President Noynoy Aquino defends DAP, slams critics tagging him as "pork barrel king"

Umalma si Pangulong Noynoy Aquino sa mga nag-aakusa na siya diumano ang "pork barrel king." Saad ni PNoy: “Ito po ang masasabi ko sa kanila. Kung sa tingin ninyo, titigil ako sa pag-usig, kung sa tingin ninyo maililihis ninyo ang atensiyon ng publiko, kung sa tingin ninyo makakatakas kayo sa pagnanakaw, nagkakamali kayo ng tantiya sa akin at sa taong bayang Pilipino.”


Nagbigay ng mensahe sa bayan si Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ngayong gabi, Oktubre 30, sa pamamagitan ng live telecast nito sa halos lahat ng TV at radio stations ng bansa.

Sa kanyang speech, sinagot ni PNoy ang mga bumabatikos sa kanyang Disbursement Acceleration Program (DAP).

Sa kabila ng pagbatikos sa kanya, hindi raw titigil ang kanyang administrasyon na kastiguhin ang mga umaabuso sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).


Ilang buwan na ang nakararaan mula nang uminit ang isyu tungkol sa pork-barrel scam.

Dawit kasi rito ang ilang mga mambabatas na nagpondo diumano sa mga kaduda-dudang non-government organizations (NGOs) ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles.

Sabi naman ng ilang nadawit na senador at mambabatas, "politically motivated" daw ang pagsangkot sa kanila, upang mapurnada ang balak nilang pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa 2016 elections.

Nitong huli, hiniling na ng Department of Justice (DoJ) sa Department of Foreign Affairs (DFA) na suspendihin ang mga pasaporte ng tatlumpo’t pitong katao na sabit sa pork-barrel fund scam, kabilang na sina Senators Jinggoy Estrada, Bong Revilla, at Juan Ponce Enrile.

Umabot sa halos labing-isang minuto ang talumpati ng Pangulo, kung saan ipinaliwanag niya ang priority projects na napuntahan at pupuntahan ng kanyang DAP.



"PAGNANAKAW ANG TUNAY NA UGAT NG ISYUNG ITO." Ayon kay PNoy, “Sa isang panig, kayo at ang gobyerno ninyo ay binigyan niyo ng mandato para sa pagbabago na tatlong taon at limang buwan ng gumagawa ng reporma, naghahabol sa corrupt, at kumakalinga sa mahirap.

"Sa kabila naman ay ang mga tiwaling opisyal na diumano’y sangkot sa pork-barrel scam.

"Baka po may nakakalimot sa atin—pagnanakaw ang tunay na ugat ng isyung ito.

"Iyan po ang usapang pilit nilang tinabunan matapos mabisto ang kanilang kalokohan.

"Napapailing na nga lang po ako, dahil ang una kung inasahan, papabulaanan nila ang mga akusasyon.

"Di po ba’t iyan ang natural na tugon ng kahit sinong mga akusado?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sa hinaba-haba ng mga kontra-paratang na ito, na binabato sa atin, ni minsan hindi ko narinig ang katagang ‘Hindi ako nagnakaw.’”

Patuloy pa niya, “Sana nga po, alang-alang sa inyong mga nagtiwala at bumoto sa kanila ay tinutupad ng mga opisyal na ito ang kanilang mga sinumpaang tungkulin.

"Sana nga po, maipaliwanag kung paanong nangyaring ang mga benepisyaryo ng mga pekeng NGO, na pinili nila, ay listahan lang pala ng mga board passer na hinugot lang mula sa diyaryo.

"Pero parang ang hirap na pong maniwala sa mga palusot, kung sa paulit-ulit nilang paggamit ng pare-parehong NGO, ni minsan ay hindi nila sinilip kung nakakaabot sa taumbayan ang perang inilaan nila para dito.

“Medyo mahirap o imposible na po talagang ipaliwanag ito.

"Sa sobrang hirap nga pong ipaliwanag, tila sinunod na lang nila ang payo ng isang matandang pulitiko sa kanilang kampo: ’Kung hindi mo kayang ipaliwanag, palabuin mo na lahat. Kung hindi mo kayang bumango, pabahuin mo na lang lahat. Kung hindi mo kayang gumuwapo, papangitin mo na lang ang lahat.’

“Narinig naman ninyo ang hirit nila, pare-pareho lang naman daw kaming lahat."


"HINDI TAYO PAREHO." "Ang tugon ko po diyan: ‘Hindi tayo pareho. Hindi kami nagnakaw at hindi kami magnanakaw. Kami ang umuusig sa mga nagnanakaw.’

"Itinalaga po natin ang mga taong may paninindigang tuparin ang kanilang mga sinumpaang tungkulin.

"Di po ba’t ang itinalaga nating liderato sa Commission On Audit ang sumuyod sa mga dokumento, kaya’t natuklasan ang mga pang-abuso sa PDAF?

"Di ba’t nakakaasa tayo ngayon sa patas at makatarungang imbestigasyon dahil katuwang sa tuwid na daan ang Ombudsman na atin ding itinalaga?"



DAP IS NOT PORK BARREL. “Linawin na rin po natin, hindi pork barrel ang Disbursement Acceleration Program.

"Sa kabuuang DAP releases noong 2011 at 2012, siyam na porsiyento po nito ang ginugol sa mga proyektong iminungkahi ng mga mambabatas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi rin po pagnanakaw ang DAP.

"Ang pagnanakaw, illegal.

"Ang paggastos gamit ang DAP, malinaw na nakasaad sa konstitusyon at sa iba pang mga batas.

"Pangalan lang ang DAP, na isang proseso ng paggastos sa perang natipid at sa iba pang mga nalikom na kita ng inyong gobyerno.

“Saan po nanggaling ang perang ito?

"Nagmula ito sa pagtitigil natin sa kuntsabahan sa kontrata, tongpats, overpricing, at kickbacks.

"Nagmula ito sa maayos na paggugol ng budget.

"Nagmula ito mula sa dagdag na kita mula sa matinong koleksiyon ng buwis.

"Nagmula ito sa tapat na pamamahala ng mga GOCC [Government Owned and Controlled Corporation].

“Halimbawa, ang MWSS [Metropolitan Waterworks and Sewerage System], na dating nababaon sa utang, pero ngayon, taun-taon nang nag-aabot ng dibidendo sa gobyerno.

"Savings above target na koleksiyon, at mga bagong revenue ang naging resulta ng tamang pamamahala.

“At dahil sa DAP, naitutok ang mga proyektong nasa loob rin naman ng budget at totoong may pakinabang sa atin."

SPECIFIC USES OF DAF. "Paano gumagana ang mekanismong ito?

"Simple lang po. May mga ahensiya na sa iba’t ibang kadahilanan, hindi agad naipapatupad ang mga proyekto nila.

"Meron namang masigasig at mabilis na nagpapatupad ng mga proyekto.

"Kapag naantala ang pagpapatupad ng proyekto, natural, hindi rin ito gugugulan ng pondo.

"Hindi po natin hinahayaang matulog ang pondong ito.

"Humanap tayo ng programang nakapila sa ilalim ng ahensiyang mabilis magpatupad. At doon natin itinutok ang pondong natipid.

“Pati na rin ang dagdag na perang kinita ng ating gobyerno.

"Mas mabilis at napaaga ang pagdating ng mga benepisyo sa mamamayan, at mas masinop at epektibo nating nagugol ang perang taun-taong nakalaan sa ilalim ng pambansang budget.”

Tanong pa ni PNoy: “Kayo nga po ang magsabi, mali ba ito?

"Kailan ba naging masama ang paghahanap ng constitutional na paraan para makapaglingkod ng mas epektibo sa taong-bayan?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Dahil po sa DAP, napondohan ang Project NOAH, na nagbibigay ng tama at agarang babala kung may sakuna.

"Dahil din sa DAP, sa ilalim ng ‘training for works scholarship program’ ng TESDA, mayroong halos isandaan limampung libo na Pilipino ang napag-aaral. At di bababa sa 90 thousand sa kanila ang may trabaho na ngayon.

"Nakinabang din po ang ating Air Force at kapulisan.

"Nakapagtayo tayo ng classrooms, kalsada, at ospital sa Mindanao at sa iba pang bahagi ng bansa.

"Naibalik ang benepisyo ng mga empleyado ng DepEd noong nabayaran ang kanilang GSIS premiums, na matagal nang di nababayaran ng pamahalaan.

"At marami pang ibang programa at proyektong tunay na kapaki-pakinabang sa mga Pilipino.”



PHILIPPINES IS NO MORE "SICK MAN OF ASIA." Pagpatuloy pa ng Pangulo, “Malaki rin ang tulong ng DAP sa nangyayaring pag-aarangkada ng ating ekonomiya.

"Sabi pa nga ng World Bank, nag-ambag ang DAP ng 1.3 percentage points sa ating GDP growth noong ika-apat na quarter ng 2011.

"Ikumpara po natin, hindi ba’t noong sila ang nasa poder, ‘Sick Man of Asia’ ang tawag sa atin?

"Ngayon, mamili na kayo sa mga bagong bansag sa atin ng mundo: ’Asia’s Fastest Growing Economy,’ ’Rising Tiger,’ ’Brightest Park.’

"Isama pa diyan ang nakuha nating investment rate status mula sa tatlong pinakatanyag na credit ratings agency.

"Ang pag-angat nito at ang tinatamasang benepisyo ng ating mga kababayan, lalo na yung nasa laylayan ng lipunan, ito po ang bunga ng tamang paggastos.

"Sa halip na pagnanakaw, ang pera na dating kinu-corrupt, napakinabangan na ng taong-bayan, lalo na ng mahihirap.”

PRESIDENT’S SOCIAL FUND. Nagbigay na rin ng paliwanag ang Pangulo tungkol sa kanyang President’s Social Fund (PSF).

Kinukuwestiyon din kasi ito ng ilan dahil ito raw ay hindi dumadaan sa audit, at ito rin daw ay isang mukha ng pork barrel.

Ani PNoy, “May mga pagkakataon po na kailangan ng agarang pondo para tumugon sa mga biglaang pangangailangan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Halimbawa, ang tulong para sa pamilya ng sundalo’t pulis na nasawi sa pagreresponde sa MNLF Misuari faction sa Zamboanga, gayundin sa paghahatid ng ayuda nang sumalanta ang bagyong Sendong—PSF po ang pinanggalingan nito.

"Kung wala nito, kung walang calamity o contingency funds, mananatiling ang ating mga kababayan, nagdurusa.

"Dahil noong araw, inabuso ang pondong ito, baka raw abusuhin naman ito ngayon.

"Kahit walang parantang na pagnanakaw o kamalian ng paggamit, ang mungkahi ng ilan, tanggalin na lang.

"Tanong po: Makatwiran po ba ito?

"Maganda po sana kung ganun kasimple, pero paano po kung magkaroon ng sakuna?

"Buwenas na tayo kung may session sa Batasan. Mahina po ang apat na buwan ng debate at pakikipagpalitan ng sulat sa Kongreso bago maaprubahan ang pondong puwedeng gugulin.

"Kung ikaw ang nasa Zamboanga City, at humihilab ang sikmura ng anak mong iyak nang iyak, matatanggap mo ba kung sasabihin sa iyo ng iyong gobyerno, ‘Pasensiyahan muna tayo’?

“May pera naman at may sapat tayong mekanismo upang siguruhing mapupunta ito sa dapat kalagyan.

"Tama bang ipagkait ang kalinga sa ating mga kababayan?

"Uulitin ko po, pagnanakaw ang isyu dito. Hindi ako nagnakaw.

"Pero ang mga diumano’y nagnakaw ay siyang nagpapasimuno ng kalituhan.

“Gustong kaladkarin pababa ang lahat ng ating pinaghirapang maabot, dito sa tuwid na daan.

"Tayo ang ninakawan, tayo ang niloko, tapos tayo pa ngayon ang pinagpapaliwanag.

"Tayo ang patuloy na naghahanap ng katotohanan, tayo ang nagbawas nang nagbawas sa mga mekanismong maaring gamitin para abusuhin ang kapangyarihan.”



PRESIDENT NO PORK BARREL KING. Inalmahan din ng Pangulo ang bansag sa kanyang "pork barrel king."

Saad niya, “Ito po ang masasabi ko sa kanila. Kung sa tingin ninyo titigil ako sa pag-usig, kung sa tingin ninyo maililihis ninyo ang atensiyon ng publiko, kung sa tingin ninyo makakatakas kayo sa pagnanakaw—nagkakamali kayo ng tantiya sa akin at sa taong-bayang Pilipino.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Apela pa ni PNoy, “Baka naman po may natitira pang kabaitan sa inyo, sana po gumawa na kayo ng kilos para naman sa kapwa ninyo at hindi lang para sa sarili.

“Nang bumalik sa bansa ang aking ama [former Senator Ninoy Aquino] noong ika-21 ng Agosto, noong taong 1983, may nakahanda siyang talumpati.

"Hindi na ito narinig ng mga Pilipino dahil, sa tarmac pa lang, pinaslang na siya.

"Sa talumpati, sinipi niya si Archibald MacLeish, and I quote, ’How shall freedom be defended? By truth when it is attacked by lies?’

“Ngayong sinusubok ng mga kasinungalingan at panlilinlang ang mga karapatan ng mga Pilipinong magkaroon ng isang tapat na pamahalaan, tanging katotohanan lamang ang wastong sandata.”

EVERYONE SHOULD DISCUSS THIS. Sa huli sinabi ni PNoy, “Sa gabing ito, inilatag ko sa inyo ang tunay na konteksto ng mga nangyayari sa ating bayan.

"Mangyari po sanang sa darating na mga araw, pag-usapan ninyo ito sa inyong mga pamilya, grupo, at komunidad.

"At doon, bumuo ng mga sariling kaisipan na nakatuntong sa katotohanan.

"Mga boss, marami na tayong pinagdaanang laban, nagpapasalamat ako dahil kahit gaano man kasahol ang mga paninira, at pagsasabotahe—hindi kayo bumitiw.

"Hindi kayo sumuko at pinatunayan nating walang maaapi kung walang magpapaapi.

"Ngayon, ang tila nagsamantala sa atin ang gustong idiskaril ang puso natin tungo sa ating mga pangarap.

"Hindi ako naniniwalang papayag kayo dito, at habang nandiyan kayo, patuloy akong maninindigan.

"Panatag ang loob ko, nasa poder man ako o hindi, na kayo mismong mga boss ko, na maayos ang kaisipan at nasa tamang lugar ang puso, ang magpapatuloy at magtatapos o magtatapos ng laban.

"Dito nagmumula ang aking lakas at katatagan ng loob.

"Di ba’t kailan lang ang umiiral na siste ay isang taumbayang nagsawa nang mangarap, nagsawa nang pumalag, nagsawa nang makiambag?

"Ngayon, napakarami na nating sama-samang pumapanday ng positibo at makabuluhang pagbabago sa lipunan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Tiwala akong mas masigasig ninyong papanigan ang tama, ang makatotohanan, at ang makatarungan.

"Kaya’t nagpapasalamat ako dahil alam kong tuloy na tuloy pa rin ang ating martsa sa tuwid na daan.

"Muli, isang magandang gabi po sa inyong lahat.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN