Mark Herras airs his side on averted brawl with a taxi driver in Quezon City

Noong Sabado, October 26, ay may nakaengkuwentrong taxi driver ang aktor na si Mark Herras habang papunta siya sa GMA. Dahil sa engkuwentrong ito ay sinampahan ng reklamo ng taxi driver si Mark.


Nakahandang harapin ni Mark Herras ang reklamong inihain laban sa kanya ng taxi driver na si Salvador Ogdiman, na nakaengkuwentro ng Kapuso actor noong Sabado ng hapon, October 26.

Nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa, na umabot sa panunugod ni Mark na may bitbit na kahoy, nang patuloy pa rin diumano siya at ang kanyang mga kasamahan na minumura at dinuruduro ng taxi driver.

Ikinuwento ni Mark sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kahapon, October 27, sa Sunday All Stars, ang bersiyon niya ng engkuwentro nila ng taxi driver.

“Papunta ako nun ng GMA, about 4 p.m.

“Sa may Scout Fuentebella, ma-traffic… Yung RAV4 ko, padiretso, tapos yung taxi, galing intersection.

"Ngayon, sa sobrang traffic, ang nangyari, nakalabas na ang nguso ng kotse, diretso pa rin siya [taxi driver].

“Mabuti, yung kapatid ko na nagda-drive, naapakan agad ang brake, as in totally brake agad.

“Yung mga pasahero na sakay nung taxi, napasubsob.

"Na kung hindi kami nakapag-brake agad, baka head-on talaga na mabangga kami, na puwedeng maaksidente yung dalawang matanda na sakay nung taxi.

"Ako pa yung nasa [tabi ng] driver’s seat, na malamang maaksidente din ako."

Patuloy ng 26-year-old Kapuso actor, “After that, hindi pa umalis yung taxi driver. Ang ginawa, pinagtuturo kami lahat.

“Kasama pa yung mga pinsan ko, lima kami.

"Siyempre, nagbabaan na silang lahat, ako na yung pumipigil sa kanilang apat.

"Pinipigilan ko sila na huwag na, pabayaan na lang, ganun.

“E, yung taxi driver, tumuturu-turo pa rin sa amin, na tumatawag-tawag pa sa radyo, na parang humihingi pa ng back-up sa ibang taxi driver."

Salayasay pa ni Mark, “E, di umalis na kami.

"Tapos, sa tapat ng new building [GMA Studios], sinundan pa kami ng taxi.

“Sa may gate, pababa na ako, tapos yung taxi, lumagpas sa harap ng RAV4.

"Ayaw pa ring tumigil, na parang nagmumura, na nagtuturo sa amin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Kasi, medyo naupakan siya ng konti ng isang pinsan ko, kasi napikon na yun sa mga pinagsasabi niya.

“Pati nga yung mga pasahero, sinasabihan na siya na tama na, umalis na lang, pabayaan na lang namin.

“Ang sa akin lang, huwag na kayong magalit sa amin, kasi tayo ang muntik mabangga, e.

“Iniwasan na nga namin ang aksidente, e, turo pa rin nang turo yung taxi driver."

Dito na raw bumaba ng sasakyan si Mark.

"Para sabihan siya, kung hindi pa rin ba titigil, kasi nagku-cause na kami ng traffic, e.

“Parang gusto niya talaga makipag-away.”

SELF-DEFENSE. Marami naman daw ang nakasaksi na, nang bumaba si Mark at nilapitan ang taxi driver, may dala siyang mahabang kahoy.

Paliwanag ni Mark, pangdepensa niya ang bitbit na kahoy dahil alam daw niyang may dalang tubo ang mga driver at maaaring unahan siya nito.

Aminado si Mark na galit na galit na siya nung oras na iyon, at nakahanda na siyang makipag-away dahil na-provoke na siya ng taxi driver.

Pero napigilan daw siya ng security guards ng GMA, at pinapasok na siya sa loob ng building.

Saad pa ng kauna-unahang StarStruck Ultimate Male Survivor, “Alam niyo po, wala naman sa ugali ko po na makipag-away, e.

“Sa ten years ko po sa GMA, hindi po ako nakikipag-away, e. Ako pa nga ang nakikipag-ayos.

“Ang sa akin lang, sana nag-sorry na siya nung umpisa pa lang.

"Kasi nagtuturo siya agad, e, na parang galit na galit siya, na kasalanan pa namin. Kaya yun po, yun na ang nangyari."

Dagdag ni Mark, “Alam naman po ng mga tao na hindi ako palaaway, e.

“First time lang po sa akin nangyari ‘to, na hindi naman po ako nasasangkot sa ganung gulo, e.

“Kahit po maghanap kayo ng record, never po ako napaaway, e.

"Kahit sino po sa GMA ang tanungin niyo, mabait po ako, hindi ako napaaway, e."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May mensahe namang gustong iparating si Mark sa taxi driver na nakaengkuwentro niya.

“Dun sa taxi driver, sana nag-sorry na lang siya.

"Ayaw naman magpaawat, e. Sana natapos na yun nang maaga.”

READY TO FACE THE COMPLAINT. Kahapon, October 27, ay pormal na naghain ng reklamo ang taxi driver na si Salvador Ogdiman, sa Station 10 ng Quezon City, laban kay Mark at mga kasama nito.

Nakahanda naman daw itong harapin ni Mark, at mabuti na rin daw iyon para magkaalaman na kung sino ang nagsasabi ng totoo.

“Ang sa akin lang po, hindi naman po porke’t artista, basta-basta na lang nila ako aapihin, pati ang pamilya ko.

"Kasi puwede ko naman po i-defend ang side ko, di ba?”

Wala raw balak na maghain ng complaint si Mark sa taxi driver. Mas gusto na lang daw niyang ayusin ito sa mapayapang paraan.

Kung kinakailangang mag-sorry siya, gagawin daw niya, dahil may nagawa rin ang pinsan niya laban sa taxi driver.

“Sana po, kung gusto niyo po palakihin, huwag na lang. Sana pag-usapan na lang nang maayos para matapos na rin,” pakiusap ni Mark.

Bukas ang PEP sa panig ni Salvador Ogdiman kaugnay ng mga naging pahayag ni Mark.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN