Jennylyn Mercado flies to Tacloban to search for her relatives

Umaasa si Jennylyn Mercado na matatagpuan niya ang mga hinahanap niyang kamag-anak sa Tacloban, at sana raw ay safe silang lahat. Ngunit ayon sa Kapuso actress, handa na rin siya kung anuman ang madatnan niya doon.


Lilipad patungong Tacloban City bukas, November 21, ang Kapuso actress-TV host na si Jennylyn Mercado.

Ang pakay ni Jennylyn doon ay upang hanapin ang ilang mga kamag-anak niyang nasalanta ng super typhoon Yolanda.

Ang mga kamag-anak na tinutukoy ng aktres ay mula sa side ng kanyang Mommy Lydia Mercado at ng kanyang biological mom na si Jinkee.

Hindi lang matiyak ni Jennylyn kung saan ang eksaktong lugar ng mga kamag-anak niya sa Tacloban, pero ang pagkakaalam niya ay malapit ito sa San Juanico Bridge.

Ang nakarating pang balita sa kanya, na-wash out daw ang naturang lugar at hindi na alam kung nasaan ang iba niyang mga kamag-anak.

Pero ang iba naman ay pinalikas na nila sa Maynila, at tiniyak ni Jennylyn na mayroon silang matitirhan.

Kuwento ni Jennylyn, “Yung forty na part ng family namin, nandito na.

“Pero yung iba, hindi pa namin alam. Ang dami pa rin pong nawawala.

“Yung mga nakauwi dito, nakausap ko. Siyempre, hindi po talaga magandang experience sa kanila.

“Kung nakaligtas man sila doon, yung gutom daw talaga.

“Yun po talaga ang parang ang akala nila, hindi nila kayang mag-move on. Akala nila, hindi na nila kayang mabuhay.

“Hindi nila ini-expect na, ‘Nangyayari ba talaga ‘to?’

“Parang yung napapanood nila sa pelikula, ganun daw talaga kalala.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jennylyn sa pocket presscon ng upcoming GMA drama series na Rhodora X, na ginanap kahapon, November 19, sa 17th floor ng GMA Network Center.

HOPING FOR THE BEST. Pinaghandaan daw ni Jennylyn ang pagpunta sa Tacloban sa pamamagitan ng pagkalap ng relief goods na dadalhin doon.

Umaasa si Jennylyn na matatagpuan niya ang mga hinahanap na mga kamag-anak, at sana raw ay safe silang lahat.

Ngunit ayon sa aktres, handa na rin siya kung anuman ang madatnan niya doon.

“Emotionally, psychologically, and physically ready naman po ako.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dalangin din ni Jennylyn na magawa niya agad ang dapat gawin at makakuha siya ng magandang resulta, dahil hindi naman daw siya puwedeng magtagal doon.

Apektado si Jennylyn sa trahedyang ito, pero lahat daw ay dinadaan niya sa dasal.

Hinintay din niyang pumayag ang mga awtoridad na pababain na sa Tacloban ang mga gustong pumasok rito.

At kung mayroon man daw siyang magagawa, gagawin niya para makatulong sa mga nasalanta ng bagyo.

Isa rin si Jennylyn sa special guests sa binuong benefit concert nina Mark Herras, Julian Trono, at ng iba pa nilang kasamahan sa Sunday All Stars.

Pinamagatang Sayaw Pilipinas: Aahon Ang Bayan Ko, Tutulong Ako, gaganapin ito ngayong gabi, November 20, sa Zirkoh Tomas Morato.

Pagkabalik ni Jennylyn mula sa Tacloban ay diretso na siya sa taping para sa Rhodora X.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN