Joyce Ching reveals Kristoffer Martin initiated their breakup

Tumagal ng dalawang taon at walong buwan ang relasyon nina Joyce Ching at Kristoffer Martin. Ano ang natutunan ng young actress sa naging relasyon nila? Sagot ni Joyce, “Natutunan ko na siguro, huwag masyadong ibuhos ang sarili sa isang guy. Parang kapag nagmahal ka, totoo kang magmahal. Pero, gagamitan mo pa rin ng utak.”


Apat na buwan na ang nakalilipas mula nang mag-break ang Kapuso young stars na sina Joyce Ching at Kristoffer Martin.

Ngayon, muli silang magkasama sa bagong afternoon soap ng GMA Network—ang Paraiso Ko’y Ikaw.

Mukhang masaya naman si Joyce nang humarap siya sa press conference ng kanila teleserye kagabi, January 21. Kaya naman naengganyo ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press na tanungin kung ano ang saloobin niya sa hiwalayan nila ni Kristoffer.

Kumusta na siya ngayon?

Sagot ni Joyce, “Okay naman, okay naman po.

"Siyempre noong una, ang hirap. Sobrang hirap talaga.

"Pero after ng ilang months, friends naman na kami ulit.”

Paano sila naging magkaibigan ulit?

“Paano ba kami naging friends? Basta po, okay naman kami. Naging okay naman,” sagot niya.

Walang naging ilangan?

“Noong una po,” pag-amin niya.

“Kasi dati, hindi naman kami nagkikita dahil wala naman ako sa Sunday All Stars.

"Pero noong nag-start na po iyong promo [ng Paraiso Ko’y Ikaw], noong una po, sobrang ilangan.

“Parang hindi talaga… noong unang kita namin, quiet lang, hindi ako namamansin.

“Pero kasi, ang hirap din na may kabigatan ka ng loob, tapos makakatrabaho mo.

"So, friends na lang kami kesa naman mahihirapan kami parehas. Maaapektuhan pa ang trabaho.”

"FEELINGS" FOR EX-BF. Hindi naman itinanggi ni Joyce na may nararamdaman pa rin siya para kay Kristoffer.

“Meron pa po, meron pa,” mabilis niyang sagot nang tanungin tungkol dito.

Sa scale na 1 to 10, nasaan pa ang pagmamahal niya kay Kristoffer. Nasa 9 ba?

“Hindi naman!” natawa niyang sabi.

Seven to eight?

“Yun, siguro ganun,” pag-amin niya.

May posibilidad bang magkabalikan sila?

“A, hindi ko pa po alam. Hindi ko pa po sigurado.

“Hindi ko pa po talaga alam kung magkakabalikan.

"Kasi kung magkakabalikan naman, hindi naman yun desisyon ng isang tao lang, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Dapat dalawang tao ang nagde-decide.”

Hindi ba niya nararamdaman na nanunuyo muli sa kanya si Kristoffer?

“Wala naman po,” sagot ni Joyce.

Kung sakali at ligawan siya nitong muli, open ba siya?

“Opo, open naman po ako.

"Basta, wala... hindi ako nagsasarado ng pinto.

"Pero, hindi ko po talaga sure kung magkakabalikan.”

Wala pa siyang ine-entertain na ibang manliligaw?

“Wala po,” nakangiti niyang sabi.



WHO SPLIT WITH WHOM. Sa huling panayam ng PEP kay Kristoffer, sinabi nitong masasaktan siya kapag may iba nang nanliligaw kay Joyce maski wala na siyang karapatan.

Tanong namin kay Joyce: Wala na nga bang karapatan si Kristoffer na masaktan o magselos?

Sagot niya, “Sa akin naman po, hindi naman po karapatan na yung gumagana kapag emosyon naman po.

“Wala ka namang magagawa kasi nararamdaman naman po yun.”

Ang narinig namin, siya raw ang nakipag-break kay Kristoffer?

“Siya po,” mabilis na pagtanggi ni Joyce.

Totoo bang nagselos siya kay Julie Anne San Jose, na leading lady noon ni Kristoffer sa Nasaan Ka Man?

“A, hindi naman po masyado,” nangingiting sagot ni Joyce.

Marami ang natutuwa sa relasyon nila noon kaya marami rin ang nanghinayang nang mag-break sila.

Si Julie Anne nga ba ang dahilan?

“Tanungin niyo na lang po siya,” nakangiting sagot ni Joyce.

Naniwala ba siya sa mga bali-balita noon tungkol kina Kristoffer at Joyce?

“Ayoko na pong magsalita,” iwas ng dalaga.

Pero noong si Kristoffer naman ang nakausap ng entertainment press, itinanggi nitong may kinalaman si Julie Anne sa naging breakup nila.

Nakangiting sabi ni Joyce tungkol dito, “E, tanungin niyo na lang po siya.

"Kung ano po ang sinabi niya, yun na lang.”

Kumusta sila ni Julie Anne?

Sagot ni Joyce, “Okay naman po kami.

“Ever since naman po noon, hindi po kami yung sobrang nagkakatsikahan, yung close.

"Kasi, hindi rin naman kami nagkasama sa isang soap.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa party-party lang, batian. Hi, hello.”



LESSONS LEARNED. Ayon kay Joyce, si Kristoffer ang una niyang naging boyfriend. Tumagal ang relasyon nila ng dalawang taon at walong buwan.

Ano ang natutunan niya sa naging relasyon nila?

“Natutunan ko na siguro, huwag masyadong ibuhos ang sarili sa isang guy.

"Parang kapag nagmahal ka, totoo kang magmahal.

“Pero, gagamitan mo pa rin ng utak.”

Kinamusta rin namin ang singsing na ibinigay sa kanya ni Kristoffer noon. Nasaan na ito?

“Nasa kanya na po.”

Isinoli niya?

“Hindi po, kinuha niya.”

Binawi ni Kristoffer?

“Hindi, hindi po. Hindi po niya binawi sa ganoong reason.

"Parang remembrance po.”

Kumusta ang pakikitungo ngayon ng mga magulang niya kay Kristoffer?

“Okay naman po. Sina Mommy naman po, kung tao kang haharap, tao ka rin nilang haharapin.”

KONTRABIDA ROLE. Sa Paraiso Ko’y Ikaw ay kontrabida muli ang karakter na ginagampanan ni Joyce.

Pero hindi raw niya masasabing third party o triangle sila rito nina Kristoffer at Kim Rodriguez.

Ayon kay Joyce, “Actually, sa story po, wala po kaming connection ni Kristoffer.

"Parang si Kim at si Kristoffer po.

“Tapos ako, gusto ko si Pythos [Ramirez]. Tapos si Pythos, magkakagusto kay Kim.

"Siya po ang gusto ko.

“Parang ang conflict ko talaga, mas kay Kim.”

Masuwerte naman si Joyce dahil halos hindi siya nababakante ng trabaho.

Pagkatapos ng Dormitoryo ay mayroon na siyang Paraiso Ko’y Ikaw.

“Oo nga po,” nakangiti niyang pagsang-ayon.

Mas okay ba ngayon na wala siyang boyfriend?

“A, okay din naman po.

"Hindi ko masasabing mas okay. Pero nakakaya naman.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN