Malacañang says Manny Pacquiao’s victory will serve as an inspiration to Filipinos

“Ang pagwawagi ni Manny sa labang ito ay nagsisilbing bukal ng lakas at inspirasyon ng buong sambayanan matapos hagupitin ng bagyong Yolanda ang malaking bahagi ng Kabisayaan."—bahagi ng official statement ng Malacañang pagkatapos manalo ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa laban niya sa Amerikanong si Brandon Rios.


Pinapurihan ng Malacañang ang naging tagumpay ng Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao sa laban nito sa Amerikanong si Brandon Rios.

Ginanap ang WBO International Welterweight championship fight ng dalawa ngayong araw, November 24, sa Cotai Arena, Venetian Macao Hotel, sa Macau.

Umabot sa labindalawang rounds ang itinakbo ng laban, pero sa huli ay si Manny ang itinanghal na panalo via unanimous decision.

Inalay ni Pacman ang kanyang panalo sa lahat ng mga bikitma ng super typhoon Yolanda sa Central Visayas.

Nangako rin itong dadalaw sa naturang lugar pagkauwi niya galing sa Macau.

Bago ang laban, sinabi ni Manny na kung kinakailangang matulog pa siya sa isang tent kasama ang mga biktima ay gagawin niya para lang makapagbigay ng inspirasyon sa mga nasalanta ng bagyo.



"NAGSISILBING BUKAL NG LAKAS AT INSPIRASYON…" Kaagad namang nagpahayag ng mensahe ang Malacañang tungkol sa panibagong karangalang hatid ni Manny sa bansa.

Sa pamamagitan ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, sinabi nitong sana ay magsilbing bukal ng lakas at inspirasyon ng sambayanan ang tagumpay na ito ng Pambansang Kamao, lalo na at dumaranas ngayon ang bansa ng isang malaking delubyo.

Narito ang kabuuang pahayag ng Malacañang:

“Nagbubunyi ang sambayanang Pilipino sa panibagong tagumpay ni Congressman Manny Pacquiao sa kaniyang pagwagi ng WBO International Welterweight Belt kontra kay Brandon Rios.

"Sa loob ng 12 rounds, nagpakita ng hindi matatawarang bilis at lakas ang ating Pambansang Kamao upang magapi ang kaniyang kalaban, at muling makamit ang tagumpay sa loob ng ring.

“Ang pagwawagi ni Manny sa labang ito ay nagsisilbing bukal ng lakas at inspirasyon ng buong sambayanan matapos hagupitin ng bagyong Yolanda ang malaking bahagi ng Kabisayaan.

"Nawa’y hindi magbago ang prinsipyong gumagabay sa kanyang bawat laban: na bawat suntok na kaniyang binibitawan ay suntok para sa dangal ng ating lahi.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN