Jennylyn Mercado denies presence of third party in breakup with Luis Manzano

Mariing pinabulaanan ni Jennylyn Mercado ang pagkakasangkot ng pangalan ng ex-boyfriend niyang si Dennis Trillo sa breakup nila ni Luis Manzano. Sabi ng actress-TV host, "Sana huwag niyo na po siyang pag-isipan nang masama. Huwag niyo na pong idamay ang tao. Kawawa din naman po.”


Sa unang pagkakataon ay nagsalita na si Jennylyn Mercado kaugnay ng breakup nila ni Luis Manzano.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jennylyn kahapon, November 7, sa meeting nila ni Mark Herras para sa pagsasamahan nilang bagong drama series sa GMA—ang Rhodora X.

Bagamat may pakiusap sa amin ang manager ni Jennylyn na si Becky Aguila, na huwag munang pag-usapan ang tungkol sa breakup, ang actress-TV host na rin ang nagsalita.

Gusto raw niyang iparating sa kanyang mga tagasuporta na okay na siya at unti-unti na siyang nakakapag-move on.

Nagwakas ang relasyon nina Jennylyn at Luis pagkatapos ng halos dalawang taong pagkakamabutihan.

(Read: Jennylyn Mercado-Luis Manzano breakup confirmed)

Pahayag ni Jennylyn, “Gusto ko lang i-assure lahat po, sa lahat ng sumusuporta at sumusubaybay sa akin, na okay ako.

"At huwag po kayong mag-alala, masaya na po at okay na po ang lahat."



NO THIRD PARTY. Tiniyak din ng 26-year-old single mom na walang katotohanan ang mga lumalabas na balitang nag-uugnay sa kanya sa ibang lalaki.

Saad niya, “Kung may naririnig po kayo na hindi magaganda, kilala niyo naman po ako.

"Alam niyo naman na hindi ko gagawin yung mga naririnig niyong negativity.

“Kahit kailan po, hindi po ako na-link sa kahit kanino, na nasa relasyon po ako.

"Never po naging isyu ‘yan sa amin, lalo na nung nasa relasyon pa ako.”

Pinabulaanan din ni Jennylyn ang tungkol sa pagkaka-link niya kay Dennis Trillo, na itinuturong dahilan diumano ng hiwalayan nila ni Luis.

Si Dennis ang boyfriend ni Jennylyn bago maging sila ni Luis.

Aniya, “Gusto ko lang po i-clear na hindi po totoo, at wala po sa ugali ko na bumabalik sa mga ex ko.

"Sana huwag niyo na po siyang pag-isipan nang masama.

"Huwag niyo na pong idamay ang tao. Kawawa din naman po.”

Samantala, nagpasalamat si Jennylyn sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at supporters na umalalay sa kanya nung panahong nahihirapan siyang tanggapin ang nangyaring hiwalayan nila ni Luis.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya siguro napakabilis ng recovery. Natutuwa ako kasi hindi talaga sila nawala,” sabi niya.

Tumanggi namang magsalita si Jennylyn tungkol sa dahilan ng breakup nila ni Luis.

Magsasalita na lamang daw siya sa tamang panahon.

FAMILY & CAREER. Ayon kay Jennylyn, mas gusto muna niyang ituon ang kanyang atensiyon ngayon sa pamilya at trabaho.

Kaugnay nito, masayang ikinuwento ng Kapuso star ang nakaraang bakasyon niya sa Hong Kong, kasama ang ina na si Lydia Mercado at ang anak niyang si Alex Jazz.

Sabi ni Jennylyn tungkol sa kanyang five-year-old son, “First time niyang mag-out of the country.

“First time natatakan ang passport niya. Kaya sobrang excited yung bata.

"First time ko siyang ipinasyal na hindi siya nagreklamo.

"Hindi siya napagod kahit sobrang haba ng lakad namin.

"Talagang nag-enjoy siya, pati yung mommy ko.

“Nakakatakot na nga i-shopping, e. Mahilig na siyang magdadampot ng gusto niya!”

Nangako raw si Jennylyn sa sarili na huwag munang ma-involve kahit kanino, dahil naniniwala na siya ngayong mahirap talagang pagsabayin ang career at lovelife.

Aniya, “Siguro sa mga walang baby, o sinusuportahan na family, I think okay lang.

"Pero naisip ko, kasi nandiyan si Jazz. Yung mom ko mag-isa na lang, wala na si Papa.

"So, kailangan mag-focus ako sa family ko... especially sa anak ko, bilang single mom ako.

“Siguro ibibigay ko na lang muna sa pamilya ko, sa trabaho ko, at sa mga espesyal kong mga kaibigan."


Hindi naman daw masasabi ni Jennylyn na sarado na ang puso niya.

Pero mukhang matatagalan pa raw bago siya ma-involve sa isang relasyon.

“Ngayon, matatagalan talaga bago ako mag-entertain o ma-involve sa isang tao.

"Trabaho muna siguro,” pahayag niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN