saan si Keempee de Leon naman ang unang nag-portray sa gagampanan ngayon ni Elmo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN