Karylle on rumored wedding with boyfriend Yael Yuzon in 2014: "Kailan ba naman ako nag-confirm or nag-deny?”

Karylle reacts to recent reports that she and Yael Yuzon are getting married in the first quarter of 2014: "Galing sa akin? Hindi. Sana ako na lang nagsulat." She adds, laughing, "Kung magko-confirm, ako na lang magsusulat para ako ang naka-scoop."


Dalawang linggo na ang nakararaan mula nang unang pumutok ang balitang ikakasal na sa 2014 sina Karylle at Yael Yuzon.

Hindi pa man tuwirang inaamin ng dalawa ang tunay na estado ng kanilang relasyon, hindi lingid sa kaalaman ng showbiz insiders na matagal na silang magkasintahan.

Sabi pa ng ilan, napapanahon na rin namang lumagay sa tahimik sina Karylle at Yael, lalo na kung plano nilang magkaroon ng sariling pamilya.

Si Karylle ay 32 years old, habang si Yael naman ay mas bata ng dalawang taon sa kanya.



MUM ON WEDDING RUMORS. Ngunit kahit na napabalitang isang reliable source ang nagkumpirma ng nakatakdang pag-iisang dibdib nila, nananatiling tikom ang bibig ni Karylle sa bagay na ito.

Itinanggi rin ng singer-actress na binigyan niya ng permiso ang kung sinumang nagpakalat ng balitang ikakasal na siya.

“Galing sa akin? Hindi.

"Sana ako na lang nagsulat.

"Kung magko-confirm, ako na lang magsusulat para ako ang naka-scoop!” natatawang pahayag ni Karylle.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Karylle ngayong araw, December 17, sa launch ng kanyang bagong business venture, ang The Mango Farm dessert kiosk, na matatagpuan sa Shopsville Shopping Center, sa Greenhills, San Juan City.

Ngunit tila sadyang umiiwas si Karylle sa press dahil tanging ang PEP at isa pang online entertainment website ang imbitado sa naturang gathering.

At nang mabuksan ang usapan tungkol sa kanyang napapabalitang pagpapakasal sa 2014, kung hindi siya tatahimik ay pasimple niyang iibahin ang usapan.

Tanong ng PEP: confirmed or denied ba na magiging Mrs. Yael Yuzon na siya?

Balik-tanong ng It’s Showtime co-host: “Kailan ba naman ako nag-confirm or nag-deny?”

Hindi ba siya kumportableng pag-usapan ang kanyang lovelife?

“I don’t know if it’s about me being comfortable... I don’t know,” biting sagot niya.

At nang muli naming usisain kung handa na ba siyang magpakasal, nangingiting sabi na lang ni Karylle, “See? That’s why I don’t answer any questions. Too many follow-up questions.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kung anu’t ano pa man, idinaan na lang ni Karylle sa biro ang balitang malapit na siyang magpakasal.

“I’m getting married on Thursday, Friday, Saturday. Three to four times a week [since last October].

“But this is my last week. So, last three weddings!” pabirong pagtukoy ni Karylle sa pinagbibidahan niyang Cinderella The Musical na ipinapalabas sa Resorts World Manila.

NO MORE OVER-SHARING. Aminado naman si Karylle na mailap talaga siya kapag ang relasyon na nila ni Yael ang paksa ng interview.

Ito raw kasi ang paraan niya upang protektahan ang kanyang pribadong buhay, at hindi dahil sa kung ano pa man.

Paliwanag niya, “I’ve always been that way.

"As I always say, I’m very chismosa.

"Aanhin ko pa yung pagka-chismosa ko if I didn’t learn anything from everyone else that I’ve read about?”

Noon pa man ay sinasabi na rin ni Karylle na walang magandang naidudulot ang “mag-overshare” ng buhay-pag-ibig.

Matatandaang naging kontrobersiyal ang hiwalayan nila ng ex-boyfriend niyang si Dingdong Dantes noong 2008.

Kasabay nito ay naging maugong ang usapang ang pagiging malapit ni Dingdong sa noo’y Marimar co-star niyang si Marian Rivera ang dahilan ng breakup nila ni Karylle—bagay na agad pinabulaanan ng Kapuso aktor noong mga panahong iyon.



FRIENDS-TURNED-LOVERS. Bandang Setyembre noong 2010 nang magkaroon ng espekulasyon tungkol sa pagiging malapit nina Karylle at Yael.

Bagamat itinanggi nilang higit pa sa pagiging magkaibigan ang kanilang ugnayan, madalas silang makitang magkasamang nagde-date sa mall, sa sinehan, at sa isang concert.

Lalo pa itong napagtibay nang bisitahin ni Yael si Karylle sa Singapore, kung saan nakabase ang singer-actress noong pagbidahan niya ang Pan-American musical TV series na The Kitchen Musical, noong 2011.

Kinalaunan ay mismong ina na ni Karylle na si Zsa Zsa Padilla ang nagbuking sa relasyon ng dalawa.

Noon pa man ay bukas ang Divine Divine sa pagsasabing boto siya kay Yael para sa kanyang panganay na anak.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa katunayan, magkakasama silang nagbakasyon sa Maldives noong October 2012.


Kaya’t siguradong todo-suporta si Zsa Zsa kung sakaling matuloy ang pagpapakasal ng dalawa sa 2014.

Sinang-ayunan naman ni Karylle na very supportive ang kanyang ina pagdating sa kanyang lovelife.

“My mom’s ok. She’s in the States for a vacation now.

“She’s cool about most things naman. She’s very open-minded naman.”

Sa huli, sinabi ni Karylle na darating din ang tamang panahon kung kailan siya magiging handa sa pagbigay ng detalye tungkol sa kanyang buhay pag-ibig.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN