Raymart Santiago on legal battle with estranged wife Claudine Barretto: “Sa dulo nito, pareho kaming talo dito.”

"Sa dulo nito, pareho kaming talo dito. Pero ganun din e, iniisip ko na lang kung kami pa rin, hindi na rin maganda para sa mga bata,” said Raymart Santiago when asked what he learned from his marital problems with estranged wife Claudine Barretto.


“I’m moving on. I’m taking it one day at a time.”

Ito ang nakangiting sagot ni Raymart Santiago nang kumustahin siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media sa press conference ng bago niyang teleserye, ang Villa Quintana, na ginanap kagabi, October 25.

Marami ang nakapansin na mas maaliwas ngayon ang hitsura ng aktor, na paminsan-minsa’y humihirit pa ng biro sa media.

Katulad na lamang nang sabihan siya na mas maganda ang pangangatawan niya ngayon kumpara noong sunud-sunod ang palitan nila ng salita ng asawang si Claudine Barretto.

“Wala na kasi akong inaalagaan kaya inaalagaan ko na lang ang sarili ko!” natatawang sabi ni Raymart.

Sa ngayon, sabi ni Raymart, halos lahat ng oras niya ay para sa sarili na lang niya.

Paano ang karaniwang araw niya?

“Pumupunta lang ako sa gym, hindi naman ako gaanong lumalabas.

“Pagkatapos minsan, uuwi na, magbabantay lang sa restawran. Hindi ako mahilig lumabas.”

Ang tinutukoy ni Raymart ay ang Red Garlic Bistro Cafe sa The Fort, Taguig, na pagmamay-ari ng aktor kasama ng ilang kasosyo sa negosyo.

LEGAL BATTLE. Matatandaang umalis na si Raymart sa tirahan nila ni Claudine sa Loyola Grand Villas dahil hindi na sila magkasundo.

Ang kanilang dalawang anak ay nasa pangangalaga ngayon ng aktres.

Kinatigan ng korte ang petition for Temporary Protection Order (TPO) na inihain ni Claudine.

Nagsampa naman ng habeas corpus si Raymart upang makuha ang kustodiya ng kanilang mga anak.

Sa ngayon, ayaw nang magsalita ni Raymart tungkol sa mga kasong isinampa nila ni Claudine laban sa isa’t isa.

Gayunman, hindi itinanggi ng aktor na nalulungkot siya sa mga pangyayari.

Pag-amin ni Raymart, “Sa dulo nito, pareho kaming talo dito.

“Pero ganun din, e, iniisip ko na lang kung kami pa rin, hindi na rin maganda para sa mga bata.”



WORK AS USUAL. Sa kabila ng mga personal na problema, nagagawa naman daw ni Raymart na hindi magpakita ng nararamdaman sa mga kasamahan sa trabaho.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Para kay Raymart, ito ang dahilan kaya hindi siya hirap sa trabaho niya bilang aktor.

“Hindi ko dinadala ang problema sa trabaho,” sabi ni Raymart sa PEP.

“Kaya rin siguro ako binibigyan ng projects, kasi sa mga pinagdadaanan ko, at sa mga matagal ko nang pinagdadaanan, hindi nila napapansin.

“Nagugulat na lang sila.

“Kahit noon, ayaw kong ipinagkakalat kapag may problema ako.

“Nangyayari naman ‘yon, hindi ko naman kailangang ikuwento, di ba?

“Parang ‘yon lang, nakasanayan ko na rin sa tagal ko na sa trabahong ito.”

Sa huli, nagpasalamat si Raymart sa mga taong nagbibigay ng suporta sa kanya sa gitna ng malaking unos na ito sa kanyang buhay.

“Nagpapasalamat ako sa mga taong ‘yon.

“Sila ang nagbibigay ng lakas sa akin para ituloy ang laban.

“Nagpapasalamat ako sa kanila at sila ‘yong kumakampi sa akin,” pahayag ni Raymart.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN