Dingdong Dantes and Marian Rivera trying "to be the best for each other"

Pagkatapos ng dalawang magkasunod na taon na may entry siya sa MMFF, magpapahinga muna si Dingdong Dantes mula sa taunang film festival. Sabi niya, “So for now, para maiba, ako… ako ang magiging isang audience. Isa akong fan. Fan mode ako ngayon!”


Laging fresh at happy ang aura ni Dingdong Dantes ngayon.

Ito ay sa kabila ng pagiging abala niya sa trabaho at sa isinasagawang relief operations ng kanyang Yes Pinoy Foundation sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Pag-amin ng 33-year-old actor, “Stressful talaga siya... stressful.

"Mahirap. Kailangan lang balansehin.”

And how does he manage to balance everyting?

“Tulog po talaga, proper sleep.

“At saka proper eating. And proper people around you.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dingdong sa pre-Christmas party ng PPL Entertainment Inc. para sa press noong Lunes, December 2.

PERFECT COUPLE? Siyempre, malaking factor din ang inspirasyon at kaligayahang ibinibigay ng kanyang girlfriend na si Marian Rivera.

“Malaking bagay iyon, siyempre," pagsang-ayon ni Dingdong.

"At saka sa lahat ng mga mahal natin sa buhay.

“Siyempre, at the end of the day, para saan ba natin ginagawa ang lahat ng ito kundi para sa lahat ng mahal natin sa buhay?

“She [Marian] inspires me a lot. So, that’s good.”

Ang tingin nga ng marami sa kanila ni Marian ay "perfect couple." Pero kinontra agad ito ni Dingdong.

Aniya, “Alam naman nating walang perpekto.

"Pero siyempre, we try to be the best for each other.”

Inspirational couple sila ni Marian sa paningin ng iba, sang-ayon ba si Dingdong dito?

“Sana po... sana po.

“Again, wala pong perpekto. Pero, tao din lang po.”

WISH. May kahilingan pa ba si Dingdong para sa kanilang dalawa ni Marian sa pagtatapos ng taong 2013?

“I think parang, for a change, we do not want to wish for ourselves, e.

“Gusto naming mag-wish na everything would just go back to normal and even get better for everybody, especially para sa mga nasalanta.

“Maraming nangyari, hindi lang bagyo kundi yung lindol din. Patung-patong na lahat.

“We just hope that we can just… puwede kaming magbigay ng kakaibang good vibes and energy sa mundo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Na sana makatulong ‘yon sa pagdadala ng mga ngiti sa mukha ng mga taong mas nangangailangan.”

May plano ba silang magbakasyon ni Marian ngayong holiday season?

“Maaari, puwede pa rin naman.

“Pero siyempre, hindi na yung magarbo. At sa malapit lang siguro,” sabi ni Dingdong.

AWARD-WINNING COUPLE. Ikinatutuwa rin ni Dingdong ang pagkapanalo ni Marian bilang Best Drama Actress sa 27th PMPC Star Awards for Television.

Nanalo si Marian para sa pagganap niya sa GMA primetime series na Temptation of Wife.

Ito na ang ikalawang acting award ni Marian.

Ang una ay mula sa Golden Screen TV Awards ng Entertainment Press Society, ngayon ding 2013, bilang Best Actress para sa epic-seryeng Amaya.

Bukod dito ay nominado rin si Marian bilang Best Actress sa Asian Television Awards para sa Temptation of Wife.

Biro tuloy ng PEP at iba pang miyembro ng media kay Dingdong, “magka-level” na sila ni Marian dahil pareho na silang award-winning.

Si Dingdong ay may dalawa nang Metro Manila Film Festival Best Actor trophies, para sa Segunda Mano (2011) at One More Try (2012).

Isang Star Awards for TV Best Actor trophy para sa Stairway To Heaven (2011), at isang Gawad Tanglaw Best Actor award para sa One More Try (2012).

Sabi ni Dingdong tungkol kay Marian, “I’m so proud of her. I’m really so proud.”

Agree ba siya na pantay na ang level nila ngayon ni Marian bilang mga premyadong artista?

“Oo, masayang-masaya ako.

“Alam mo, siyempre magandang reward ‘yan sa artista, e.

“So, kahit sabihin mong hindi naman priority ng artista ang magka-award, pero kapag nagkaroon ka na nun, kakaibang feeling na ‘yon—it’s an assurance.”



GENESIS. Samantala, may ilang negatibong sinasabi ngayon sa primetime series na pinagbibidahan ni Dingdong sa GMA, ang Genesis.

Ang Genesis ay tumatalakay sa katapusan ng mundo.

Mula raw nang magsimula itong umere ay dalawang magkasunod na kalamidad ang nangyari sa Pilipinas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Una ay ang malakas na lindol sa Bohol at Cebu noong October 15. Sinundan ito ng super typhoon sa central Visayas noong November 8.

Sabi ni Dingdong tungkol dito, “Nagkataon talaga.

“Kung kailan lumindol sa Bohol, the same din… iyon ang episode na ipinalabas namin.

“Tapos nung bagyong Yolanda, iyon naman ang episode na may tsunami.

“So parang… nagkataon talaga. Wala namang may gusto nun.

“Nung na-conceptualize ng GMA ‘yon, they did it with a clear intention of being entertaining.

“But you know, sa mga panahon na nangyayari, nagkataon na sumabay.

“Walang may gusto, di ba?

“So siyempre, more than that naman, yung core ng show, iyon ang pinanghahawakan namin—which is to give hope.

“At hindi namin bibitawan ‘yon.

“Just as planned, yung ending niya, e… mas pagagandahin na lang namin at ililihis na namin dun sa orihinal na intensiyon kung ano dapat ‘yon.”

WHAT’S NEXT FOR DINGDONG? May kasunod na bang proyekto para sa kanya ang GMA pagkatapos ng Genesis?

Sagot ng actor-TV host, “Meron. In fact, ilu-launch siya also this year—by the end of December.

“Wala pa akong alam sa detalye nito. Kanina lang sinabi sa akin.”

Movie, mayroon na rin bang naka-lineup para sa kanya?

“Wala pa.

“Pero kakatapos lang naming makipag-meeting kay Direk Erik Matti at saka kay Dondon Monteverde.

“We’re planning projects for next year.”

Sina Direk Erik at Dondon ang co-producers ni Dingdong sa pelikulang Tiktik: The Aswang Chronicles (2012).

May balak din ba siyang mag-produce muli?

“Next year din po. Yung isa, sequel ng Tiktik: The Aswang Chronicles.”

MISSING MMFF. Dalawang magkasunod na taon, 2011 at 2012, na may entry si Dingdong sa Metro Manila Film Festival (MMFF).

Dalawang beses din siyang nanalong Best Actor para sa pagganap niya sa Segunda Mano at One More Try.

Ngunit ngayong 2013 ay magpapahinga muna ang Kapuso actor sa pagsali sa taunang film festival.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi niya ba nami-miss ang MMFF?

“Nami-miss, sobra!” bulalas ng Kapuso actor.

“Pero nakakatuwa rin naman yung pakiramdam na, after two years, e, medyo I’ll take a step back.

"And makikita ko, maa-appreciate ko na nakakaaliw yung mga movies na nasa lineup.

“Ang ganda ng lineup. Kita mo, very entertaining lahat, di ba?

“May action, may drama, may comedy, may horror.

“Di ba? Parang ang gandang tingnan, e.

“So for now, para maiba, ako… ako ang magiging isang audience. Isa akong fan.

“Fan mode ako ngayon!” sabay tawa ni Dingdong.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN