Glaiza de Castro treats kids with cancer on her birthday; still waiting for next drama series

Sa halip na isang magarbong birthday party ang ihandog niya sa kanyang mga kaibigan at kasamahan sa trabaho, mas pinili ni Glaiza de Castro na magbigay ng kasiyahan sa mga batang may kanser.


Isang children’s party para sa mga batang cancer patients na nasa pangangalaga ng CHILD Haus ang pinangunahan ng Kapuso star na si Glaiza de Castro, kahapon, January 27, sa Teachers Village, Quezon City.

Ito ay bahagi ng pagdiriwang ng 26th birthday ng aktres noong January 21.

Sa halip na isang magarbong birthday party ang ihandog niya sa kanyang mga kaibigan at kasamahan sa trabaho, mas pinili ng aktres na magbigay ng kasiyahan sa mga batang may sakit.

Ang CHILD Haus ay isang institusyon na may layuning bigyan ng pansamantatalang tirahan ang mga mahihirap na magulang na may anak na may sakit na kanser at iba pang dreaded diseases.

Pinamumunuan ito ng Ricky Reyes Foundation ng beauty expert na si Ricky Reyes.

Pahayag ni Glaiza, “Ginagawa ko naman ito actually every year.

"This time nga lang, kasama ko ang GMA Artist Center, na naisipan din lang namin na kung nabibigyan ka ng maraming blessings, kailangan ay ibigay mo rin siya sa iba.

"Parang instrumento ka lang naman ng blessings na ’yan kaya pasa-pasa din lang naman."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), kasama ang ilang TV media, ang aktres bago pa man simulan ang pagbibigay niya ng kasiyahan sa mga bata.



LAST YEAR. Noong isang taon, ipinagdiwang ni Glaiza ang kanyang 25th birthday sa pamamagitan ng isang magarbong party sa isang hotel sa Quezon City.

Inalam namin kung bakit hindi na niya ito sinundan ngayong taon.

Paliwanag ng Vampire Ang Daddy Ko star, "Yun nga, kasi last year, ang laki rin ng nagastos ko sa party, para na rin sa akin at para na rin sa mga kaibigan ko.

"Naisip ko na sa dami ng mga nangyayari sa Pilipinas… heto, wala pa nga ito.

"Kumbaga, maibalik ko man lang sa mga tao ang blessings na naibigay sa akin last year, masaya na ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko man kilala ang mga batang ito, pero malapit sila sa puso ko dahil siguro na rin sa mga pamangkin ko.

"Kaya kahit maliit na party lang ito, pero sana ay nakapagbigay ako sa kanila ng hope at entertainment."

Sa party ay naghandog ng kanta at namigay ng mga regalo si Glaiza, bukod pa sa mga handang pagkain na labis ikinatuwa ng mga bata.

Dagdag pa ng aktres, "First time ko ito dito sa CHILD Haus.

"Dati kasi, sa orphanages kami, like yung sa Valenzuela at iba pang lugar.

"Una, dapat sa Home for the Aged kami, pero naisip namin na marami pa namang pagkakataon na makapunta kami doon.

“Kaya inuna ko na ang mga bata, kasi first time ko ito with them.

"At saka tulad ng sinabi ko kanina, malapit ako sa mga bata at naniniwala talaga ako na malaki ang maitutulong nila sa atin, regardless of their situation.

“Malaking inspirasyon ang ibinibigay nila sa atin.

"Kaya nga kahit hindi birthday ay naisip kong gawin pa rin ito."



STILL WAITING FOR NEXT SOAP. Sa puntong ito ay tinanong namin si Glaiza tungkol sa takbo ng career niya ngayon.

Naging malakas ang dating sa publiko ng pagkakaganap niya bilang Heidi sa primetime series na Temptation of Wife.

Natapos ang naturang soap noon pang April 2013, pero hanggang ngayon ay wala pang bagong teleserye ang aktres.

Pahayag ni Glaiza, "Oo nga, e. Medyo matagal na rin nga po.

"Pero may naririnig akong projects for me sa GMA, pero hindi ko pa rin masabi yun, kasi hindi pa naman talaga siya confirmed.

"Hopefully matuloy at nae-excite na rin ako.

"At saka, para sa akin ay hindi naman ako nawala, kahit paano....

"Sa ngayon po, marami rin naman akong inaasikaso habang hindi ako nakikita sa TV."

Isa sa pinagkakaabalahan niya ay ang katatayo pa lang nilang Galura Talent Agency, na matatagpuan sa Congressional Avenue, Quezon City.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Galura ang apelyido ni Glaiza sa totoong buhay.

Aniya, "Bago rin kasi sa akin ang business na ito at ngayon lang ako nasabak sa ganitong trabaho.

"Mahirap, pero masaya at nakakatuwa na marami na rin ang kaming enrollees.

“Kaya kahit wala akong ginagawa sa TV ay may pinagkakaabalahan naman ako sa likod ng camera."

Mainstay si Glaiza sa comedy series na Vampire Ang Daddy Ko at regular rin siyang napapanood sa musical-variety show na Sunday All Stars.

Hindi ba siya nagtatanong sa management kung bakit natatagalan ang kasunod niyang teleserye?

Sabi ni Glaiza, "Naniniwala naman po ako sa tinatawag nating right timing.

"Meron namang mga ibinibigay, pero parang... nagde-decide kami na baka meron pang ibibigay na mas maganda.

"Okay naman po ako, may pinagkakaabalahan naman po ako.

"Iba pa rin siyempre kapag sa soap, kailangan yung 80 percent or 90 percent of your time and dedication ay kailangan nandun.

"Siguro sa ngayon ay nire-ready pa ako sa malaking challenge.

"Oo, siguro sa pag-arte ulit, kasi iba talaga ang feeling kapag aktres ang dating sa iyo ng role, di ba?"

Pakiramdam ni Glaiza ay mahihirapan siyang mahigitan ang ginawa niya sa Temptation of Wife.

"Pero tayo naman, bilang aktres, yung sa bawat proyekto na ginagawa natin, goal natin to make it better lagi.

"Hindi naman siya yung paulit-ulit lagi, para hindi naman nakakasawa sa tao.

"So, hopefully po, yung susunod na ibibigay sa akin ay handang-handa na ako kapag dumating," asam pa niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN