Rose Fostanes finally allowed to work as singer in Israel

“Sobrang bait po ng amo ko, sinusuportahan niya ako. Hindi kasi ako puwedeng kumanta dito, dahil iba yung visa ko. Kaya kailangan kong i-give up yung caregiver visa ko at kukuha ako ng visa para sa singer,” says 47-year-old X Factor Israel grand champion Rose Fostanes about being allowed by her former employer to change working visa so she can work as a singer in Israel.


Maaari nang magtrabaho bilang singer si Rose Fostanes, ang Pinay caregiver na nanalo sa X Factor Israel.

Ito ay pagkatapos mapalitan ang working visa niya mula pagiging caregiver sa pagiging professional singer.

Read: Pinay caregiver Rose Fostanes declared winner in X Factor Israel

Ayon sa ulat ng The Times of Israel, na nailathala sa website nito noong January 20, inanunsiyo ng Ministry of the Interior ng Israel ang tungkol sa pagbibigay ng permiso kay Rose na magtrabaho bilang singer, noong Linggo, January 19.

Matatandaan na isang araw matapos ang pagkapanalo ni Rose—ang kaisa-isang dayuhan na sumali sa X Factor Israel—ay napag-alaman na hindi siya maaaring magtrabaho bilang professional singer sa Israel dahil ang kontrata niya roon ay bilang caregiver.

Read: Rose Fostanes cannot work as professional singer in Israel

Subalit hindi naman nagtagal ang panghihinayang na dulot ng balitang ito dahil, sa pamamagitan na rin ng hiling ng publiko, agad siyang nabigyan ng pagkakataong simulan ang kanyang singing career sa Isarel.

Sa phone interview ni German "Kuya Germs" Moreno kay Rose sa radio program na Master Showman sa dzBB, kahapon, January 21, sinabi ng 47-year-old caregiver na pinayagan siya ng kanyang amo na magpalit ng working visa.

Kuwento ni Rose, “Binigyan niya ako ng option kung ipagpapatuloy ko ang pagki-caregiver ko o pagiging singer.

“Siya nga ang nagsasabi sa akin na okey lang na piliin ko yung pagiging singer, may mga bagay lang daw ako na dapat gawin na request niya.

“Una, huwag daw ako makakalimot na pumasyal-pasyal sa kanya.

“Pangalawa, dapat daw sabayan ko siya sa pag-inom nang kami!”

Dagdag pa ni Rose, “Sobrang bait po ng amo ko, sinusuportahan niya ako.

“Hindi kasi ako puwedeng kumanta dito, dahil iba yung visa ko.

“Kaya kailangan kong i-give up yung caregiver visa ko at kukuha ako ng visa para sa singer.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



MORE OPPORTUNITIES. Ngayong naayos na ang kanyang visa, maitutuloy na ni Rose ang singing career niya sa Israel.

Bukod sa titulo bilang kauna-unahang grand champion ng X Factor Israel, nanalo rin si Rose ng three-year recording contract.

Kabilang dito ang paggawa niya ng music album sa Israel.

Sabi ni Rose, “Pero dahil hindi pa ako marunong magsalita ng lengguwahe nila, puro English songs ang laman ng album ko.”

Tinanong ni Kuya Germs kung ire-release din ang gagawin niyang album sa Pilipinas.

Sagot ni Rose, “Yun po ang pagkakaalam ko.”

Bukod sa album, mayroon din daw plano para sa kanyang concert.

“Sabi nila magkakaroon daw ako ng concert kasama ng mentor ko sa Dubai at marami pang bansa.

"Hopefully, diyan din sa Pilipinas.”

Dahil sa kanyang pagkapanalo, inamin ni Rose na mayroon nang ilang pagbabago sa buhay niya ngayon sa Israel.

“Ang mga nabago lang, yung mga nangyayari sa akin ngayon.

“Katulad ng marami nang nakakakilala sa akin, may mga nagpapalitrato at nagpapa-authograph na.

“Biglang nag-iba yung buhay ko, pero in a good way.

“Para sa pamilya ko ito at sa lahat ng mga taong sumusuporta sa akin.”

Sa dulo ng panayam, nagpasalamat si Rose sa lahat ng mga Pilipino na nagbigay ng suporta sa kanya.

“Sa lahat ng mga Pilipino na naniwala at naniniwala sa akin, maraming-maraming salamat po.

“Magkitkita po tayo pagbalik ko ng Pilipinas.

“Mula sa aking puso, maraming-maraming salamat po!” pagtatapos ni Rose.

Sa pagbabalik ng Pinay caregiver-turned-singer sa bansa, nangako si Kuya Germs na isasama niya ang pangalan ni Rose sa Walk of Fame Philippines.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN