Roi Vinzon amazed by sudden rise of his TV career; might sign exclusive contract with GMA

Roi Vinzon on doing teleseryes: "Nanibago siyempre ako sa oras ng taping. Nanibago rin ako, dahil bukod sa puyatan ng taping, kumpara sa mga nagawa at sinalihan ko dating mga pelikula, sa TV pala ay mahahaba ang dayalog. Kailangang magtiyaga ka, aralin mo ang script para hindi ka naman mapahiya."


Pagkatapos ng matagumpay niyang paglabas sa My Husband’s Lover, muling napapanood ngayon sa primetime ng GMA Network ang aktor na si Roi Vinzon.

Ito ay sa pamamagitan ng Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw, na nagsimulang umere noong Lunes, January 27.

Ngunit kuwento ni Roi sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), dumating ang puntong hindi niya alam kung ipagpapatuloy pa niya ang pag-arte dahil humina ang paggawa ng pelikula, partikular na ang action films kung saan siya nakilala.

Saad niya, “Nagsimula ako sa pelikula. E, yun ang medium ko.

"Tapos, parang nawala ang mga pelikula.

"Medyo nag-isip na lang ako na maging busy sa ibang bagay."

Ano ang mga pinagkaabalahan niya nang wala siyang ginagawang pelikula?

“Sa mga lupain. Inaasikaso ko. Mga minana ko kasing lupa iyon.

"Madalas, kung hindi nasa Pampanga ako ay nasa Baguio City ako.

"Naging ganun ang lifestyle ko dati.

“Bukod sa mga lupain na minana ko sa mga magulang ko, mayroon din akong mga paupahang bahay sa Baguio, may ari-arian din akong maliliit sa Green Valley.

“Kaya nung parang walang labas sa TV at pelikula, dun pa lang sa mga pinagkakaabalahan kong ari-arian sa Pampanga at sa Baguio ay okey na ako, e.

"Ipinalagay ko na lang sa sarili ko na kung medyo matumal ang trabaho sa showbiz, dun na lang muna ako sa mga kabuhayan kong inaasikaso."

SHOWBIZ COMEBACK. Paano ba siya nakabalik sa showbiz?

Lahad ni Roi, “Habang busy ako sa mga negosyo ko, kinuha ako sa pelikulang Tiktik [2012] ni Dingdong Dantes.

“Parang doon na nagsimula, na sunud-sunod na yung kumukuha ulit sa akin.

"Kaya ako naman, natuwa ulit ako, dahil kasi nga, nung mawala na si FPJ [Fernando Poe Jr.], hindi na ako madalas makasama sa pelikula.

"Pagkatapos kay Dingdong, isinama na ako ng GMA-7 sa Indio [2013] ni Senator Bong Revilla

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sumunod na, kinuha na ako para sa My Husband’s Lover, na talagang nagulat ako dahil napansin ang role ko bilang military na ama ni Tom Rodriguez.

"Maraming nagalit sa karakter ko, na ikinatuwa ko naman, dahil nagampanan ko pala yung hinihingi ng role ko dun sa teleseye.

"Masaya ako dahil nag-action ako dati at nakapag-drama rin nitong huli.”

Nawalan ba siya ng tiwala sa kanyang talento sa pag-arte nang naging madalang ang kanyang mga proyekto?

"Naku, hindi," sagot ni Roi.

"Marami nga kasi akong ibang ginagawa.

"Nung wala akong labas sa TV at pelikula, ang inisip ko lang talaga ay ganyan ang kalakaran sa showbiz.

"Minsan meron, minsan wala. Okey lang naman ‘yon.

"Kaya dapat, may iba ka pang pinagkakaabalahan bukod sa pag-aartista.”

Inihanda na rin daw noon ni Roi ang kanyang kalooban na mawala na sa showbiz.

“Kasi, kung walang project na magpapatunay na ikaw ay isang artista, ipipilit mo ba ang sarili mo? Siyempre hindi.

"Ang sa akin lang, okey na ako sa dalawampung taon na nasubukan ko ang showbiz.

“Okey na sa akin yung alam kong kahit mawala na ako at hindi napapanood sa showbiz, ay alam na nila ang pangalan ko, na may dating nag-artistang si Roi Vinzon.”

Positibo rin ang pananaw ni Roi nung mga panahong ang ibang kumpanya ng pelikula na kumukuha sa kanya ay nakakalimutan na siya para isama sa mga bagong proyekto.

“Kung iisipin mo ay malungkot ‘yon.

"Kaya lang, ang katuwiran ko naman, kung kailangan ka ay kukunin ka. Kung hindi ay wala kang magagawa.

"Ganun lang ‘yon, kaya huwag mong ipagmukmok."

THE WORLD OF TELEVISION. Naaaliw raw si Roi ngayon sa kalakaran ng kanyang trabaho sa telebisyon.

“Magaganda ang papel na ipinagkakatiwala sa akin ng GMA.

“Mababait din naman ang mga artista ngayon, tulad nina Marian Rivera, Alden Richards, Dennis Trillo, Dingdong Dantes, Tom Rodriguez, at Carla Abellana, na mga nakasama ko na.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Dahil siguro mga batang henerasyon sila, at tatay na nila ako!" natawang sabi ni Roi.

Dagdag niya, “May pagbabago at may respeto akong nakukuha.

"Tulad ngayon, sabi’y magsa-sign daw ako ng contract sa GMA.

"Sabi ko, di okey lang. Ang sarap.

"Mga ganun, isasama ka sa mga teleserye nila, pinapipirma ka ng contract.

"Nakakataba ng puso sa isang artista na ipadama sa iyo ang pagpapahalaga.”

Hindi ba niya naranasan dati ang ganitong pagkilala?

Ayon kay Roi, “Iba ang pagpapahalaga noon sa akin bilang artista.

"Iba rin ngayon, na parang habang nagkakaedad na ako, ay magkakaroon pa rin pala ng ganitong pagpapahalaga sa akin bilang actor.

“Masarap sa pakiramdam. Kaya sobra kong inirerespeto ang trabaho ko.

“Sa mga pagpapahalagang bago kong nararanasan ngayon, naroon ako sa pag-iisip na kailangan talaga, habang tumatanda ka sa industriya ay mas lalo mo pang pag-ayusin ang field mo.

"Huwag mong gawing dahilan na nagkakaedad ka na para hindi matuto.

"Tuluy-tuloy dapat ang pag-aaral para sa ikauunlad mo sa larangang ito. Ganun.”

Sobra raw nanibago si Roi sa una niyang pagsalang sa telebisyon.

“Nanibago siyempre ako sa oras ng taping.

“Nanibago rin ako, dahil bukod sa puyatan ng taping, kumpara sa mga nagawa at sinalihan ko dating mga pelikula, sa TV pala ay mahahaba ang dayalog.

"Kailangang magtiyaga ka, aralin mo ang script para hindi ka naman mapahiya.

“Nagtiyaga siyempre ako nitong mapunta na ako sa TV.

"Aba, kailangan mo rin kasing sumabay at paghandaan kahit mga kabataan ngayon na sikat sa showbiz ang makakaeksena.

"Kasi, sila yung mga ilang panahon na rin na sanay na lumalabas sa telebisyon.

“Kailangan, ang mga kabataan ngayon na nagbibida sa telebisyon ay sabayan ko din, dahil kung hindi ay baka lamunin naman nila ako sa mga eksena.

"Magagaling sila. Hindi puwedeng papatay-patay ka sa acting.

"Kasi nga, kadarating ko lang sa larangan ng telebisyon. Nagsimula ako sa pelikula, e.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang sikreto ni Roi at nariyan pa rin siya at nakakabalik sa showbiz?

“Siguro may hindi lang sila natiyempuhan,” pasubali ni Roi sa ilang kasabayan niya.

“Ako lang siguro ay medyo sinubukan dun sa bagay na sumakto na bumagay sa akin, na mayroong ibang nakapansin, nasundan pa, at umokey naman.

"Na parang fruit salad, na nagkasama-sama, kaya naging okey.

"Ipinagpapasalamat ko naman iyon."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN