DILG Secretary Mar Roxas refutes allegations of Tacloban Mayor Alfred Romualdez: "Baka may post-traumatic stress disorder siya."

Nilinaw ni DILG Secretary Mar Roxas (kanan) ang naging takbo ng usapan nila ni Tacloban Mayor Alfred Romualdez (kaliwa) noong November 14, kung saan binanggit niya ang pagiging Romualdez ng alkalde at pagiging Aquino ng Pangulo.

Pahayag ni Roxas: “Ang ibig sabihin dun, kami ang national government. Dapat maingat, kasi Romualdez siya. Baka mapulitika ito. Iniiwasan natin ang pulitika


May dalawang version ang videos na naka-upload kahapon, December 10, sa video-sharing website na YouTube, na nagresulta sa sari-saring interpretasyon ng netizens tungkol sa pulong nina Department of Interior and Local Government Secretary (DILG) Mar Roxas at Tacloban City Mayor Alfred Romualdez.

Naganap ang naturang pagpupulong noong November 14, anim na araw pagkatapos manalasa ng bagyong Yolanda sa central Visayas.

Unang na-upload ang maiksing version na umabot lamang sa 18 seconds.

Nakasaad dito ang sinabi ni Secretary Roxas kay Mayor Romualdez na: “You have to understand you are a Romualdez and the President is an Aquino. So we just want to legalize this. If it’s not legalized, then okay, you’re in charge…”

In-upload ang video na ito ng isang "Josemari Gonzales."

Ngunit hindi malinaw kung ito ay account ng ama ng asawa ni Mayor Romualdez na si Cristina Gonzales—ang dating Sampaguita Pictures actor na si Jose Mari.

Ang pangalawang video naman ay umabot sa halos 43 minutes.

Kung susuriing mabuti, nasa bandang 5 minutes and 50 seconds ang bahagi ng na-upload sa maiksing edited version.

Pero magkaiba ang dulo ng parehong usapan.

Pahayag dito ni Secretary Roxas: “You have to understand you are a Romualdez and the President is an Aquino. He has to be very careful.

"The national government… we have to be very careful just taking over because the President does not want to be misconstrued.”

Ang nag-upload nito sa YouTube ay may username na "Cito Beltran." Hindi rin kumpirmado kung account ba ito ng kolumnistang si Cito Beltran.

Marahil, ang ibig sabihin ni Secretary Roxas sa pahayag niyang ito ay ayaw niyang mabahiran ng pulitika ang gagawing pag-ayuda ng gobyerno dahil batid ng lahat na mortal na magkalaban sa pulitika ang pamilya Aquino at pamilya Romualdez.

Tiyahin ni Mayor Romualdez ang dating Unang Ginang at ngayo’y Ilocos Norte Representative Imelda Romualdez Marcos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong kapanahunan ni dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos, asawa ni Imelda, mahigpit nitong kalaban sa pulitika ang yumaong ama ni Pangulong Noynoy Aquino na si former Senator Benigno "Ninoy" Aquino Jr.

Nang mapaslang si Ninoy noong 1983, ang asawa nitong si Corazon "Cory" Aquino ang nagpatuloy sa naudlot na hangarin nitong matigil ang diktadurya sa bansa.

Noong 1986, tumakbo si Cory sa isang snap election laban kay Marcos ngunit natalo ito.

Dahil sa diumano’y tahasang pandaraya, nagkaroon ng malawakang protesta na nagbunsod sa makasaysayang Edsa People Power.

Naging daan ito upang sapilitang umalis sa puwesto ang pamilya Marcos pagkatapos ng dalawmpung taong panunungkulan.

February 25, 1986 nang manumpa si Cory bilang kauna-unahang babaeng Presidente sa Pilipinas at Asya.



ROMUALDEZ BREAKS DOWN. Sa ulat ng InterAksyon ng TV5 noong Lunes, December 9, naiyak si Mayor Romualdez sa pagdinig ng congressional oversight committee on the Philippine Risk Reduction and Management Act of 2010.

Ito ay dahil diumano sa pamumulitika nina Pangulong Aquino at Secretary Roxas, sa halip na pagbigyan daw ang kanyang hiling na tulungan siya sa kanyang nasasakupan matapos itong salantain ng super-typhoon Yolanda.

Saad pa ni Mayor Romualdez: “I could not understand why I could not get help from the national government, tinanggal pa ang chief of police.

“I was begging for help, I was willing to give in to anything.

"We were recovering 60 to 80 bodies a day—even until today—and I wanted additional help for that from the very beginning and we kept begging for more help.

"In fact, I even asked the President the second time we met.”

Isa sa labis na nasalanta ng bagyong Yolanda ang Tacloban na humagupit sa bansa noong November 8.

Sa panayam sa Pangulo noon, sinabi nitong mukhang hindi preparado ang pamahalaang lokal ng Tacloban sa pagdating ng super typhoon.

Paniwala ng marami, isa itong batikos ng Pangulo sa punong lungsod.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa kabilang banda, umani ng kritisismo ang national government dahil diumano sa mabagal ng pagresponde nito sa mga lugar na nasalanta.

Isang linggo daw matapos ang bagyo, lalong tumaas ang bilang ng mga namatay sa Tacloban.

Sa kasalukuyan, halos 6,000 katao na ang naitalang namatay dahil sa bagyong Yolanda.

Sa pulong noong November 14, laking gulat daw ni Mayor Romualdez nang hingan siya ni Secretary Roxas ng ordinansa na magpapahintulot sa national government na magsagawa ng relief and rescue operations sa Tacloban.

Paraan na rin daw ito upang maging legal ang naturang hakbang ng gobyerno.

Noong tinanong ni Mayor Romualdez kung bakit, ang tugon daw ni Secretary Roxas: “Well, this is the gray area, that the national government is coming here and doing all these.”

Tugon naman dito ni Romualdez: “Why is it illegal? As far as I know, the President is the President of the Philippines and he’s also the President of Tacloban City.

"I don’t see anywhere in the law that says you need an ordinance from me for you to come in and do what you’re doing."

Ang tugon diumano ni Roxas: “You have to remember, we have to be very careful because you are a Romualdez and the President is an Aquino."



ROXAS DEMANDED ROMUALDEZ’S RESIGNATION? Noong kasagsagan ng recovery efforts sa Visayas, lumutang din ang usap-usapang tinangka diumano ni Secretary Roxas na gumawa ng hakbang upang lisanin ni Mayor Romualdez ang kanyang puwesto.

Kasunod nito, nagdaos ng magkasunod na presscon ang asawa ni Mayor Romualdez na si Cristina Gonzales, na konsehal din sa Tacloban.

Pinabulaanan ni Cristina ang mga lumabas na isyung hindi raw mahagilap ng kanilang mga kababayan ang punong lungsod noong kasagsagan ng pananalasa ni Yolanda.

Sa pagdinig noong Lunes, muling nilinaw ni Mayor Romualdez ang tungkol sa balitang pinagpaliban siya sa kanyang puwesto ni Secretary Roxas bilang alkalde.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi niya, hiningan daw siya ng sulat ni Secretary Roxas na magsasaad na hindi na niya kayang gawin ang kanyang tungkulin bilang mayor.

Pero hindi raw niya ito ginawa dahil sabi daw ng kanyang abugado, “Do not write that letter as it may be deemed, you may be deemed as resigning.”

Pero mariin itong pinabulaanan ng DILG secretary.

Sabi ni Mayor Romualdez, noong mga panahong yun ay parang nahikayat na siyang gumawa ng sulat.

Saad niya, “I was willing to give in to anything as long as I get the help for my people because we were practically begging already.”

Kinontra rin niya ang sinabi ng Aquino government na "in control" ito sa sitwasyon sa kanyang bayan matapos ang pananalasa ng bagyong Yolanda.

Paliwanag pa ng mayor, noong unang bumisita si Pangulong Aquino sa kanyang nasasakupang bayan, ito rin daw ang panahong nagkaroon ng malawakang pagpuga ng preso sa mga kulungan.

Namayani rin daw noong panahong yun ang paghahagilap ng pagkain ng mga nakaligtas sa iba’t ibang mga tindahan.

Naging talamak din daw ang "looting" noon sa Tacloban.

Ayon pa kay Mayor Romualdez, sa pagbisita raw ng Pangulo sa Tacloban ay pinalibutan daw ito ng sangkatutak na security personnel.

Masyado na raw huli noong na-deploy sa Tacloban ang Special Action Force.

Lahad pa ni Mayor Romualdez, “Businessmen and residents were frustrated.

"If you can muster enough security for President Aquino, why didn’t the national government spare some men to secure Tacloban?

“There were soldiers on the ground but they can’t move without [the] Philippine National Police. The DILG secretary has police control.

"That was the frustration.

"All I needed was a master sergeant, I was always repeating that it was temporary and that we did not want to burden the national government.

“People were already frustrated seeing all these military planes and trucks and yet, yung mga patay nila na katabi nila, yung mga naririnig nila na boses na puwede pa ma-rescue… there was never ever any rescue, up to today.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi nakadalo sa pagdinig noong Lunes si Secretary Roxas.



ROXAS CONTRADICTS ROMUALDEZ’S ALLEGATIONS. Sa ulat naman ng GMA News Online ngayong araw, December 11, sinabi ni Secretary Roxas na handa siyang sumalilalim sa lie detector test.

Sinabi pa ni Roxas, wala sa hinagap niya ang magpairal ng pamumulitika sa pagtulong sa Tacloban, kahit na magkalaban ang angkan ni Romualdez at ng Pangulo.

Dagdag pa niya, baka raw ang pag-iyak ni Mayor Romualdez ay resulta lamang ng "post-traumatic stress disorder" na nag-ugat sa hagupit na tinamasa ng kanyang nasasakupan.

Iritadong sabi pa ni Secretary Roxas: “Ang importante dito ang katotohanan.”

Ipinaliwang din nito na ang pagkabanggit niya ng apelyidong Romualdez at Aquino sa kanilang pulong ay upang hindi mapulitika ang kanilang hakbang sa pagtugon sa trahedya.

Hindi raw kapani-paniwalang naiba ang pakahulugan nito.

Aniya, “Ang ibig sabihin dun, kami ang national government.

"Dapat maingat, kasi Romualdez siya. Baka mapulitika ito.


"Iniiwasan natin ang pulitika kaya nga [nagtataka] ako na bakit niya pinupulitika ngayon ito.

"Nag-ingat nga, e.”

Binasa pa ni Roxas ang transcript ng pulong nila ni Romualdez noong November 14.

Ani Roxas, “Ito ang quote: ‘You have to understand, we are talking very straight here, you are a Romualdez and the President is an Aquino, and we are being very careful in just taking over because we do not want anything to be misconstrued, misunderstood.’”

Hamon pa niya kay Mayor Romualdez: “Siguro tatanungin ko siya, nagpa-stress debriefing ka na ba? Baka tumino at luminaw ang paningin mo.”

Dagdag pa ng DILG secretary, “Nagsisimpatiya ako sa kanya at baka may post-traumatic stress disorder siya, nagkakabaliktad ang kanyang memory, timeline, at kung anu-ano pa.”



MALACAÑANG REFUTES ROMUALDEZ’S ACCUSATIONS. Kaagad ding pinabulaanan ng Malacañang ang mga akusasyon ni Romualdez.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News online ngayong araw, December 11, sinabi ng Malacañang na isa itong media campaign laban sa administrasyong Aquino.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paliwanag pa ni Presidential Communications and Operations Office (PCOO) Secretary Sonny Coloma, “All of the concerned frontline government departments and agencies were deployed in full force to ensure maximum delivery of essential services and assistance in the affected communities.

“Military helicopters brought in troops and soldiers to replace the first responders who had been disabled.

"The Philippine Air Force flew in relief goods and troops.”

Dagdag pa niya, “The President believes that those engaging in a media campaign and putting the blame on the national government are performing a disservice to the people."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN