PEP EXCLUSIVE Showbiz directors interviewed generally favor MMDA ruling penalizing artists absent from MMFF awards night

Halos nagkakaisa ang mga direktor na na-interbyu ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa pagsabing walang masama sa ruling ng MMDA na pagmultahin ang mga artistang hindi dadalo sa parada at awards night ng MMFF. Ito raw ay para sa ikakaganda ng local movie industry.

In photp (L-R): Direk Jose Javier Reyes, Wenn V. Deramas, at Chris Martinez.


“Hindi na bago ‘yan!”

Ito ang halos magkatugmang reaksiyon ng mga direktor sa showbiz na eksklusibong nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong araw, December 23, tungkol sa ruling na pagmumultahin ang mga artistang hindi dadalo sa taunang Parada ng mga Bituin at Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival (MMFF).

Ayon sa binitawang pahayag ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Francis Tolentino kahapon, December 22, magiging istrikto ang pamunuan ng MMFF sa darating na awards night, December 27.

Aniya, “Strict tayo dun sa mga hindi a-attend na mga artista. Mape-penalize sila. May penalty yun. Mapa-fine sila."

Sakop daw nito ang lahat ng mga artistang may pelikula sa MMFF, ngunit hindi dadalo sa awards night.

At hindi raw mga absent lang ang may multa, kundi pati na rin ang mga gagawa ng eksena.

Gusto raw ng over-all chairman ng MMFF, na si MMDA chair Tolentino rin, na suklian ng mga artista ang pagkakaisa ng mga manonood na tumatangkilik sa mga entries tuwing filmfest.

READ: MMDA chairman Francis Tolentino happy about huge turnout in Parade of the Stars; threatens to penalize artists not attending awards night



DIRECTOR WENN DERAMAS. Isa sa mga suki ng film festival ay ang director na si Wenn Deramas. Ngayong taon, dinirek niya ang Boy, Girl, Bakla, Tomboy starring Vice Ganda.

Bungad niya sa PEP, “Totoo." Hindi na raw bago sa kanyang pandinig ang naturang balita.

Saad pa ng tinatawag ngayong box-office director, “Oo. Tanging Ina (2003), Tanging Ina Mo Last Na ‘to (2010)—alam ko may ganyan na, e. Kaya tingnan mo, kasama kami, pati director.”

Ang tinutukoy ni Direk Wenn ay ang Parada ng mga Bituin na ginanap kahapon, December 22.

Okay lang ba sa kanya ang ganitong ruling tuwing MMFF?

Sagot ni Direk Wenn, “Ay, okay lang. Ano ’yan e, kumbaga ano siya e, uhm, para makita mo, yung solid. Kung hindi mo kasi gaganyanin, baka hindi siyempre… may mga iba diyan na hindi pupunta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero nakikita mo naman na ang gandang tingnan, e. Na kahit sa walong pelikula lang, makikita mong buo yung mga tao dun. At para sa tao talaga e.

“Kahapon nga pinag-usapan namin ni Vice [Ganda]. Sabi ko, ’Tingnan mo kung gaano karami, sa simpleng kaway, ngiti at punchline mo habang umaandar yung karosa, yung float, paano mo sila napapasaya.’ Sabi ko, ’So, it’s part of the package.’"

Pagsuma niya sa MMDA ruling, “Hindi ko nakikitaan ng ano ‘to… ng hindi maganda. Ano ’yan e, parang, ‘O, eto sasali kayo, ganito yung mga rules and regulations.’ Wala akong nakikitang pangit doon.”

Kaya naman daw ni-require niya ang lahat ng kanyang mga artista na dumalo sa parada at sa awards night.

Saad niya, “Oo, oo, support. Pag hindi natin ginawa yun, ano na lang mangyayari, di ba?”

Wala rin daw siyang nakikitang mali sa pagpataw ng multa sa mga hindi makakadalo.

Natatawang lahad pa nito, “Ano ’yan e, kumbaga, bago kayo sumali, ito na yun e. Hindi ito something like, let’s say, nasa kalagitnaan ka ng paglaot mo at doon sasabihin ang rules and regulations.

"Bago ka sumali, ito yung rules and regulations, so alam. Puwede kang umu-o, puwede kang humindi, di ba?”

Sa pangkalahatan, maganda raw itong panuntunan para sa industriya. Diin ni Direk, “Oo. Para sa industriya, para sa producers ko.

“Hindi, ang gusto kong sabihin, hindi ganyan ka-istrikto, hindi ganyan ka-strict talaga kasi, kapag valid ang reason mo, depende sa reason, pinapayagan naman nila, e.

"Kunyari, like what happened doon sa, noong nanalo akong best director [2010, Tanging Ina Mo Last Na ‘to], uhm, di nanduduon ako para i-accept yung award.

"Kaya lang, wala ’ko doon sa parang dinner [appreciation dinner after the awards night]. E, part din yun ng ano, so mababawasan ka, parang may penalty.

“Pero, noong in-explain bakit, na ganito, wala ako doon, kasi matagal na yung plano nang pagpunta ko ng Amerika, ganyan, ganyan, ’binigay nila ng buo yung ano [incentive] nang walang bawas.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Depende dun sa magiging rason mo, kung hindi ka lang pupunta at magmamaganda ka lang na hindi pumunta, e dun ka babawasan, kasi hindi ka nag-cooperate e, di ba? Yung ganun.”

Dagdag pa niya, “Incentive ’yan. Kunyari nanalo ka, insentibo nila ‘yan e. Wala namang award-giving bodies na, bukod sa kanila [MMFF], na namimigay ng incentive na cash, di ba, ‘pag ganyan [nanalo]. So, ito yung mga nakaakibat na ano ‘to.”



DIRECTOR JOEL LAMANGAN. Ang bagong upong pangulo ng Director’s Guild of the Philippines, Inc. (DGPI), na si direktor Joel Lamangan, ay pabor din sa naturang ruling.

Kuwento niya sa PEP, matagal na ang panuntunang ito na dapat naman daw sundin.

Pang-unang pahayag ni Direk Joel, “Noon pa ‘yan, that’s not new. Oo, noon pa ’yan.

“E, kung ikaw ay sumali sa isang contest, merong mga rules na ibinibigay ang nagpapa-contest. At ngayon, isa sa rules ay ang magbabayad ang hindi pupunta sa parade, pagmumulta.

“Ang producer ay magmumulta, at kailangan sumunod ka dun, kung sasali ka sa contest na yun. Kung ayaw mo, dapat hindi ka na lang sumama. Valid naman yun e, kasi merong festival, e.”

Diin niya, “That will discipline the actors, too.”

Pero hindi raw alam ni Direk Joel kung magkano ang ipinapataw na multa sa mga nag-a-absent.

“Hindi ko alam, magkano daw ba ang penalty? Pero, hindi ‘yan bago, dati pa ‘yan.

"Pero hindi naman artista ang nag-aano [nagbabayad] niyan, e. Producer ang nagki-carry ng penalty. Hindi naman artista ang nagbabayad niyan."

Walang entry sa festival si Direk ngayong taon, pero noong mga panahong kasali siya ay may ganitong patakaran na raw. Aniya, “Matagal na ‘yan, e, tatlong taon na akong hindi nakakasali, e.

“Oo, meron nang ganun, na may multa ’pag hindi nagpunta sa parade ang mga artista. Ang magmumulta, ang producer.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa huli, sang-ayon daw siya sa patakaran. Saad niya, “Oo naman. Unless, unless merong rason na valid ang artista kaya hindi siya makasama. Pinagbibigyan naman ‘yan, e.

"Unless may valid reason kung bakit hindi siya makakapunta. May sakit siya, may sakit ang nanay o tatay niya, o may pilay siya, nagkasakit siya—those are the valid reasons.”



DIRECTOR JOEY REYES. Isa ring beterano ng filmfests ang director/writer/TV host na si Joey Reyes.

Aniya, “Matagal na ’yan, matagal na. Oo, matagal nang rule yan, panahon pa nang nag-MMFF pa ako, rule na ’yan. e.”

Ipinapaalam daw ito ng MMDA at ng MMFF committee sa mga producers tuwing darating ang film festival. Saad ni Direk, “Every year ‘yan, pinapaalam ‘yan sa producers.

“Yeah, and artistas also.”

Dagdag pa niya, “Oo, kaya nga sa Star [Cinema], naalala ko ‘yan ha, kung hindi makapunta ‘coz they’re abroad, then they have to pay."

Hindi rin daw alam ni Direk kung magkano ang penalty sa hindi pagdalo sa parade day at awards night. “Hindi ko alam, basta you have to pay.

"Then, may attendance pa nga sa float ‘yan, e—kung sinong sumakay, tsaka pag-exit sa Luneta. Pero, ano na ‘yan, e, hindi naman umaangal ang producer so wala nang big deal.”

Sa pananaw ba niya’y tama ang ganitong patakaran?

Tugon ni Direk Joey, “Well, hindi sa tama, e. Kung sumali ka, e di tanggapin mo yung rule. Kung ayaw mo, e di huwag kang sumali.

“E, kasi kung tinanggap mo yung ano, kung pinasukan mo ‘yan, alam mong ruling ’yan from the very start, nasa rules ‘yan, so kung gusto mong sumali, e di you will accept the rules.

“Yung iba nga na nagbaba-back out, nagbabayad ng half a million. Di ba nga nagbabayad ang Star [Cinema] ng half a million dahil nag-back out yung Please Be Careful?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero alam mo yun from the start, when you joined and you get selected, you cannot back out."

WRITER/DIRECTOR BIBETH ORTEZA. Ang artista at manunulat namang si Bibeth Orteza ay clueless sa panuntunang ito.

Bukod sa pagiging writer ng My Little Bossings, siya ay kasali rin bilang artista sa 10000 Hours.

Kahapon, hindi siya dumalo sa Parade of Stars. Alam kaya niyang may multa ang mga artistang may entry na hindi sumama sa parade?

Saad niya, “Hindi. Like ako, for instance, uhm, hindi ako sumama sa parade ng 10000 hours. For me, it’s a marketing strategy. Kasi ang feeling ko, president ang role ko sa pelikula, but most of my life I’ve been known as a comedian.

“I didn’t want to be on the float kasi baka magmukhang nakakatawa naman at ma-preempt yung impact na salbahe akong presidente sa pelikula, at nagkukome-comedian ako sa stage.”

Tanong pa niya, “Tapos, yun pala may fine ako?”

Dagdag niya, “Parang mahirap naman yun, yun ang akin, ha. Kasi I had my reasons—it has to do with pushing the film.”

Ibinahagi ng PEP kay Bibeth na, ayon sa mga nainterbyu naming mga direktor, maaring hindi mapatawan ng penalty ang isang artista kapag may balido itong rason. Tugon niya, “Yun ang aking valid reason.”

So, pabor ba siya sa panuntunang ito?

Sagot ni Bibeth, na asawa ni direktor at propesor Carlitos Siguion-Reyna, “Well, ako, case to case basis ‘yan e. Like, some people are very nervous. Some people believe that they will win when they don’t attend.

“Some people feel… E, dito naman sa atin, kung mangdaot [manira] ng mga tao, wagas.

"Um-attend ka ng awards night na walang expectations, ira-write up ka. ‘E, si so-and-so um-attend ‘yan, ’kala niya mananalo siya. Buti nga na-zero.’ May ganun pa e, di ba? Tama ba yun?”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang pananaw niya sa ruling?

Lahad niya, “I think, bago dumating sa punto nang magkakaroon ng effect na parang takutan, I think kausapin muna ang lahat.

"Before the festivals starts, pag naa-announce na ang mga entries, but please just say na, ‘Ito yung mga bagong rules.’ Huwag ganito ka-late.”

Binanggit ng PEP kay Bibeth na, ayon muli sa mga direktor na nakausap namin ngayong araw, lumang ruling na raw ito.

Sagot niya, “E, siguro, kaya walang dumarating [sa awards night] kasi never namang in-impose. You know, that’s one thing to come up with the rule but really impose it, yung ganun.”



CHRIS MARTINEZ. Kuwento rin ng director at scriptwriter na si Chris Martinez (Kimmy Dora series, Ang Babae sa Septic Tank), “Matagal na ’yan."

Banggit pa niya, "Actually, bawat kibot mo, may multa talaga. Maliit ang poster, may multa. Maliit ang teaser, may multa.

“May multa, kasi nga may mechanics na dapat sundin. Lahat naman ‘ata ng festivals, may ganyan. Siyempre, sasali ka ng contest, may rules.”

NOTE: Sa ngayon, inaalam pa rin ng PEP sa iba pang miyembro ng industriya kung ano ang tingin nila sa MMDA ruling na magpe-penalize sa kanila sa hindi pagdalo sa Parada ng mga Bituin at sa Gabi ng Parangal ng MMFF.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN