Senator Jinggoy Estrada disproves Ruby Tuason’s allegation; says, “…never siyang nag-abot ng pera sa akin, e.”

Nasaktan daw si Senator Jinggoy Estrada (kaliwa) sa paglantad ng kaibigan ng kanilang pamilya na si Ruby Tuason (pangalawa mula sa kaliwa).

Sinumpaan ni Ruby kahapon, February 7, ang kanyang 15-pahinang testimonya sa Office of the Ombudsman sa harap nina Ombudsman Conchita Carpio Morales (pangalawa mula sa kanan) at Justice Secretary Leila de Lima (kanan).


Ginipit. Napilitan. Sumama ang loob.

Ito ang paglalarawan ni Senator Jinggoy Estrada sa paglantad ng kaibigan ng kanilang pamilya na si Ruby Tuason.

Si Ruby ang dating social secretary ng ama ni Jinggoy, si Joseph Estrada, na noon ay Pangulo ng bansa at ngayo’y alkalde na ng Lungsod ng Maynila.

Kaibigan pa raw ng kanyang inang si dating senador Loi Ejercito si Tuason, na kasapi pa raw ng MARE, ang organisasyon ni Loi na tumulong sa presidential campaign ni Erap noong 1998.

Nag-donate din daw si Tuason ng halagang dalawang milyong piso sa senatorial campaign ni Jinggoy noong eleksiyon ng taong 2010.

“NEVER SIYANG NAG-ABOT NG PERA SA AKIN…” Kahapon ng madaling araw, February 7, dumating sa bansa si Ruby matapos ang ilang buwang pagtatago sa Amerika dahil sa pagkakaugnay nito sa pork-barrel scam.

Isa siya sa lampas tatlumpong indibidwal na kinasuhan ng plunder ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) sa Office of the Ombudsman noong September 16, 2013.

Bago pa man siya pormal na kasuhan, nakaalis na ito ng Pilipinas noong August 26, 2013.

Sa kanyang pagbabalik-bansa, baon niya ang labinlimang pahinang salaysay kung saan idiniin nitong siya diumano ang personal na nag-aabot ng kickback kina Senator Estrada at Senator Juan Ponce Enrile mula sa mga maanomaliyang transaksiyon ng mga non-government organizations (NGOs) na itinayo diumano ni Janet Lim-Napoles.

Sinabi rin ni Tuason na siya raw ang nagpakilala sa dalawang mambabatas kay Napoles.

Read: Former aide of ex-President Joseph Estrada reveals delivering PDAF kickback to Senators Juan Ponce Enrile and Jinggoy Estrada

Pero sa panayam ng State of the Nation ng GMA NewsTV Channel 11 kagabi, February 7, kay Senator Estrada, mariin nitong pinabulaanan ang nakasaad sa testimonya ni Ruby.

Sinabi rin nitong masama ang loob niya dahil malapit silang magkaibigan. Tita pa nga raw ang tawag niya dito.

Aniya, “Masama lang ang loob ko dahil malapit sa akin yung tao e hindi ko akalain na gagawin sa amin, gagawin sa akin ‘to.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero wala naman talaga, e. Never siyang nag-abot ng pera sa akin, e. Bakit?

“Kasi meron siyang pinagsabihan na Nanay ng abugado ko, noong nakaraang December.

"Sinabi, ‘Ayokong makulong. Gagawin ko lahat, huwag lang akong makukulong.’”



ISANG MALAKING KASINUNGALINGAN. Dagdag pa sa ulat, ang hinala raw ng mamababatas, "pressured" si Tuason na mag-imbento.

Saad niya, “Mas malaki pa raw ang aking natanggap kaysa sa sinabi ni Benhur Luy?

“E, hindi niya masabi kung magkano, e? Ni walang figures, e.

“I totally deny that. That is not true. And I have never authorized her to talk about my PDAF, to talk about my PDAF allocation. She was never my staff, officially or unofficially.”

Ayon pa kay Jinggoy, hindi si Ruby kundi ang kapatid nito ang kanyang naging staff hanggang December 2013.

Pumupunta naman daw si Ruby sa kanyang opisina pero hindi dahil sa usapin tungkol sa PDAF, kundi sa medical assistance na hinihingi nito para sa isa pang kapatid na kalaunan din daw ay sumakabilang buhay.

Saad pa ni Jinggoy, baka raw sumama ang loob ni Ruby nang hindi niya ito napagbigyan sa hinihiling na financial assistance.

Matapos daw kasi ang ilang buwang pamamalagi nito sa ibang bansa, humingi daw ito ng tulong sa kanya.

Aniya, “Nung kinukumusta ko siya at nung magbababaan na kami ng telepono e humihingi siya ng tulong pinansiyal.

“Na hindi ko naman po napagbigyan kaya siguro, dun nag-umpisa yung kanyang pagtatampo sa akin.

Tiwala naman ang ama ni Senator Jinggoy na si Mayor Erap na kayang harapin ng anak ang panibagong alegasyon.

Pahayag niya, “I know my son can defend himself.”

Hanggang ngayon, hindi pa rin daw naglalabas ng anumang pahayag si Senator Enrile. Makailang ulit na raw kinukontak ng GMA reporter na si Sandra Aguinaldo ang media relations officer ng senador pati ang kanyang mga security personnel, pero wala pa raw itong pahayag.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa mga ulat noon, nabanggit ni Senator Enrile na hindi niya naging staff si Tuason. Wala rin daw siyang nailagak na pera mula sa kanyang pork barrel papunta sa mga NGOs ni Napoles.

PRESIDENT NOYNOY AQUINO. Sa ulat pa rin ng State of the Nation, hinihintay naman daw ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang buong ulat ni Justice Secretary Leila de Lima tungkol sa paglantad ni Ruby.

Para raw sa Pangulo, malaking tulong ang testimonya nito upang lalong mapatibay ang mga akusasyon at alegasyon ng mga whistleblowers sa pork-barrel scam.

Pahayag ni PNoy, “Kung saan tayo dadalhin ng ebidensiya, dun tayo tutungo.

“So, makakatulong ‘to sa pagsasara dito sa kabanata sa atin na nangyayari sa… ito na pang-aapi sa ating sambayanan.”

SENATE HEARING RESUMES ON FEBRUARY 13. Sa darating na February 13, muling magbubukas ang pagdinig ng senado sa pork-barrel scam. Ipapatawag ng kumite si Ruby upang maimbestigahan sa kanyang nalalaman sa anomaliya.

Ayon sa chairman ng Blue Ribbon Committee na si Senator Teofisto "TG" Guingona, “The Blue Ribbon Committee will resume its investigation on PDAF on February 13, and will invite Ruby Tuason to shed more light on the issue.”

Sa sulat naman ni Senator Miriam Defensor-Santiago kay Guingona, hiniling nito na mabigyan siya ng eksaktong oras upang matanong si Tuason. Saad ng senadora, “I would appreciate it if you could instruct the committee secretary to give me a definite time slot, maybe at about 11 a.m., for my interpellation.”

Bukod daw sa PDAF, ilalahad din daw ni Tuason ang nalalaman nito tungkol sa Malampaya Fund scam, kung saan idinadawit nito ang isang nagngangalang "Atty. Jess Santos," na dating abugado raw ni Former First Gentleman Mike Arroyo.

Pinabulaanan naman agad ito ni Atty. Santos.

Aniya, “Wala akong nalalaman diyan. Nababasa ko lang sa diyaryo yung Malampaya Fund e nasa Palawan. Yun lang ang alam ko diyan. Pero hindi ko kilala itong Ruby Tuason na ito, [pati] yung kapatid nito.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon naman sa abugado at spokesperson ng dating First Gentleman na si Atty. Ferdinand Topacio, napaka-iresponsable raw at napaka-unethical ng pagpapahiwatig ng Justice Secretary na sangkot ang kliyente nito sa Malampaya Fund scam.

Pahayag pa ni Atty. Topacio, “The statement of Justice Secretary Leila de Lima today heavily insinuating the involvement of our client, Atty. Jose Miguel Arryoyo, in alleged criminal acts regarding the Malampaya Funds smacks of extreme irresponsibility and lack of ethics, logic, and common human decency.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN