German Moreno to honor X-Factor Israel winner Rose Fostanes with Walk on Fame

Cheers not jeers ang pahatid ni Kuya Germs sa mga pumupuna sa X-Factor Israel champion na si Rose Fostanes.


Hindi napigilang mainis ng Master Showman na si German "Kuya Germs" Moreno sa mga bumabatikos sa pagkapanalo ng Pinay caregiver na si Rose “Osang" Fostanes sa first edition ng X-Factor Israel.

May mangilan-ngilang Pilipino raw kasi ang nagsasabi na di kagalingan at di kagandahan ang Overseas Filipino Worker (OFW).

Ngunit ayon kay Kuya Germs, “Malaking bagay ang pagwawagi ni Rose sa bansa natin.

"Biruin mo, sa Israel nangyari yun.

"Kung tutuusin mo, kahit nga hindi na siya ganun kabata e malakas pa rin ang loob niya na pasukin ang X Factor—at sa ibang bansa pa!

“Nag-iisa siyang Flipino sa contest at puro Israeli ang nakalaban niya.

"Doon niya pinatunayan ang husay at galing ng isang Pinoy… di lang sa Israel kung hindi sa buong mundo.

“Hindi ganun kadali yung pinagdaanan niya sa kumpetisyon na yun, kasi hindi siya kalahi nila.

"Tapos, makakarinig ka sa mga kapwa natin Filipino na hindi siya magaling kumanta at hindi siya maganda."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainement Portal) si Kuya Germs pagkatapos ng kanyang programa sa DZBB, ang Walang Siesta, noong January 17.

CHEERS, NOT JEERS. "Huwag ganun,’" pakiusap pa ni Kuya Germs sa mga pumupuna kay Osang.

"Dapat nga proud tayo.

"Dapat nga ipagbunyi natin si Rose, kasi nagdagdag siya ng karangalan sa Pilipinas.

“Dapat tayo yung unang maging masaya, malaking achievement yun.

"Biruin mo, 46 years old na siya at karamihan ng nakalaban niya, magaling din at mas bata sa kanya.

"Tsaka three judges at lahat Israeli ay tinanggap siya na magaling, at siya ang itinanghal na winner.

"Dapat na tayong matuwa dun."

Patuloy ng veteran TV host, “Pinanood ko nga yung mga videos ng laban niya, at nakita ko sa kanya na gusto niyang manalo.

"Kasi pangarap niya ang maging singer kaya ginagalingan bawat laban.

“Dun sa mga kapwa nating Filipino na nanlalait sa kanya e subukan nga nilang kumanta.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Baka nga kahit pagkanta sa banyo e hindi sila tanggapin!

“Yung mga taong ganun ang hindi dapat pansinin, kasi sila yung mga walang magawa, wala silang maipagmamalaki.

“Tigilan na lang nila ang panglalait at alisin ang inggit sa katawan."

WALK OF FAME. Samantala, ayaw nang patulan ni Kuya Germs ang mga intriga sakaling ilagay na nito ang pangalan ni Osang sa Walk of Fame Philippines.

Saad niya, “Sana nga matuloy yung sinasabi niyang makakauwi siya.

"Para tamang-tama, sa paglagay ko ng pangalan niya, naririto siya sa bansa at makikita niya.

“Bansang Pilipinas ang ating pinag-uusapan.

"Wala akong pakialam kung meron mang iba na maiinggit at babatikos sa gagawin kong paglalagay ng pangalan ni Rose sa Walk of Fame Philippines.

"[Kung] meron silang mas gustong ilagay ko e maghintay na lang.

“Kung sa ibang bansa nga, kinikilala ang galing ng Pinoy, like Rose, bakit hindi rin natin bigyan ng parangal ang katulad nila?

"Ang ganitong pangyayari ay bihira kaya ipakita natin sa buong mundo na pinararangalan natin ang ating mga kababayan na nagbibigay parangal sa ating bansa.

"Maging masaya na lang tayo at wag maging mapanghusga."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN