Jennylyn Mercado clarifies alleged rift with Marian Rivera; asserts she never got back with ex-boyfriend Mark Herras

Jennylyn Mercado reiterates that she never got back in a romantic relationship with ex-boyfriend Mark Herras: “Pero hindi naging kami [uli], ha. Hindi talaga. Iyon ang sasabihin ko, buong puso. Hindi, hindi talaga!”


Sa ilang episodes ng Sunday All Stars (SAS) ay nagkakasama sina Jennylyn Mercado at Marian Rivera, tulad sa Sinulog Festival sa Cebu kamakailan, kung saan nag-promote sila ng kani-kanilang shows sa GMA na Rhodora X at Carmela.

Kaya natanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jennylyn sa presscon ng Rhodora X kamakailan kung kumusta sila ni Marian.



NO ISSUE WITH MARIAN. Matatandaang dati ay nagkaroon ng issue sa pagitan nina Jennylyn at Marian, dahil pareho silang na-link kay Mark.

Kapag magkasama ba sila ni Marian ay walang ilangan sa kanilang dalawa?

Mabilis na sagot ni Jennylyn, “Wala!

“Alam mo nagagalit ako kay Mark noon kasi hindi ko alam. Sabi ko, ‘Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin?’

“’Di ba? Wala talaga akong alam! Wala akong alam.

“Matagal na po iyon, e. ‘Bakit hindi mo sinabi sa akin? Ayoko ng may mga ganyan!’

“Gaganun ako. Kasi ayokong mangyari sa akin yung ganun.”

May nagbiro kay Jennylyn na baka ang isinagot ni Mark sa kanya, ‘Bakit ko sasabihin?’

Pagsang-ayon ni Jen, “Mismo, mismo!

“Ayun, ayoko kasi ng ganun, yung parang ang sama ng pakiramdam."

Iyon yung mga panahon na nagte-taping sina Jennylyn at Mark ng teleseryeng I Luv NY sa New York City sa Amerika noong 2011, kasabay ng balitang nanliligaw si Mark kay Marian.



NEVER GOT BACK WITH MARK. May nagbiro muli kay Jennylyn na dahil doon ay hindi nagtuluy-tuloy ang relasyon nina Mark at Marian.

“Ang sama ko! Maglalaslas ako, maglalaslas ako!” at tumawa nang tumawa si Jennylyn sa sariling biro.

“Pero hindi naging kami [uli], ha! Hindi talaga. Iyon ang sasabihin ko, buong puso. Hindi, hindi talaga!”

Hindi talaga sila nagkabalikan ni Mark noong nasa New York sila?

Naging magkasintahan sina Jennylyn at Mark matapos nilang sumali at parehong manalo sa reality star search ng GMA-7 nung 2003 na Starstruck. Naghiwalay sila nung 2006, ngunit nanatiling magka-loveteam.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi kami nagkabalikan, kailangan lang naming maging sweet para sa show,” ang mabilis na sagot ni Jennylyn. “Oo, totoo yun, honestly.”

Kaya ever since daw ay hindi sila nagkaroon ng ilangan ni Marian.

“Wala po. Hindi po kami ganun ka-close, ha. Pero masasabi ko po na okey kami. Kasi tuwing magkikita kami, nagkukumustahan kami.

“’Tapos kunyari pag nasa backstage, may isang instance na magkatabi kami, tinabihan ko siya sa upuan.

"‘Kumusta ka na?’

“Hahawakan ko, kakausapin ko... Ganun.”



BIGGEST REGRET. Sa rami ng intriga’t mga pagsubok na pinagdaanan ni Jennylyn, tinanong namin siya kung meron ba siyang biggest regret sa buhay.

“Wala akong regrets. Kasi lahat ng mga nangyari sa buhay ko, siguro hindi ako ganito ngayon kalakas o hindi ako ganito ka-strong ngayon kung hindi nangyari. Kung hindi ko pinagdaanan lahat yun.

“Yung mga pinagdaanan ko na yun, ang dami kong natutunan, ang dami kong narating, iyon. Kaya siguro ako ganito kalakas ’tsaka ganito kasaya ngayon kasi pinagdaanan ko na lahat,” pagmamalaki niya.

Handa na ba siyang umbig muli?

Aniya, “Not anytime soon.”

Not this year?

“No, no, no. It’s too soon... Too soon,” dagdag pa ni Jen.



TEMPTATIONS IN SHOWBIZ. Ayaw na raw niya ng karelasyon na artista.

“Ayoko na po,” at natawa si Jennylyn, “Ayoko na po.”

Ano ang dahilan?

“Ito totoo, ha. Kasi ako totoo ako, kapag nagsalita naman ako sa inyo, totoo naman sinasabi ko.

“Ang daming magagandang mukha, ang daming temptation, hindi mawawala yun. Kasi kahit sino naman, hindi naman parating lalaki yung nanloloko.

“Minsan may mga instances na—ito totoo lang—minsan may mga instances na babae naman, ’di ba?

“So, sa industriya, nasa sa iyo naman, e. Pero iyon lang yung reality, ’di ba? Ang dami mong nakikita, ang daming temptation, that’s it.”

Kaya sa susunod na iibig siya, hindi na artista ang pipiliin niya?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sana! Sana. And sana yun na. Kasi ang hirap mag-adjust.”

Gusto na ba niya na ikasal?

Pakli niya, “Huwag muna, huwag muna. Kasi ano, e. Bata pa si Jazz.”

Limang taon pa lang ang anak ni Jennylyn na si Alex Jazz.

Speaking of Jazz, hindi raw ito mag-aartista dahil walang hilig.

“Ayaw," sabi ni Jennylyn.

O baka naman si Jennylyn lang ang may ayaw?

“Ako rin,” sabay tawa uli niya.

Wala siyang nakikitang pagkahilig ni Jazz sa pag-aartista?

“Wala po, e. Kasi parang iba siya, e. Ano si Jazz, e... Suplado, e."

LOYAL KAPUSO. Nakakontrata pa sa GMA Network ng dalawang taon si Jennylyn.

Pagkatapos ng dalawang taon, paano kapag may ibang network na magkainteres na kunin siya?

Sa mga nakaraang taon ay wala raw nag-offer sa kanya.

“Ay, wala po kasi po once na matapos ang kontrata ko, pirma po ako agad, e.”

Sampung taon nang loyal Kapuso si Jennylyn.

At sa sampung taon na pagiging Kapuso niya, nangangarap namang makagawa si Jennylyn ng mas "lighter role."

Ayon kay Jen, “Lighter, yung lighter role, like yung medyo romcom [romantic comedy], yung ganyan. Kasi puro mabibigat lahat, e.”

Aniya, mabigat at matindi ang papel niya bilang Rhodora/Roxanne sa Rhodora X.



WANTS TO WORK WITH LLOYDIE. Sino pa ang mga gustong makapareha ni Jennylyn sa mga susunod niyang projects na hindi pa niya nakakapareha?

Sabi ni Jen, “Si Ano, teka lang. Puwede ba ano... Ay, hindi puwede, e.”

Pinilit namin siyang sabihin ang aktor na gusto niyang makapareha.

“Ay, grabe talaga! Si John Lloyd,” bulalas niya.

Hindi pa raw sila nagkakakilala ni John Lloyd Cruz. Pero nagkita na sila.

“Sa airport,” at natawa si Jennylyn. “Nakita ko lang siya naglalakad na ganun.”

Bakit gusto niyang makatrabaho si John Lloyd?

“Ang galing talaga niyang umarte, e. Sobra!” natatawa niyang pahayag.



HAPPY TO FIND MISSING LOLA IN TACLOBAN. Samantala, nahanap na raw ang nawawalang lola ni Jennylyn sa Tacloban na hindi mahanap noong kasagsagan ng bagyong Yolanda.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dapat sana ay pupunta roon si Jennylyn.

“Ito po kasi [Rhodora X] pumasok na po, tuluy-tuloy na ang taping. Pero naipadala ko na po lahat,” saad niya.

Ang lahat ng kamag-anak niya sa mother’s side ay taga-Tacloban.

Okey na raw lahat sila.

“Matagal po namin bago nakita lahat,” dagdag pa niya.

Nasa maayos na kalagayan na raw lahat ng relatives ni Jennylyn, at naipadala na niya ang lahat ng mga ito sa Maynila.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN