President Benigno ‘Noynoy’ Aquino III commends Filipino resiliency; wishes all a happy Christmas

Ninanais ng Pangulong Noynoy Aquino na ipamalas ng bawat Pinoy ang pagmamahalan sa isa’t isa.

Aniya: "Sa nalalapit pong Pasko, ipinapaalala sa atin ang buod ng ating pagiging Kristiyano: ang pagmamahal—ang pagmamahal sa atin ng Diyos Ama sa pag-aalay Niya ng kanyang bugtong anak upang lahat tayo ay mailigtas; ang pagmamahal at pag-aaruga nina San Jose at Birheng Maria kay Hesus upang magampanan Niya ang kanyang banal na tungkulin; at ang pagma


Ngayong Pasko, umaasa ang Pangulong Benigno Aquino III na maging tanglaw ng pag-asa ang isa’t isa para sa kapwa Pilipino.

Ito ang laman ng mensahe ng presidente ngayong nalalapit na ang pagdiriwang ng Kapaskuhan. Inilabas ang video message na ito ng presidente ng Official Gazette ng Malacañang kahapon, December 23.

Pinuri din ng pangulo ang katatagan ng mga Pilipino na nasadlak sa mga delubyo nitong mga huling buwan ng 2013—ang 7.2 magnitude earthquake sa Bohol at ang paghagupit ng super typhoon Yolanda sa Visayas.

Narito ang kabuuang mensahe ng Pangulong Noynoy Aquino. Inayos lamang ng PEP ang haba at iksi ng mga talata upang mas madaling basahin online.

MENSAHE NG PANGULO, PASKO 2013. “Ang kwento po ng Pasko ay nagsisimula sa paghahanap ng tatlong hari sa Mesiyas.

"Sa kabila ng kadiliman ng gabi, naging tanglaw sa kanilang paglalakbay ang liwanag mula sa bituin ng Bethlehem.

"Ito ang nagsilbing gabay upang matagpuan nila sa isang munting sabsaban ang banal na tagapagligtas.

“Tuwing sasapit ang Pasko, laging inaasahan ng sambayanang Pilipino ang pagsasalo-salo ng pamilya’t mga kaibigan.

"Para naman sa mga kababayan natin sa ibang bansa, isa ito sa mga pinakamahirap na panahon, dahil sa kanilang pagkakawalay sa mga mahal sa buhay.

"Sa kabila nito, iisang lahi pa rin tayong nagdiriwang tuwing Pasko; saan man tayo sa mundo, iisang pamilya pa rin tayong mga Pilipino.

“Malinaw natin itong naipamalas sa mga nagdaang trahedya’t pagsubok sa bansa.

"Kamakailan, naglibot po tayo sa mga komunidad na naging biktima ng lindol sa Bohol, at binisita ang mga kababayang sinalanta ng Bagyong Yolanda.

"Katulad po ng bituin ng Bethlehem na nagsilbing liwanag at inspirasyon sa tatlong hari, napuno rin tayo ng sigla at pag-asa sa katatagan ng ating mga kababayan, sa kabila ng trahedyang kanilang naranasan.

"Sa Bohol, dapang-dapang na sila sa sakuna, pero ako po mismo ang nakakita: Tunay pong bumabangon at lumalaban sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Marahil, ito po ang isa sa pinakamahalagang aral sa atin ng Poong Maykapal: Gawin lamang natin ang lahat ng ating makakaya, at ang Diyos Ama na ang pupuno sa ating mga kakulangan.

"Inialay ng Panginoon ang kanyang bugtong Anak na si Hesukristo, at nagsilbi Siyang mabuting ehemplo: Hindi man siya obligado, hindi man siya pinilit ng kahit sino, pinili niyang magsakripisyo bilang tao at isalba sa kasalanan ang sangkatauhan.

"Sa di hamak na mas maliit na hinihiling sa atin, tayo ba ay magkukulang pa? Sa palagay ko po ay hindi na.

“Sa nalalapit pong Pasko, ipinapaalala sa atin ang buod ng ating pagiging Kristiyano: ang pagmamahal—ang pagmamahal sa atin ng Diyos Ama sa pag-aalay Niya ng kanyang bugtong na anak upang lahat tayo ay mailigtas; ang pagmamahal at pag-aaruga nina San Jose at Birheng Maria kay Hesus upang magampanan Niya ang kanyang banal na tungkulin; at ang pagmamahal ng mga Apostoles kay Kristo sa pagsasabuhay ng kanyang mga aral.

“Ngayong Pasko, pag-alabin nawa natin ang liwanag ng pagmamahal na alay ni Hesukristo. Maging tanglaw tayo ng pag-asa sa ating kapwa-Pilipino.

“Isang maligayang Pasko po sa ating lahat.”




WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN