Senator Jinggoy Estrada says Ruby Tuason will create "fabricated stories" to pin him down

Hiniling ni Senator Jinggoy Estrada na i-review ng tagapamahala ng security sa Senado ang CCTV footages upang malaman kung nagkaroon nga ba ng transaksiyon sa pagitan niya at ni Ruby Tuason sa parking lot ng Mataas na Kapulungan.


Isang malaking pagmamanipula para palabasing may krimen siyang nagawa ang biglaang paglitaw ni Ruby Tuason.

Ito ang paniniwala ni Senator Jinggoy Estrada sa mga akusasyon laban sa kanya ni Tuason, isang malapit na kaibigan ng kanilang pamilya.

Si Ruby ay dating nanilbihan bilang social secretary ng ama ni Senator Estrada na si Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada noong nanunungkulan pa itong Pangulo ng bansa.

Sa panayam ng ABS-CBN News ngayong araw, February 11, pinabulaanan ni Senator Estrada ang diumano’y ledger na isa raw gagamiting ebidensiya laban sa kanya.

Aniya, "Wala namang itinatagong ledger si Mrs. Tuason, ngayon nagka-ledger na siya."

Kinuwestiyon din ng senador ang diumano’y numero ng Special Allotment Release Order (SARO) na nabanggit ni Tuason bilang katunayan diumano sa mga maanomalyang transaksiyon nila.

Ang SARO ay isang dokumento na naglalaman ng kautusan na maaari nang ilabas ang pondo ng isang proyekto.

Dagdag pa ni Senator Estrada tungkol kay Tuason, "She was in the U.S.

"Yung [Justice Undersecretary na] pumunta doon, tinally na nila ang mga SARO numbers sa number ni [whistleblower Benhur Luy]."

Imposible raw na maaalala pa ni Tuason ang mga numerong nakatala sa SARO.

Naniniwala rin si Senator Estrada na hindi mapapanindigan ni Tuason ang mga nakasaad sa kanyang testimonya sa cross-examination na gagawin ng mga senador sa Blue Ribbon Committee hearing tungkol sa Priority Development Assitance Fund (PDAF) sa Huwebes, February 13.

Hindi rin daw siya natatakot sa sinabi ni Senator TG Guingona, ang chairman ng kumite, na itatanong nila ang lahat ng detalye at mga nalalaman ni Tuason sa diumano’y PDAF kickbacks niya at ng isa pang dawit sa kontrobersiya na si Senator Juan Ponce Enrile.

Itinanggi na rin ni Senator Enrile na nagkaroon sila ng transaksiyon ni Ruby tungkol sa PDAF.

Bagamat inamin ng beteranong senador na nagkaroon sila ng meeting noon, ito ay tungkol lamang daw sa isang "property transaction."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Read: Senator Juan Ponce Enrile denies Ruby Tuason’s allegations: "Walang ibinibigay sa akin na pork barrel funds.

“TRIAL BY PUBLICITY." Ayon pa kay Senator Estrada, alam niyang gagawan siya ng "fabricated stories" ni Ruby.

Pero bahala na raw ang publiko na humusga sa kung ano ang totoo.

Saad niya, “Of course, [Tuason will] fabricate stories. It’s for the public to believe. It’s trial by publicity.”

Naniniwala rin ang actor-politician na ang whistleblowers sa PDAF scam ay pilit na itinataas ang halagang sangkot sa umano’y kickbacks para makabuo ng kasong plunder laban sa kanya.

Sa kasalukuyang sistema ng pamahalaan, kapag ang isang nanunungkulan sa gobyerno ay nagkamal ng perang lagpas sa P50 million, siya ay maaari nang kasuhan ng plunder.

"Sabi ni Benhur Luy, noon P9 million, ngayon P35 million.

"P35 million? Ilang kilo yun? Madadala ba niya [Tuason] yun?” tanong pa ni Senator Estrada.

Sa pinirmahang affidavit ni Ruby, nakasaad dito na personal niyang hinahatid kay Senator Estrada at Senator Enrile ang kickbacks nila mula sa kanilang PDAF.

Sa kaso ni Senator Estrada, iniabot daw ito ni Ruby sa parking lot ng Senado.

Pero ayon kay Senator Estrada, ang naturang affidavit ay walang detalye ng petsa at kung paano naganap ang bigayan ng pera sa pagitan nilang dalawa kaya kaduda-duda raw ang testimonya ni Ruby.

Read: Senator Jinggoy Estrada disproves Ruby Tuason’s allegation; says, “…never siyang nag-abot ng pera sa akin, e.”

Hiniling na rin ni Senator Estrada kay Senate President Franklin Drilon na i-review ng Office of the Sergeant At Arms (OSA) ang CCTV (closed-circuit television) ng Senado para ma-check ang akusasyon ni Ruby na nag-deliver ito sa kanya ng bag-bag ng pera.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN