Nora Aunor-Coco Martin starrer Padre de Pamilya boasts casting coup

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nagsama sa isang pelikula ang Superstar na si Nora Aunor at ang Primetime Prince ng ABS-CBN na si Coco Martin. Gumaganap ang dalawa bilang mag-ina sa indie film na Padre de Pamilya.


Medyo natagalan bago naipabatid nang lubos sa publiko ang pagsasapelikula ng bagong indie na pagbibidahan ni Nora Aunor, ang Padre De Pamilya.

Importante ang bagong indie starrer na ito ng Superstar.

For one, co-lead niya rito ang tinaguriang "Indie Prince" at isa sa mga naghahari sa primetime teleserye—si Coco Martin.

Bulalas ng Superstar tungkol sa Kapamilya actor, "Ay, napakabait na bata ni Coco! Sobrang maasikaso."

Nagkuwento si Ate Guy tungkol kay Coco sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa set ng bago niyang pelikula bago mag-New Year.

Magiliw niyang nasambit, "Lagi akong inaalala, tuwing darating at bago ako magpaalam pag tapos na ang shooting."

On his part, excited naman si Coco sa unang pagkakataon na pagsasama sila ni Nora sa isang pelikula.

Sabi ng aktor, "Siyempre, napakaimportante po sa akin ng project na ito.

"Ang makasama ko si Miss Nora Aunor... kumbaga, isa ’yan sa mga talagang pinangarap ko."



INSTANT RAPPORT. Hindi man madalas nagkakasama sa anumang showbiz events ang dalawa—dahil Kapamilya actor si Coco at Kapatid actress naman si Nora—instant daw ang rapport nila nang pormal silang mag-meet.

Naganap ito bago mag-Pasko sa isang restaurant sa Eastwood City.

"Naku, nakakatuwa si Coco. Bungisngis pala siya!" Ito raw ang unang impression ni Nora sa aktor.

At noong sumunod na pagkikita nila sa story conference, pagkaraan ng ilang araw, buhos pa rin ang papuri ng beteranang aktres kay Coco.

"Very professional, mabait. At sa napapanood ko sa kanya, mahusay na aktor si Coco."

Nang magkatrabaho na sila, higit pang natuwa si Nora kay Coco dahil sa magiliw siyang tinawag nitong "Nanay Guy."

In return, itinuturing din ni Nora si Coco bilang isa sa mga "anak-anakan" niya.

"Mahal ko ’yan... siya ang bunsong anak ko!" sambit ng Superstar.

NORANIAN LOLA. Masasarap na pagkain ang dinadala ni Coco sa set, courtesy of his lola.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon sa kanya at sa nakababatang kapatid na si Ronald, na sumasama sa kanya sa set, ang lola nila ay isang "Noranian."

Lagi raw tinatanong sina Coco at Ronald ng kanilang lola kung kumusta na si Ate Guy: "O, ano’ng sabi ni Nora sa inyo? Bakit wala kayong litrato na kasama siya?’

"Pakisabi sa inyong lola na mahal ko siya," pahatid na mensahe naman ni Nora sa lola nina Coco.

CASTING COUP. Ang premyadong indie filmmaker na si Adolf Alix Jr. ang direktor ng Padre de Pamilya.

Mula ito sa panulat nina Jerry Gracio, Ralston Jover, at Nikki Bunquin.

Mahigit 90 percent na ang natatapos kunan ng produksiyon, ayon mismo kay Direk Adolf at ang assistant director niyang si Armand Reyes.

Hindi raw dahil sa may kung anong iniiwasan ang pagka-delay ng full-blast announcement ng pagsasama nina Nora at Coco sa isang pelikula.

Pinalampas lang daw nila ang mga kasayahan at kaguluhan na dulot ng Pasko at ng 39th Metro Manila Film Festival (MMFF).

Sabi ng manager ni Coco na si Biboy Arboleda, "Let’s give it to the MMFF.

"Gusto din natin na maging maayos at matahimik ang pagtatrabaho ng mga artista ng PDP [Padre De Pamilya].

"Na hindi sila ma-distract kapag may dumating na TV crews, halimbawa, para mag-interview."

Hinihingi raw ng pelikula ang concentration ng dalawang bigating artista nito dahil "matitindi ang mga eksena nina Nora, Coco, at iba pang kasali sa cast."

Pahiwatig pa ni Biboy, "So, hindi naman siguro masama kung bibigyan natin sila ng tamang pagkakataon na maka-focus sa ginagawa nila."

Bukod kina Nora at Coco, nasa major cast din ng Padre De Pamilya sina Joel Torre, Rosanna Roces, Baron Geisler, Joem Bascon, at ang veteran actress na si Anita Linda.

Ang gaganap na mga anak ni Nora, maliban kay Coco, ay sina Manuel Chua at Miles Ocampo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

JULIA MONTES. Kung may Nora at Coco sa cast bilang mag-ina, mayroon ding Coco at Julia Montes na mag-love interest.

Ito ang balik-tambalan ng dalawa matapos silang tangkilikin sa teleseryeng Walang Hanggan at sa huli nilang pinagtambalang pelikulang A Moment In Time.

Last week nag-shoot sina Coco at Julia sa Malaysia.

Nakatakda nang mag-wrap up ang shoot ng Padre De Pamilya ngayong linggo, pero wala pang naiaanunsiyong playdate ang pelikula.

ISSUE WITH OSANG. Saksi ang PEP sa mga unang araw ng shooting ng Padre De Pamilya sa isang lumang mansion sa Pandacan.

Maliban kina Nora at Coco, na naging magiliw sa isa’t isa from day one, hindi lahat ng kabilang sa cast ay agad naging "friendly" sa set.

For one, may munting tampuhan—personal or kung ano man—sina Nora at Rosanna na umusbong habang ginagawa nila ang mini-seryeng Sa Ngalan Ng Ina ng TV5.

Pinatunayan naman ng dalawang beteranong aktres ang pagka-professional nila pagdating sa trabaho.

Para kay Osang, palayaw ni Rosanna, hindi sila iyong tipong magpapa-kontrobersiyal para lamang sa publisidad ng proyektong ginagawa.

Para naman kay Ate Guy, mahalaga na maging maayos ang samahan at walang ilangan sa magkakatrabaho.

Kung hindi, huwag na lamang daw ituloy ang pagsasama sa trabaho.

Agad namang naayos ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang aktres sa unang araw ng shoot.

Pagtukoy ni Osang sa isyu, "Si Ate Guy pa?

"E, kaya nga idol na idol ko ’yan, ano? Sa pagiging humble niya."

Maging si Coco, na labas sa usapin, ay hindi naiwasang magpahayag ng kanyang saloobin.

Aniya, "Dapat maging open sa isa’t isa para hindi lumala ang sitwasyon."

ISSUE WITH BARON. Bukas, prangka, at walang kaplastikang hinaharap ni Ate Guy ang anumang problemang mayroon siya sa sinumang nakakatrabaho.

Nang dumating si Baron Geisler ilang araw matapos ang first-day shoot, hindi rin agad nagkausap ang dalawa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"I don’t think she [Nora] likes me," pahayag daw ni Baron, na ang laging kausap that time ay si Rosanna.

Para kay Nora, agad niyang naikundisyon ang sarili na mayroon siyang magiging co-star na hindi naging pleasant ang pakikipag-ugnayan niya.

Sabi ng Superstar, "Pero sabi ko kay Direk Adolf, para sa kanya, gagawin ko pa rin ang pelikula."

Muli, personal ang mga kadahilanan, at iginagalang ng PEP ang pananahimik ni Nora tungkol sa isyu nila ni Baron.

Pero sa isang pagkakataon, mismong si Baron ang nag-reach out kay Ate Guy habang nagpapahinga ang aktres sa kanyang assigned room.

Sa sandaling nagkausap ang dalawa, naging maganda ang resulta nito.

Mula noo’y naging maayos na ang lahat, at maluwag na sa dibdib ni Nora ang tuluy-tuloy na pagtatrabaho sa ikakaganda ng kanilang pelikula.

Nakunan na rin ang eksenang nagsigawan sina Baron at Osang, at sina Nora at Baron.

Si Baron ang lumalabas na tila ama ng anak ni Julia, ang girlfriend ni Coco na ipinagtatanggol ni Ate Guy bilang si Aida Santiago.

"Magaling si Baron..." pagpupuri na rin ni Nora sa aktor.




STARSTRUCK. Nakakatuwa naman ang iba pang co-actors na unang nakasama ni Ate Guy.

"Na-starstruck ako sa kanya!" kuwelang sambit ni Julia sa una nilang pagkikita ng Superstar.

Ganito rin ang naging damdamin ni Miles Ocampo, na isa sa mga pinapasikat na young stars ng ABS-CBN.

Si Miles ay mainstay ng weekly sitcom na Home Sweetie Home.

Sabi niya, "Nung una po, kinabahan ako na makakaeksena ko siya.

"Marami kaming eksena together, ’cause I play one of her children.

"Pero mabait po siya at hindi naman strict, kaya naging comfortable na din ako sa kanya."

Natutuwa rin daw si Joem Bascon, na first time ding nakatrabaho si Nora Aunor, "kasi napakabait niya."

Gumaganap si Joem na pangalawang asawa ni Nora. Ito ang sanhi ng hidwaan nila ni Coco, bilang lehitimong anak ni Nora.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pahatid ni Joem, "Natuwa ako [kay Ate Guy], kasi cool na cool, e, at nakukuwelahan ako sa kanya.


"Kapag nanonood ako ng eksena niya, cool lang siya.

"At ang bait! Natutuwa ako kaya kampante ako [sa mga eksena namin]. Happy ako."

REUNITED. Kung mayroong memorable and happy reunion among co-actors na nangyari sa set ng Padre De Pamilya, ito ay ang muling pagkikita at pagsasama nina Nora at Anita Linda.

Si Anita ang gumanap na ina ni Nora sa classic na pelikula ni Mario O’Hara, ang Bakit Bughaw Ang Langit (1981).

Sa edad na 89, isa pa ring trouper si Anita. At labis din ang paghanga ni Nora sa beteranang aktres na naging ina-inahan niya sa mga pelikula at TV drama episodes noon.

Pahayag ni Nora, "Nakakabilib ang katulad niya magpahanggang ngayon. Kaya mahal ko si Nanay."

Sina Nora at Joel Torre naman ay nagkasama sa I Love You Mama, I Love You Papa (1986), at sa ilang episodes ng MMK (Maalaala Mo Kaya).

Sa MMK episode na "Retaso," si Joel mismo ang naging direktor ni Nora.

Nang muling magtagpo sina Nora at Joel, mahigpit ang naging yakapan ng dalawa.

Halatang na-miss nang isa’t isa ang naging malalim din nilang ugnayan, bilang mabuting magkaibigan at magkatrabaho.

"Ay, oo! Walang kuwestiyon doon!" sambit ni Joel sa magandang rapport nila ni Ate Guy.

"Siyempre, Ate Guy ’yan, e. Iba talaga ang samahan pag mahal na mahal mo ang co-actor mo."

Bilang estranged couple sa Padre de Pamilya, matitindi ang mga nakunang eksena nina Nora at Joel.

Sabi ni Nora, "Masarap talagang kaeksena ang isang mahusay na tulad niya.


"Nagku-complement kasi kayo nang maayos."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN