Andrew Wolff involved in alleged punching incident at a parking lot

Nasangkot sa panununtok diumano ng isang sibilyan ang modelo at rugby player na si Andrew Wolff kagabi, February 11, sa Makati City. Hindi naman naghain ng reklamo ang biktimang si Alfredo Bagunu (inset) laban sa Filipino/British part-time actor matapos magkaaregluhan ang dalawa sa presinto.


Sangkot sa panununtok diumano ang model-athlete na si Andrew Wolff.

Namamaga ang pisngi, namumula ang mata, at may galos ang mukha ng 58-anyos na si Alfredo Bagunu nang makausap ng News5 kagabi, February 11, sa Makati.

Biktima diumano si Bagunu ng panununtok ni Andrew, na isa ring part-time actor.

Sa exclusive report ng Andar ng mga Balita ng Aksyon TV Channel 41 ngayong tanghali, February 12, isinalaysay ni Bagunu ang engkuwento nila ni Andrew.

Dahan-dahan daw niyang ipinarada ang kanyang sasakyan sa isang parking lot, bandang alas-otso ng gabi, sa isang mall sa Makati City.

Nagulat na lang daw siya nang may biglang kumalabog sa likod ng kanyang van.

May kadiliman daw ang naturang parking area ng mall kaya hindi napansin ni Bagunu na nasagi niya si Andrew.

Matapos nito, tinadyakan daw ng 28-year-old Filipino-British model/rugby player ang likod ng sasakyan ni Bagunu.

Pagkatapos nito ay lumapit si Andrew kay Bagunu.

“Pumunta sa akin, sinuntok kaagad ako dito, Sir," sabi ni Bagunu, sabay turo sa kaliwang bahagi ng kanyang mukha.

“Bababa sana ako, sinalubong ulit ako [ng suntok] dito," na ang tinutukoy naman niya ay ang kanang bahagi ng kanang pisngi sa may bandang mata.

Nayupi raw ang likurang bahagi ng van ni Bagunu dahil sa ginawang pagtadyak ni Andrew.

Pagkatapos ng insidente ay dumiretso ang dalawa sa presinto ng Makati City Police Station, sa Ayala Avenue corner Yakal Street.

Hindi na nagbigay ng panayam si Andrew sa media.

Pero ayon sa statement na ibinigay niya sa awtoridad, habang nagkakalikot siya ng kanyang tablet ay bigla raw siyang naatrasan ng sasakyan ni Bagunu.

Bahagya raw siyang napasubsob bunsod ng pagkasagi, pero hindi naman siya nasugatan.

Noong una ay nais pang maghain ng reklamo si Bagunu laban kay Andrew, pero matapos ang pag-uusap ng dalawa sa loob ng presinto ay nagka-aregluhan na ang mga ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ni Andrew kaugnay ng insidenteng ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN