Marian Rivera donates branded clothes for auctioning; encourages Pinoys to do their share in helping typhoon victims

Ayon kay Marian Rivera, hindi mahalaga kung gaano kaliit o kalaki ang ibibigay na tulong para sa mga nasalanta ng bagyo. Pahayag niya, “Kahit anong pamamaraan, kapag pinagsama-sama ‘yan, malaki para sa mga kababayan natin—na alam natin na hindi madali ang pinagdadaanan nila ngayon.”


Gaya ng mga ordinaryong Pilipino, isa ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa mga labis na nalungkot sa sinapit ng marami nating kababayan sa Visayas, pagkatapos manalasa ng super typhoon Yolanda noong nakaraang linggo.

"Siyempre, parang, ’Ano ang nangyayari sa bansa? Yung ganun. Nakakalungkot," pahayag ni Marian sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Dagdag ng aktres, “Ang sakit para sa akin, na hindi man ako dun, or wala man akong kamag-anak, pero parang ang hirap isipin na wala talaga...

"Siguro, ang magagawa lang natin, magkaisa. Huwag na tayong manghusga ng kapwa natin.

“Tumulong sa maliit o malaking pamamaraan.

"Ang importante, nakatulong sila sa kapwa nila.”

Anong paraan ang ginawa niya para tumulong sa mga nasalanta ng bagyo?

“Ayan, yung sa GMA [Kapuso] Foundation, yung Ukay-Ukay Celebrity nila.

"Kaming dalawa ni Dong diyan, so tutulong kami.

"Ngayon, ite-turnover ko lahat ng damit ko sa GMA.

"At si Dong, may ginagawa siya para sa Yes Pinoy Foundation.”

Si Dingdong Dantes ang longtime boyfriend ni Marian.

Bukod dito, nag-donate din si Marian ng kanyang mga damit sa The Ryzza Mae Show para mai-auction din.

Karamihan sa mga damit na ito ay branded at ginamit ng aktres sa kanyang mga teleserye.

Ngunit hangga’t maaari ay ayaw sanang ipamalita ni Marian ang mga ginagawa niyang pagtulong—may kalamidad man o wala.

Ngunit bilang isang malaking pangalan sa industriya, naniniwala ba siyang malaking bagay ang kanyang impluwensiya upang makahikayat sa ibang mga tao na tumulong din?

Tugon ni Marian, “Oo naman.

"Kaya nga may mga ibang artista na nagbi-bid sila ng mga damit nila, nagbibigay sila ng donation, nagte-telethon sila, di ba?

“Kahit anong pamamaraan, kapag pinagsama-sama ‘yan, malaki para sa mga kababayan natin—na alam natin na hindi madali ang pinagdadaanan nila ngayon.”

Nakausap ng PEP si Marian sa launching niya bilang Ginebra San Miguel calendar girl for 2014, noong Miyerkules, November 13, sa Historia Bar and Restaurant, sa Sgt. Esguerra, Quezon City.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN