MTRCB sanctions Arnold Clavio of Unang Hirit

Noong Miyerkules, December 4, naglabas na ng desisyon ang censors board kaugnay sa imbestigasyon nito sa kontrobersyal na interbyu ni Arnold Clavio sa Unang Hirit kay Atty. Alfredo Villamor, ang abogado ni Janet Lim Napoles. December 5 naman nang ipinost ito ng MTRCB sa kanilang official Twitter account na @MTRCBgov.


Pinatawan ng dalawampung libong pisong multa ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang morning show ng GMA-7 na Unang Hirit.

Ito ay kaugnay sa November 5 episode ng show, kung saan maraming manonood ang hindi natuwa sa naging panayam ni Arnold Clavio sa abugado ni Janet Lim-Napoles na si Atty. Alfredo Villamor.

Binatikos ng mga manonood ang beteranong brodkaster dahil lumampas daw ito sa asal at limitasyon ng isang mamahayag. Sa huling bahagi ng panayam ay nabanggit pa ni Arnold na nasira ang araw niya dahil sa mga naging kasagutan ni Atty. Villamor.

Watch: Arnold Clavio interview gets mixed reactions from netizens

Matatandaan na sa naturang panayam ay sinikap ni Arnold na makakuha ng detalye sa nakatakda noong pagsipot ng kanyang kliyente sa senado kaugnay sa P10B pork-barrel scam.

Pero walang maibigay na detalye si Atty. Villamor dahil hindi daw niya saklaw ang kaso ng scam. Paliwanag ng abogado, hawak lamang niya ang illegal detention case na isinampa naman ni Benhur Luy laban kay Napoles.

Naging viral ang panayam kay Atty. Villamor, kaya naman sa November 7 episode ng show, humingi ng paumanhin si Arnold sa mga manonood ng Unang Hirit.

Ngunit kontra sa inaasahan ng marami, hindi tuwirang humingi ang GMA TV host ng paumanhin sa abugado.

Watch: Arnold Clavio admits stepping beyond limitation in Atty. Villamor interview

Noong araw ding yun, nagpadala ng summons ang MTRCB sa mga namumuno at ilan pang personalidad ng Unang Hirit para sa isang "remedial and best practices conference." Naganap ito noong November 11.

GRAVE AND SERIOUS ADMONITION.” Noong Miyerkules, December 4, naglabas na ng desisyon ang censors board kaugnay sa imbestigasyon nito.

December 5 naman nang ipinost ito ng MTRCB sa kanilang official Twitter account na @MTRCBgov.

Bukod sa P20,000 fine, binigyan din ng MTRCB si Arnold, ang Unang Hirit, at ang staff nito ng “grave and serious admonition.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paalala ng MTRCB sa grupo: “... remember and take to heart, that under the Code of Professional Responsibility, a lawyer is prohibited from making public statements in the media regarding a pending case tending to arouse public opinion for or against a party, and directly or indirectly, to encroach upon the professional employment of another lawyer.”

PUBLIC APOLOGY. Kaugnay pa rin sa naging resulta ng imbestigasyon ng Ad Hoc Committee ng MTRCB, iniutos ng board na maglabas ng public statement ang Unang Hirit, lalung-lalo na si Arnold, nang tatlong magkasunod na araw pagkatanggap nila ng order.

Bukod dito, kailangan daw idagdag ng morning show sa bandang dulo ng public statement ang mga sumusunod na salita:

“The program likewise offers its apologies to Atty. Alfredo Villamor in particular, the public in general, and especially to all the members of the legal profession who may have been offended by the words and actions of Mr. Arnold Clavio.”

SEMINAR ON MEDIA AND THE LEGAL PROFESSION. Bukod sa mga naunang sanctions ng MTRCB sa Unang Hirit at kay Arnold, sasailalim din sa isang buwang “close collaboration” ang programa sa kanilang ahensiya.

Ayon sa MTRCB, ito raw ay upang matutukang mabuti kung maayos bang naipapatupad ng Unang Hirit ang kanilang self-regulatory measures para mapanatili ang pagiging child-sensitive at youth-friendly ng programming nito.

Ipinaubaya na rin ng ahensiya sa GMA management kung ano ang magiging “internal sanction” nila sa mamamahayag, na mas kilala sa tawag na “Igan.”

Bukod pa rito, sasailalim din sa dalawang araw na mandatory seminar on media and the legal profession ang mga ehekutibo ng istasyon, executive producer, writer, director, at mga hosts ng programa, kasama na si Arnold.

Gagawin ito sa conference room ng MTRCB sa darating na December 10 at 11, mula 7:30 hanggang 10:30 ng umaga, na pamumunuan ni MTRCB chair Atty. Toto Villareal.

Si MTRCB Chairman Villareal ay naging propesor ng abogasiya sa Ateneo Law School bago nito pamunuan ang ahensiya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pirmado nina MTRCB board members Noel del Prado, Ma. Carmen Musngi, at Jose Romero IV ang naturang kautusan.

Bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa maaaring pahayag nina Arnold, ng GMA Network, at ng Unang Hirit staff sa isyu.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN