Jolina Magdangal enjoys her stress-free pregnancy: “Parang ang sarap palang magbuntis!”

Seven-months pregnant Jolina Magdangal (with husband Mark Escueta) talks about her more stable physical condition: “Akala ko noong una, hindi ko kakayanin. Akala ko mahihirapan ako sa pag-conceive and eventually sa paglaki ng tiyan. Pero, heto at seven months na akong buntis, hindi ako nakakaranas ng anumang hirap. Parang ang sarap palang magbuntis!”


Seven months nang buntis si Jolina Magdangal-Escueta, at kitang-kitang masayang-masaya ito at hindi na nahihirapan sa kanyang pagdadalantao.

Ang expected due date ng panganay nila ng mister na si Mark Escueta ay February 20. Isang baby boy ang anak nila, na hinahapan pa nila ng magandang pangalan.

“Wala pa kaming napipili ni Mark na name pero may listahan na kami.

“Gusto kasi namin yung unique pero Pinoy ang dating.

“Siguro darating naman ‘yan kapag nailuwal ko na siya. Bigla na lang siguro mag-pop out yung name na ibibigay ni Lord sa aming baby,” sabi ni Jolina.

Nakapanayam ang actress/singer ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Christmas party ng PPL Entertainment noong December 2, sa Casa Filipino Restaurant sa Quezon City.

Hanggang ngayon draw ay hindi makapaniwala si Jolina na magiging isang nanay na siya.

Noon daw kasi ay iniisip lang niya kung ano ang pakiramdam ng isang buntis, kung ano ang magiging hitsura niya, at kung kakayanin ba niya ito.

“Akala ko noong una hindi ko kakayanin.

“Akala ko mahihirapan ako sa pag-conceive and eventually sa paglaki ng tiyan.

“Pero, heto at seven months na akong buntis, hindi ako nakakaranas ng anumang hirap.

“Parang ang sarap palang magbuntis!” sabay tawa pa niya.

PHYSICAL CHANGES. Dahil lalaki nga ang pinagbubuntis ni Jolens (palayaw ni Jolina), marami ang nagsasabing baka umitim ang kanyang leeg at kili-kili, gaya ng karaniwang paniwala sa pamahiin.

Pero sinabi ni Jolens na wala namang ganoong nangyayari sa katawan niya.

“Yun nga ang inaabangan ko, e. Yung pag-itim ng leeg at kili-kili ko! E, wala namang nangyayari. Two months na lang, pero maputi pa rin naman sila!” tawa pa niya.

“’Tapos, sabi pa ng iba na kapag lalaki raw ang pinagbubuntis, matulis daw ang tiyan.

“E, hindi naman matulis ang tiyan ko. Marami nga ang hindi makapaniwala na seven months na ako. Kasi nga maliit ang tiyan ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tapos sabi pa nila na kapag buntis, naiinitan, kaya may mga buntis na nagpapagupit ng mga buhok nila.

“Wala naman akong napi-feel na ganyan. Heto at long hair pa ako.

“Kaya iba-iba ang mga paniniwala at mga experiences ng mga buntis. Siguro, suwerte ko lang na hindi ko naranasan ang mga ganoon.

“Ang dasal ko naman at ni Mark na isang healthy baby boy ang ibigay sa amin ni Lord.”

FIRST TRIMESTER BLUES. Kinuwento ni Jolens na sa first trimester ng kanyang pagbubuntis ay kinailangan niyang mag-bed rest dahil nag-spotting daw siya ng ilang beses.

Kaya nga biglang nagpahinga si Jolens ng ilang buwan para lumakas ang kapit ng kanyang baby.

“Kaya nga ako nawala noong ginagawa ko ang teleserye na Mundo Mo’y Akin. Kasi nag-spotting ako, kaya sobra akong natakot.

“In-advise naman ako ng doctor ko na magpahinga for one month until kumapit nang husto yung baby.

“Hindi nga ako puwedeng tumayo that time except mag-banyo. Muntik na nga akong mag-bed pan na lang dahil, noong minsang tumayo ako, nag-spotting ako.

“Pero minsan lang nangyari iyon kaya nakakatayo ako, pero saglit lang. Kaya most of the time, nakahiga lang ako.

“Bored na bored ako noong mga panahon na iyon at sumasakit na ang likod ko sa kakahiga.

“Pero wala akong choice talaga. Kailangan sundin ko ang mga sinabi ni doc at nangako naman ako na aalagaan ko nang husto si baby.

“Pero noong um-okey na at puwede na akong tumayo at maglakad, naging maingat pa rin ako.

“Kaya nakiusap ako sa GMA-7 na kung puwede wala munang teleserye at Sunday All Stars na lang.

“Pero kahit na rin sa SAS, hindi ako masyado rin lumalabas, kasi mas gusto kong relax lang ako at hindi ako nase-stress,” detalye pa niyang kuwento.

STAYING PUT FOR THE HOLIDAYS. Bawal na ring magbiyahe si Jolens dahil sa kanyang kalagayan. Kaya sa New Year ay hindi siya makakasama sa gig ng kanyang mister sa Singapore.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi pa niya, “May New Year show na gagawin ang Rivermaya sa Singapore. Yun nga lang, hindi ako makakasama dahil bawal na akong sumakay ng eroplano.

“Okey lang naman kasi gusto namin na maayos si Baby sa loob ng tiyan ko at walang mangyayaring masama sa kanya.”

Sa araw ng panganganak ni Jolens, puwede siya sa normal delivery.

Tsinek daw ng kanyang doctor kung kakayanin ng kanyang katawan ang normal delivery.

“Akala ko nga CS [caesarean section] delivery dahil sa size ng katawan ko. Pero sabi naman ni doc na kaya ko ang normal delivery.

“Okey lang din naman kung ma-CS man ako. Hinahanda ko naman ang sarili ko sa anumang possibilities.

“What’s important ay lumabas na healthy ang aming baby,” diin niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN