President Noynoy Aquino proud of Miss International 2013 Bea Santiago; refuses "lucky charm" tag

President Benigno "Noynoy" Aquino III on comments that he is the reason behind the winning streak abroad of Pinay beauty queens: "Do I consider myself a lucky charm? Kapal naman ng mukha ko na sasabihin ko I am a lucky charm to anybody."


Buong pagmamalaking ipinahayag ni President Benigno “Noynoy” Aquino III ang kanyang kagalakan para sa pagkapanalo ni Bea Rose Santiago bilang Miss International 2013.

Ginanap ang beauty pageant sa Tokyo, Japan, kagabi, December 17.

“Just in case may hindi pa alam, nanalo po yun ating kandidato sa Miss International.

"Tulad ho ninyo, nung narinig ko ang balita e masaya po ako,” sabi ng Pangulo sa kanyang speech sa ginanap na awarding ng Department of Health ISO (International Organization Standardization) certificate sa Malacañang ngayong araw, December 18.



IS PNOY THE LUCKY CHARM OF BEA, MEGAN? Ayon pa sa nailathalang ulat sa GMA News Online, may mga tumutukso kay PNoy na siya ang “lucky charm” ng mga nananalong kandidata ng Pilipinas sa international beauty pageants.

Nagtutugma kasi ang pagbisita ni PNoy sa mga bansa kung saan ginanap ang Miss International 2013 at pati na rin Miss World 2013.

Matatandaang nagpunta sa Tokyo si PNoy para sa ginanap na ASEAN-Japan Summit noong December 13 at 14, ilang araw bago lumaban si Bea sa Tokyo para sa Miss International 2013 competition.

Sa katunayan, nag-krus ang landas nina Bea at PNoy, na parehong imbitado sa pagtitipon ng isang Filipino community sa Tokyo noong December 12.

Read: President Noynoy Aquino wishes Bb. Pilipinas-International Bea Rose Santiago "good luck"

Nagkataon ding bumisita si PNoy sa Bali, Indonesia, ilang linggo matapos tanghalin doon si Megan Young bilang Miss World 2013.

Ngunit tumanggi si PNoy na may kinalaman siya sa pagkapanalo ng dalawang beauty queens.

“Do I consider myself a lucky charm? Kapal naman ng mukha ko na sasabihin ko I am a lucky charm to anybody,” mapagkumbabang saad ng Pangulo.

Dagdag pa niya, natapos na ang Miss World 2013 beauty pageant nang magtungo siya sa Indonesia para sa Asian Pacific Economic Cooperation (APEC) summit noong Nobyembre.

“If some people consider me a lucky charm, thank you. But I don’t think I can pronounce myself a lucky charm.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NO EXCUSE NOT TO HAVE GIRLFRIEND. Sa hiwalay na ulat ng ABS-CBN News Online, nagbigay rin ng pahayag si PNoy tungkol sa isang tweet ng isang humor blogger na may handle name na @HecklerForever.

Nagpasaring ito na dapat ay makahanap na ng steady girlfriend si PNoy, lalo pa’t napakaraming magagandang Pinay sa paligid niya.

“Nasasabi doon, ‘Talagang napakaraming maganda sa Pilipinas. Natuwa naman ako doon.

“Tapos yung dagdag niya, ‘Kaya ikaw PNoy, wala ka nang dahilan...’

“Sabi ko, ‘May kasalanan pa pala ako dito!’” bulalas ng Pangulo, na nagbunsod ng tawanan mula sa mga taong dumalo sa nabanggit na pagtitipon sa Malacañang kanina.

Diin pa ni PNoy, sa ngayon ay wala pa siyang panahon para atupagin ang kanyang lovelife.

“Okay lang naman, mag-heckle ka na kung gusto mo, basta tuloy lang kaming magtatrabaho po rito,” pagtukoy pa niya sa pang-aasar sa kanya ni @hecklerforever.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN