President Noynoy Aquino orders investigation on Tony Leviste’s parole grant; Leviste looking forward to life after imprisonment

President Benigno "Noynoy" Aquino III on Jose Antonio "Tony" Leviste’s parole grant: "Paano magiging good conduct iyong nasa labas ng piitan habang nagse-serve ng sentence? So, hindi ko maintindihan kung bakit mako-consider man lang."


“Hindi ko maintindihan kung bakit napalaya ang isang taong nakapiit na ay hindi pa rin sumusunod sa batas.”

Ito ang pahayag ni President Benigno “Noynoy” Aquino III tungkol sa pagkakagawad ng parole kay dating Batangas Governor Jose Antonio "Tony" Leviste.

Matatandaang sinampahan ng kasong murder si Leviste dahil sa pagpatay sa kaibigan at tauhan nitong si Rafael delas Alas noong January 12, 2007.

Nakulong ang dating gobernador simula noong January 26, 2009, habang dinidinig ang kaso.

Noong May 29, 2010, hinatulan siya ng "Guilty" ng Makati Regional Trial Court para sa mas mababang kaso na homicide.

Ito ay matapos napatunayang hindi premeditated ang ginawang pagbaril ni Leviste kay Delas Alas.

Naparusahan si Leviste ng minimum sentence na anim na taon hanggang maximum sentence na labindalawang taong pagkakakulong para sa kasong homicide.

PAROLE GRANT. Ngunit inaprubahan ng Board of Pardon and Parole ang parole application ni Leviste noong ika-19 ng Nobyembre nitong taon.

Ang New Bilibid Prison (NBP), kung saan nakulong si Leviste, ang siyang nag-release ng mga dokumento kaugnay ng paglaya niya noong December 5.

Sanhi nito, lumalabas na mas mababa kaysa minimum sentence na anim na taon ang tagal ng pagkakakulong kay Leviste.

“The board granted his parole after he served his minimum sentence and in consideration of his age, 73," saad ni NBP Superintendent Venancio Tesoro sa panayam ng GMA News online noong December 6.

Paliwanag pa ni Tesoro, mas napaiksi ang sentensiya kay Leviste dahil sa nakamit nitong “good conduct time allowance.”

Ibig sabihin, hindi kinakitaan ng “derogatory conduct and record” ang dating gobernador base sa karampatang rules ang regulations ng NBP.

Iginiit din ni Tesoro na ang bilang ng tagal ng pagkakakulong ni Leviste ay “simula January 2009.”

Noong Biyernes, December 6, nakalabas si Leviste mula sa kulungan, dahil ito ang araw na available ang kanyang pamilya na sumundo sa kanya.

PNOY QUESTIONS LEVISTE’S “GOOD CONDUCT.” Sa kabila nito, hindi kumbinsido si Pangulong Noynoy Aquino sa ginawang pag-apruba ng Board of Pardon and Parole sa parole application ni Leviste.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kinuwestiyon ng Pangulo ang nangyaring insidente kung saan diumano’y nakatakas mula sa pagkakapiit si Leviste dalawang taon na ang nakararaan.

“Paano magiging good conduct iyong nasa labas ng piitan habang nagse-serve ng sentence?

“So, hindi ko maintindihan kung bakit mako-consider man lang,” saad ni PNoy hinggil sa isyu.

Nakapanayam si PNoy ng GMA News Online at ibang reporters sa anniversary celebration ng Department of Labor and Employment, noong December 9.

Pinaiimbestigahan din ni PNoy ang Board of Pardon and Parole kaugnay ng pagpapalaya ng ahensiya kay Leviste.

“Pinahanap ko na rin, meron bang sanctions puwede doon sa Board of Pardons and Parole.

“Ni-review ko na rin paano ba naa-appoint diyan sa Board of Pardons and Parole.

“Ni-review iyong buong system para hindi mangyari uli itong ganito."

Sa kabilang banda, nakarating kay PNoy ang paninindigan ng Board of Pardon and Parole na dumaan umano sa tamang proseso at naaayon sa batas ang ginawang pag-apruba sa parole application ni Leviste.

Sabi ng Pangulo tungkol dito, “Ganunpaman... sabihin na nating may letter of the law na nasunod; merong tinatawag na spirit of the law at iyon ang gusto kong mai-review nang husto."

Sa ngayon, hindi pa raw masagot ni PNoy kung posibleng bawiin niya ang iginawad na parole kay Leviste.

Aniya, “So, medyo hirap akong magkomentaryo pa dito dahil nga pinaaral ko nang masusi lahat nung anggulo na mag-review nitong incident na ito.”



LEVISTE’S “ESCAPE” FROM PRISON IN 2011. Matatandaang lumikha ng malaking kontrobersiya si Leviste nang mamataan siya sa kanyang opisina sa Makati noong May 2011.

Ito ang parehong lugar kung saan nabaril ng dating gobernador ang yumaong si Delas Alas.

Sanhi ng diumano’y pagtakas niya mula sa kulungan, sinampahan ng evasion of service of sentence si Leviste.

Muli siyang naaresto at ikinulong sa maximum security facility ng New Bilibid Prison.

Ngunit napawalang-sala si Leviste ng Metropolitan Trial Court sa Makati, kaugnay ng naturang kaso.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon pa sa panayam ng GMA News Online kay dating NBP Assistant Director Teodora Diaz, bago pa naganap ang May 2011 incident, apat na beses nang nakalabas ng NBP compound si Leviste.

Tatlo sa mga ito ay dumaan pa umano ang dating gobernador sa mismong main gate ng NBP.

Ito ay sa kadahilanang mayroong “sleep out” na pribilehiyo si Leviste, na kadalasang ina-award sa mga preso na may edad na 65 taong gulang pataas.

Seventy-one years old si Leviste noong naganap ang insidente kung saan namataan siya sa kanyang opisina sa Makati.

Bunsod nito, inimbestigahan ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ang pamamalakad ng NBP, partikular na sa “sleeping out” prisoners tulad ni Leviste.

Napag-alaman ng DOJ at NBI na mayroong pagkakataong pinayagan si Leviste na makalabas ng NBP compound, upang magpa-dental check-up sa Makati noong 2010.

Bukod dito, isa umano si Leviste sa dalawa o tatlong inmates na nabigyan ng pribilehiyong magtayo ng sariling kubol sa isang designated area sa loob ng NBP compound.

Nilinaw naman ni Superintendent Tesoro na tinanggal umano ang mga naturang pribilehiyo ni Leviste mula nang makasuhan siya ng evasion of service of sentence noong 2011.

Nanatili raw ang dating gobernador sa maximum detention facility hanggang sa makalaya siya noong December 6.



LIFE AFTER PRISON. Samanta, ayon sa karagdagang ulat ng GMA News Online kahapon, December 9, inihayag ni Leviste na nirerespeto niya ang utos ni PNoy na imbestigahan ang iginawad na parole sa kanya ng Board of Pardons and Parole.

Ganunpaman, sinabi rin ni Leviste na ang prayoridad niya ngayon ay ang pagpapa-medical check-up at siguraduhing maayos ang kanyang kalusugan.

Balak din daw ng dating gobernador ng maglunsad ng tree planting project at tulungan ang iba pa niyang inmates na qualified nang mag-apply ng parole.

Nanungkulan si Leviste bilang gobernador ng Batangas mula 1972 hanggang 1980.

Si Leviste ay ang dating asawa ni Senator Loren Legarda.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagpakasal sila noong 1989, ngunit nagdesisyon silang maghiwalay noong 2003.

Opisyal na na-annul ang kanilang kasal noong 2008.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN