Angel Locsin promotes volunteerism during calamities

Sa kabila ng kalamidad na dinaranas ng Pilipinas, positibo si Angel Locsin na maipagdiriwang pa rin ng mga Pinoy ang Kapaskuhan. Sabi ng aktres, “Knowing ang mga Pilipino, gagawa at gagawa ng paraan talaga para mai-honor natin yung birthday ng Panginoon natin. Tsaka babangon at babangon tayo, basta magtulungan na lang para maramdaman naman natin yung spirit talaga ng Christmas.”


Ngayong araw, November 21, ay nagpunta ang grupo nina Boy Abunda, Kris Aquino, at Angel Locsin sa Samar.

Alas-kuwatro ng madaling-araw tumulak ang kanilang grupo papunta sa Samar, isa sa mga lalawigang napinsala nang husto dahil sa super typhoon Yolanda.

Tubong-Samar ang “King of Talk” na si Boy, at kasalukuyang alkalde ng Borongan City, Eastern Samar, ang kapatid nitong si Maria Fe Abunda.

Kagabi, November 20, ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), Mario Dumaual ng ABS-CBN, at MJ Marfori ng News5 si Angel.

Tumanggap ng parangal ang aktres sa 1st Gintong Palad Public Service Awards na ginanap sa One Esplanade, Pasay City.

Hindi man maidetalye ni Angel ang kanilang misyon sa Samar, pero ito raw ay para tumulong sa mga nasalanta ng bagyo sa lugar nila Boy.

Saad ng Kapamilya actress, “Yes, tomorrow...

"Tomorrow, actually hindi ko alam kung allowed na akong sabihin, pero may plano po kami para ano… pumunta.”

May balitang pinagbabawalan daw ang ilang celebrities na pumunta sa mga lugar na nasalanta ng bagyo “for security reasons.”

Dapat nga ay pupunta sina Angel at Kris, kasama si Vice Ganda, sa Tacloban noong Linggo, November 17, upang mamahagi ng relief goods.

Pero hindi sila natuloy dahil hindi sila nabigyan ng permit.

Ayon kay Angel, “Actually, naniniwala naman ako, basta maganda yung ano natin… yung hangarin natin, hindi naman tayo pababayaan ng Diyos.”

Balikan lang daw ang kanilang pagbisita sa Samar.

“May airplane kami, medyo delikado lang, kasi walang radar yata yung airplane na sasakyan namin.

“So medyo... kailangan naming umalis nang maaga talaga, kasi hindi kami puwedeng abutin ng dilim, kasi hindi kami madi-detect.”

Iginiit ni Angel na ang pagsama niya sa Samar ay para na rin kay Boy.

“Kasi, naging mabait sa akin, super-bait sa akin ni Tito Boy.

"Napakabait niya kasi sa akin.

“Tapos nakikita naman natin kung gaaano siya kabait, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, taga-Samar siya, so mababait din yung mga [taga] Samar, so gusto kong tumulong din.”


RELIEF GOODS. May mga dala raw silang relief goods at tolda para sa mga biktima ng bagyo, pero hayaan na raw si Boy ang magsalita tungkol dito.

Saad ni Angel, “Si Tito Boy po kasi yung nag-head ng mission na ito, itong operation na ito.

"At isa ako sa mga tutulong... lahat ng puwedeng gawin.

"But I think, si Tito Boy talaga ang dapat magsalita para dito.

“Isa lang naman ako sa mga tumulong, siya talaga ang nag-isip ng proyektong ito—si Tito Boy talaga.”

Hindi raw personal na nakausap ni Angel si Boy para sa kanyang gagawing pagsama sa Samar.

Kuwento niya, “Actually, hindi nga si Tito Boy ang nakausap ko, e, si Ate Kris [Aquino], bilang best friend ni Tito Boy.

“So, kinausap niya ako, so tutulong ako.

"Kasi malaki ang utang na loob ko kay Tito Boy talaga.

“And gusto ko rin namang gawin yung part ko, kung may paraan naman na pumunta doon sa Samar.

“Di eto, binibigyan ka ng way, e, di, sumama ka. Ganyan.”

Marami ang nagsasabi na ang presence pa lang ng mga artista o mga kilalang personalidad na kagaya niya ay isa nang malaking bagay para maiangat ang morale ng mga nasalanta ng bagyo.

Tugon ni Angel, “Sana, sana makatulong.

"Kasi ang hirap magsalita, kasi iba yung dinanas ng mga kababayan natin doon.”


VOLUNTEERISM. Ayon sa iba, nauna pang tumutugon sa pagtulong sa mga biktima ng trahedya ang mga artista.

Ano ang reaksiyon ni Angel tungkol dito?

Nakangiti niyang sagot, “Makulit lang talaga ako, makulit lang talaga ako.

“Sa totooong buhay, wala ‘yan sa akin, wala.

"Hindi ko alam ang sasabihin ko tungkol dito, e.”

Dagdag pa niya, “Nahihiya lang ako, kasi alam ko mas marami diyan ang mas quiet na tumutulong at mas malaking na-donate, mas malaki yung effort, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi ko alam, kasi ngayon, hindi na ako quiet.

"Kasi ang dami nang nagtatanong sa akin, at nasasabi ko rin naman.

“Ang masasabi ko siguro, gagamitin ko na lang ‘to, kung anuman ang meron ngayon, para maka-influence.

“Kasi ako, volunteerism ang hangad ko, e, advocacy ko yun, e.

“Yung mahikayat ang mga tao na, ‘Ay, tayo ka diyan, tumayo ka diyan, kumilos tayo.’

"At kahit na anong gawin mo, puwede kang tumulong."

Ano naman ang mensahe niya sa mga nasalanta ng bagyo, lalo na ngayong malapit na ang Pasko?

“Itong Pasko na ‘to, ngayon pa lang, parang ang hirap mag-celebrate.

“Wala nga akong masyadong nakitang naglalagay ng mga Christmas decors ngayon, dahil nga doon sa nagyayaring trahedya.

“But knowing ang mga Pilipino, di ba, parang gagawa at gagawa ng paraan talaga para mai-honor natin yung birthday ng Panginoon natin.

“Tsaka babangon at babangon tayo, di ba?

"Basta magtulungan na lang para maramdaman naman natin yung spirit talaga ng Christmas.”


GINTONG PALAD AWARDEE. Nitong mga nakaraang taon, tuwing may kalamidad, isa sa mga mabilis na rumesponde sa pagtulong ay si Angel.

Noong 2009 ay nagsagawa si Angel, kasama si Anne Curtis, ng online auction na Shop and Share upang makalikom ng pondo para sa mga naging biktima ng bagyong Ondoy.

Bukod dito, isa rin si Angel sa celebrities na tumutulong sa mga gawain ng Philippine Red Cross.

Ilang araw matapos bayuhin ni Yolanda noong November 8 ang Central Visayas, kumilos kaagad ang aktres para tumulong sa mga biktima.

Dahil sa mga kawanggawa niyang ito, binigyan siya ng pagkilala sa 1st Gintong Palad Public Service Awards, na ipinamamahagi ng Movie Writers Welfare Foundation.

Ipinagkaloob ang mga parangal na ito sa mga indibidwal "with the purest of hearts and intentions and selfless reaching out to their fellowmen in the face of natural calamities and disasters such as the recent earthquakes and Super Typhoon Yolanda."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang mga nabigyan ng parangal mula sa iba’t ibang sektor ay ang mga sumusunod:

Government – Governor Vilma Santos and Congressman Alfred Vargas;

Business – Manny V. Pangilinan, Miguel Belmonte;

Institution – Fr. Anton Pascual of Caritas Manila, Boots Anson Roa (MOWELFUND);

Networks – Mel Tiangco (Kapuso Foundation), Gina Lopez (Bantay Bata Foundation), Menchie Silvestre (Alagang Kapatid Foundation), and Daniel Razon (Kamanggagawa Foundation);

Entertainment – Arnold Clavio, Ricky Reyes, Arnel Ignacio, Ara Mina, Dingdong Dantes, Marian Rivera, Isko Moreno, Diether Ocampo, Aga Muhlach, Robin Padilla, and Angel Locsin.

Sabi ni Angel tungkol sa natanggap na parangal, “Wala ho akong maano… masabi.

“Actually, very speechless sa ganitong kalaking karangalan.

"But then, hindi lang naman ako nag-iisa sa ganito. Ang daming… ang dami diyan.

"Kaya, I don’t know, parang gusto ko lang sigurong i-accept na on behalf sa lahat ng mga nag-volunteer, sa lahat ng mga nag-donate, lahat ng mga aktibong sumusuporta na walang kapalit, especially sa mga panahong kagaya ngayon.”

Dagdag pa niya, “Di ko ho talaga alam kung ano ang sasabihin ko, basta ho ginagawa ko lang naman yung part ko.

“Bilang isang Pilipino na makialam… makialam sa mga… sa kapwa.

“Iyon lang naman yung sa akin, e, pero hindi ko talaga ma-claim na mag-isa.

“Kasi, hindi ko naman ‘to magagawa kung wala naman talaga yung mga sumusuporta sa akin, at saka sa masisipag nating volunteers talaga.”

Pagtatapos pa ni Angel, “And lahat, actually tayong mga Pilipino, dapat bigyan ng award.

“Kasi ang suwerte actually ng government natin, kasi ang mga Pilipino… lahat kumikilos, e.

“Hindi lang tayo ditong mga Pilipino, kundi maging mga kapatid natin sa ibang bansa, di ba, very active sa pagtulong?

“Naramdaman talaga natin ang sort of bayanihan talaga.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN