Richard Gutierrez pleads “not guilty” to Reckless Imprudence Resulting in Homicide case against him

“Not guilty” ang sagot ni Richard Gutierrez sa binasa sa kanyang kaso na Reckless Imprudence Resulting in Homicide. Ayon sa abugado ni Richard na si Atty. Marie Glen Abraham, mediation na ang susunod na proseso sa kasong isinampa sa aktor.

Ang kasong ito ay kaugnay ng pagkasawi noong 2009 ni Nomar Pardo, ang personal assistant ni Richard, matapos na naibangga ng aktor ang minamanehong kotse habang binabagtas ang isang kalye sa Tagaytay.


Binasahan ngayong araw, Nobyembre 28, ng kasong "Reckless Imprudence Resulting to Homicide" ang aktor na si Richard Gutierrez.

Ginawa ang pagbasa o arraignment ng kaso sa sala ni Judge Tomas H. Torneros Jr., acting presiding judge ng 2nd Municipal Circuit Trial Court of Silang-Amadeo, sa Silang, Cavite.

Ang arraignment ay ang proseso ng korte kunsaan bibigyan ng pagkakataong sumagot ang kinasuhan ng "guilty" o "not guilty."

"Guilty" kung tinatanggap ng akusado ang pagkakasala.

"Not Guilty" kapag hindi niya tinatanggap ang kasalanang ibinibintang sa kanya.

Ang kaso ni Richard, 29 na taong gulang, ay kaugnay ng pagkamatay ng personal assistant niyang si Nomar Pardo noong Mayo 22, 2009.

Mahigit apat na taon na ang nakakalipas nang sumalpok ang minamaneho ni Richard na Nissan GT-R sedan sa isang poste ng PLDT at tatlong puno ng niyog sa Sta. Rosa, Tagaytay Road.

Si Pardo, na kasama sa sasakyan, ay binawian ng buhay sa aksidente. Si Pardo ay 42 taong gulang noon, may asawa at dalawang maliliit pang anak.

Read: Cavite chief prosecutor charges Richard Gutierrez with death of Nomar Pardo

Dapat sana’y nagkaroon ng arraignment ang kaso noon pang Oktubre 3, 2013.

Ngunit umapela ang mga abugado ni Richard, sa pangunguna ni Attorney Marie Glen Abraham, na ilipat ang petsa ng arraignment dahil nasa U.S. pa ang aktor nung mga panahong yun.

Katuwiran ni Atty. Abraham, matagal nang naka-iskedyul ang pag-alis ni Richard patungong Amerika at may plane tickets na raw, bago pa man dumating ang schedule na ibinigay ng korte para sa arraignment.

Read: Richard Gutierrez’s arraignment for Reckless Imprudence Resulting in Homicide moved to November 28

DELAY IN HEARING THE CASE. Halos mahigit isang oras mula sa nakatakdang umpisa na 1:30 ng hapon bago nagsimula ang pagdinig ng iba’t ibang criminal cases sa sala ni Judge Torneros.

Galing si Deputy Provincial Prosecutor Rosa Elmina Catacutan-Villarin sa luncheon meeting ng mga piskal sa Dasmariñas, Cavite, kaya naantala ang pagbasa sa nakapilang 51 iba’t ibang kaso sa nabanggit na korte.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Inuna nang basahin at desisyunan ang mga nakahaing Affidavit of Desistance, o mga affidavit sa mga hindi na ipagpapatuloy na mga kaso.

Pang-21 sa mga diringgin ang kaso ng aktor.

Ayon sa court interpreter na si Warren Gil O. Vedar, nagdesisyon si Judge Torneros na unahin na ang pagdinig ng kaso ni Richard.

Isinaalang-alang daw ng korte ang paghihintay ng media at ang patuloy na paglaki ng bilang ng mga taong dumarating para sa pagdinig ng kani-kanilang kaso.

Naunang dumating sa korte ang mga abugado ni Richard, na pinangungunahan ni Atty. Marie Glen Abraham.

Kasunod na dumating ang biyuda ni Nomar na si Lorayne Pardo at ang abugado nitong si Atty. J. Ricardo H. Moreño.

Pumasok si Richard sa sala ni Judge Torneros, kasama ang ina at manager na si Annabelle Rama, nang dumating na si Fiscal Catacutan-Villarin at mag-umpisang magbasa ng mga Affidavit of Desistance ng iba pang kaso.

Nang magsimula na ang pagdinig para sa mga arraignment, inuna na nga ang kay Richard.

Pagkatapos nito ay agad nagpakilala ang mga abugado ng magkabilang panig.

Pero bago simulan ang pagbasa, humiling muna si Atty. Abraham na lumabas ng korte ang mga miyembro ng media.

Agad namang tumalima ang writer ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ang field reporter ng GMA News na si Aubrey Carampel, pati na rin ang mga kasama nitong cameramen.

“NOT GUILTY.” Matapos ang closed-door hearing ng kaso ni Richard, hindi na ito nagpaunlak ng interview.

Ganun din ang ginawa nina Atty. Moreño at Lorayne.

Tanging si Atty. Abraham na lamang ang nagsalita para sa kanyang kliyente.

“This is the arraignment of my client, Richard Gutierrez, and the information was read to him in a language known to him and he pleaded not guilty,” simula ni Atty. Abraham sa panayam sa kanya ng PEP at GMA News pagkatapos ng pagdinig.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag niya, “So, the next process is that the case will be referred to the Philippine Mediation Center.

"So, they will address the possibility of settling the case.

"That’s the purpose of mediation for the civil aspect of the case.”

Ayon pa kay Atty. Abraham, sa Pebrero 9, 2014, ang susunod na paghaharap ng dalawang panig para sa mediation.

“Both parties will attend at the Philippine Mediation Center at Tagaytay, and let’s see what will gonna happen to the parties, if they can settle the civil aspect of the case.”

Kung magkaayos daw ang dalawang partido sa civil aspect ng kaso, damay na rin ang criminal aspect nito.

Paliwanag ni Atty. Abraham, “Yung procedure kasi, for example, magkaayos sila sa mediation, even the criminal aspect will likewise be dismissed.

“The complainant will also execute an Affidavit of Desistance for the dismissal of the criminal aspect of the case.

“So, let’s see on February if the parties will be able to exhaust the possibility of settlement.”

Sa panig naman ni Lorayne, na kaagad umalis pagkatapos ng hearing, hiningan ng statement ng PEP ang abugado nitong si Atty. Moreño.

Sabi ni Atty. Moreño, sa pamamagitan ng text message: “We’re preparing a written statement. Will give you once it’s finished. Thanks.”

“ITANONG NIYO KAY JOLLIBEE.” Samantala, naibahagi naman ng cameramen ng GMA News ang malamig na pakikitungo ni Richard sa nagko-cover na media.

Hindi raw nagsalita ang dating Kapuso actor nang hingan ng pahayag.

At nang makitang kinukunan siya ng TV crew ay nagkamot daw ito sa gilid ng ulo gamit ang gitnang daliri nito.

Nang matapos na ang arraignment at hingan muli ng pahayag si Richard, ang tila-iritableng sagot diumano ng aktor: “Itanong niyo kay Jollibee.”

At saka sumakay sa naghihintay na itim na Savana van, kasama ang kanyang ina, isang alalay, at isang bodyguard.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN