Bea Alonzo on playing Dyesebel: "Puwede ko naman siyang i-consider."

Bagamat may usap-usapang si Bea Alonzo ang isa sa ikinukunsiderang gumanap bilang Dyesebel sa remake nito, ang pagkakaalam daw ng aktres ay isang drama ang susunod niyang teleserye sa ABS-CBN.


Marami ang nagtatanong kay Bea Alonzo kung siya ang gaganap na Dyesebel, na ire-remake ng ABS-CBN sa susunod na taon.

Marami ang nag-aakalang isa ang aktres sa mga pinagpipilian para sa role ng sikat na Pinoy sirena, dahil nahihilig siya sa swimming ngayon at nagpo-post pa ng pictures sa Instagram habang nagsu-swimming.

Pero kung iaalok ba sa kanya ito ay tatanggapin niya?

Sagot ni Bea, “Malay mo, di ba? Puwede ko naman siyang i-consider.”

Kung matutuloy siya sa Dyesebel, ito raw ang magiging kauna-unahan niyang fantaserye.

“Never pa akong nag-fantasy e. So, malay mo.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang press si Bea sa kanilang bagong bahay, sa White Plains, Quezon City, kagabi, Disyembre 12.

NEXT PROJECT. Sa ngayon daw, ang alam ni Bea ay isang drama series ang gagawin niya sa Kapamilya network sa 2014.

“Ang alam ko drama, e.

"First time kong makakasama yung dalawang tao [artista], pero hindi ko pa yata puwedeng i-announce.

"Hindi ko alam kung tinanggap na nila, e.

"Hindi ko pa rin alam kung sino ang direktor. Ang alam ko lang self ko.

"Basta under siya kay Sir Deo," pagtukoy ni Bea kay Deo Endrinal, ABS-CBN executive at Dreamscape Entertainment big boss.

Kahit marami nang nagawang teleserye, nakakaramdam pa rin daw ng pressure si Bea.

“Excited din ako, e. Kaya lang kinakabahan ako.

"Alam mo naman sa TV ngayon, ang hirap mag-rate, ha, di ba? Hindi mo na alam ang gusto ng tao.

"Alam mo naman laging sa artista ang sisi kapag hindi nag-rate. You’re as good as your last project."

Ang huling teleserye ni Bea na A Beautiful Affair, katambal si John Lloyd Cruz, ay tumagal lamang ng tatlong buwan.

KATHNIEL FAN. Aware din si Bea na hindi na ganun katagal ang buhay ng mga teleserye ngayon, na kadalasan ay one to two seasons na lang.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Puwera na lang kung patok talaga sa manonood na umaabot ng tatlong seasons o nine months hanggang isang taon.

Ano ang pinakamahabang itinakbo ng teleserye niya?

Sabi ni Bea, “Pinakamahaba namin yung Maging Sino Ka Man, kasi two books yun, e.

"Yung first book nun, nag-run for one year.

"Yung second book, nag-run for one season yata...

"Ay, hindi! Mas matagal pala ang Kay Tagal Kang Hinintay kasi almost two years yun, e.

"Pero hindi naman ako ang bida dun, e. Pero yun yung peak ng career namin ni Lloydie [John Lloyd Cruz].

"Ang lakas maka-Daniel-Kathryn nun, e, noong time na iyon.

"Di ba, mga bagets pa kami noon, e!" natatawa niyang sabi.

Ano ang pakiramdam niya kapag napapanood niya sina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ngayon?

"Hello, fan ako ng KathNiel!" bulalas ni Bea.

"Oo, gusto ko silang dalawa. Nanonood ako ng Got To Believe, ’no.

"Natutuwa ako sa kanilang dalawa, e, kasi, di ba, parang ang sarap bumalik sa ganung age? Kilig-kilig lang, ganyan.”

So, may naaalala siyang kilig-kilig noon?

“Kami ni John Lloyd? Meron ba kaming ganun?

"Hindi naman naging kami.

"Noong panahon na iyon, ang daming nag-e-expect [na maging kami].

"Hanggang ngayon yata meron pang natira, hindi naka-move on!” biro niya.

Mabuti na lang din daw at hindi sila naging magkarelasyon sa totoong buhay ni John Lloyd.

“Ang maganda lang, hindi nga kami nag-dyowa ni Lloydie, ngayon at least hindi kami magkaaway.

"Kasi siyempre, kung niloko niya ako o niloko ko siya, e, di galit kami sa isa’t isa ngayon, di ba? Hindi na kami magwo-work.

"Kasi nga, ako, di ba, hindi ko naman friends yung mga ex ko?

"E, di malamang hindi ko rin siya gustong katrabaho."



FOR YOLANDA VICTIMS. Habang hinihintay pa ni Bea ang susunod niyang proyekto sa ABS-CBN at Star Cinema, hindi naman daw siya nababakante ng ginagawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May magazine pictorials daw siya, may product endorsement events, at aktibo rin siya sa relief operations at paghahatid tulong ng Sagip Kapamilya sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda.

Nagkuwento nga si Bea tungkol sa pagpunta nila kamakailan sa Villamor Air Base, kung saan pansamantalang nanunuluyan ang ilang mga taga-Tacloban na nasalanta ng bagyo.

“Nag-gift giving kami para sa mga volunteers… yung mga nandoon na ng for how many weeks, tapos yung nag-aano sa evacuation centers.

"Nag-show kami doon ng mga ABS-CBN stars.

"Tapos bukas [Disyembre 13]... actually mamaya, 3 a.m. ang flight namin, pupunta kami ng Tacloban.

"Doon naman kami maggi-gift giving."

Makakasama niya raw rito sina Kris Aquino, Boy Abunda, Piolo Pascual, Coco Martin, Shaina Magdayao, Angeline Quinto, Enchong Dee, at ang mismong presidente ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio.

Sa tingin niya ba ay dapat pa ring mag-celebrate ng Pasko ang mga Pilipino, sa kabila ng iniwang trahedya ng bagyong Yolanda?

Sabi ni Bea, “I think so, kasi naman, hindi naman dapat mawala yung pagse-celebrate.

"Pero feeling ko, ngayon, dapat mas meaningful.

"Parang feeling ko, dapat mas more than anything, parang dapat mas ma-feel natin yung true spirit of Christmas, which is giving.

“Like ako, I’d rather na hindi ako maka-receive ng gift ngayong Christmas kasi kung idu-donate naman nila yun sa Yolanda.

"Kagaya ko, hindi naman ako masyadong magbibigay ng gift kasi ibibigay ko sa Yolanda... Di ba, yung ganyan?

"Pero feeling ko, dapat i-celebrate pa rin."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN