Senator Bong Revilla to Janet Lim-Napoles: "Magsalita siya kung meron pa siyang itinatago. Ilabas na niyang lahat."

Inamin ni Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. na ikinatuwa niya ang pagtanggi ni Janet Lim-Napoles na may kinalaman ang senador sa Priority Development Assistance Funds (PDAF) scam. Humarap si Napoles sa Senate Blue Ribbon Committee noong November 7, Huwebes, para sa imbestigasyon ng P10-billion PDAF anomaly.


Ikinatuwa ni Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. ang pagharap ng itinuturong mastermind ng P10-billion pork-barrel scam na si Janet Lim-Napoles sa Senate Blue Ribbon Committee noong nakaraang Huwebes, November 7.

"Finally, humarap na siya at nagsalita siya at nanggaling na sa bibig niya mismo na, kumbaga, wala siyang dealings with us.

"’Yon, siyempre, kahit papa’no natuwa tayo d’yan," pahayag ni Senator Revilla sa GMA late-night news program na Saksi, noong November 8, Biyernes.

Ang Senate Blue Ribbon Committee ay nag-iimbestiga sa sinasabing maanomalyang paggamit ng bilyun-bilyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) na hawak ng mga mambabatas.

Itinanggi ni Napoles sa pagdinig na may kinalaman siya sa tinatawag ngayong pork-barrel scam, sabay tanggi rin na may anumang transaksyon siya kay Revilla, o kina Senator Juan Ponce Enrile at Senator Jinggoy Estrada.

Ang tatlong senador ay sinampahan ng mga kasong plunder, malversation of funds, at graft ng Department of Justice at National Bureau of Investigation sa Ombudsman noong Setyembre 16.

Umano’y ginamit nila ang hawak na PDAF sa mga pekeng non-government organizations (NGOs) ni Napoles, kapalit ng malaking porsiyento.

Sa kabuuan, 38 katao ang dawit sa mga kaso, kabilang na ang ilang kongresista. Lahad ni Napoles sa Senate hearing, "Nakakaawa nga ho yung mga senador na nada-drag yung pangalan nila, at mga congressman, hindi ho totoo."

Ayon sa Republic Act No. 7080 o An Act Defining ang Penalizing the Crime of Plunder, ang kaparusahan sa ganitong pagkasala ay "life imprisonment with perpetual absolute disqualification from holding public office." (Filipiniana.net)

Nauna nang itinanggi ni Senator Revilla na may kinalaman siya sa pork-barrel scam. Ito rin ang sagot nina Senators Estrada at Enrile sa akusasyon sa kanila.

(Read: Senator Bong Revilla’s plea to public: “Huwag kaming husgahan.”)

Noon namang November 1, 2013, naibalitang nagsampa na si Senator Revilla ng kaso sa isang Cavite court laban sa mga PDAF whistleblowers na nagsangkot sa kanya sa anomalya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hiningi ni Senator Revilla sa korte na ipawalang-bisa ang lahat ng dokumentong ginamit ng whistleblowers upang ma-access ang PDAF ng senador.

(Read: Senator Bong Revilla files civil case against pork-barrel scam whistleblowers)

"TRUTH WILL SET US FREE." Hindi sumipot sa November 7 Senate hearing si Revilla—tulad din nina Estrada at Enrile—ngunit pinanood daw nito sa telebisyon ang pagdinig kay Napoles.

Sa kanyang television interview sa Saksi, nagbigay ng mensahe si Senator Revilla kay Napoles:

"Magsalita siya kung meron pa siyang itinatago. Ilabas na niyang lahat, di ba?

"Ang sa atin lang, yung katotohanan... dahil, sabi nga e, madami ang nadadamay.

"Mahabang proseso pa ito, mahabang labanan sa korte. Hindi naman matatapos sa Senado."

Dagdag niya, "Ang sa atin lang, sana huwag muna tayong husgahan ng sambayanan.

"Masyado nang nadurog ang pangalan natin. Ang pamilya [namin] masyado nang nasaktan...

"The truth will set us free.

"Ang magagawa natin niyan ay maipaubaya natin ’yan sa Panginoon," pangwakas niyang pahayag.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN